Sabado, Agosto 31, 2024

DALISAY NA PAG-IBIG AT KATAPATAN

13 Setyembre 2024 
Paggunita kay San Juan Crisostomo, obispo at pantas ng Simbahan 
1 Corinto 9, 16-19. 22b-27/Salmo 83/Lucas 6, 39-42 

SCREENSHOT: #PABIHIS sa Mahal na Poong Jesus Nazareno | #QuiapoChurch - 05Agosto 2024 (Lunes) (Facebook and YouTube)



Nakasentro sa halaga ng dalisay na pag-ibig at katapatan ang mga Pagbasa para sa araw na ito. Layunin ng Simbahan na paalalahanan ang bawat isa sa atin tungkol sa dapat maging bunga ng taos-pusong debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng taimtim na pagninilay sa halaga ng dalisay na pag-ibig at katapatan sa Kaniya. Ang tunay na debosyon at pamamanata sa Mahal na Señor ay dapat maging daan tungo sa pagkakaroon ng dalisay na katapatan at pag-ibig para sa Kaniya.  

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo na handa siyang gawin ang lahat upang si Kristo ay maipakilala sa lahat, kahit na nangangahulugang kailangan niyang mamuhay bilang isang alipin. Sa Salmong Tugunan, buong linaw at lakas ng loob na inihayag ng tampok na mang-aawit nito na lubos niyang pinahahalagahan at iniibig ang templo ng Diyos dahil sa presensya ng Diyos na nananahan dito. Sa Ebanghelyo, nangaral ang Poong Jesus Nazareno tungkol sa dalisay na pag-ibig at katapatan. Ang pag-ibig at katapatan sa Panginoong Diyos ay hindi dapat gawing palabas. Bagkus, dapat itong isabuhay bilang patunay ng pagiging taos-puso at dalisay nito. 

Hindi naghahanap ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ng mga mahuhusay na alagad ng sining. Bagkus, ang hinahanap ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ay mga pusong puspos ng dalisay na pag-ibig at katapatan sa Kaniya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento