14 Setyembre 2024
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1640) Christ on the Cross by Jan Boeckhorst (–1668), as well as the actual work of art itself from a Private collection via Web Gallery of Art, is in the Public Domain (PDM 1.0 - Public Domain Mark 1.0 Universal - "No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
Tampok sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ang salaysay ng pasiya ng Diyos na pagkalooban ng buhay at kaligtasan ang mga Israelita sa ilang sa pamamagitan ng ahas na tanso. Inutusan ng Panginoong Diyos si Moises na gumawa ng isang ahas na tanso upang magkaroon ng buhay at kagalingan ang mga Israelitang tumingin dito, kahit na tinuklaw sila ng mga makamandag na ahas. Ang mga Israelitang iniligtas at pinalaya Niya mula sa pagkaalipin sa Ehipto ay nagreklamo at binaon sa limot ang Kaniyang mga ginawa para sa kanila. Dahil dito, ang Diyos ay nagpadala ng mga makamandag na ahas upang patayin sila bilang parusa. Subalit, hindi nagtagal at ang Diyos ay nagpasiyang iligtas ang mga Israelitang nagmakaawa sa Kaniya. Hindi Niya ipinagkait sa mga Israelita sa ilang ang Kaniyang habag at awa, sa kabila ng kanilang pagkalimot sa Kaniyang mga kahanga-hangang gawa.
Ang mga salita sa Salmong Tugunan ay isang napakahalagang paalala para sa ating lahat na bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ni Kristo: "Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D'yos" (Salmo 77, 7k). Hindi natin dapat limutin ang lahat ng mga gawa ng Panginoon na tunay ngang dakila. Ang pinakadakilang gawa ng Diyos ay ang pagligtas sa atin sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ito ang tanging dahilan kung bakit lubos nating pinahahalagahan ang Kaniyang Banal na Krus.
Sa misteryo ng Kabanal-Banalang Krus ng Mahal na Poong Jesus Nazareno nakatuon ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Inilarawan ni Apostol San Pablo kung paanong ang kababaang-loob ng Poong Jesus Nazareno ay nagdulot ng kaligtasan sa lahat. Ang Poong Jesus Nazareno ay nagpasiyang maging mababang-loob alang-alang sa atin. Dahil sa kababaang-loob ni Jesus Nazareno na inihayag ng Banal na Krus, tayong lahat ay nagkaroon ng kaligtasan at kalayaan.
Inilarawan sa Ebanghelyo ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na ipagkaloob sa atin ang Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Sabi sa tampok na pahayag sa Ebanghelyo na dakilang pag-ibig ang dahilan kung bakit ang Poong Jesus Nazareno ay ipinagkaloob ng Diyos bilang Mesiyas at Manunubos. Kahit na hindi naman Niya ito kinailangang gawin, ipinasiya pa rin Niya itong gawin dahil sa dakila Niyang pag-ibig para sa atin.
Tunay ngang dakila ang pag-ibig ng Diyos. Kahit na hindi tayo karapat-dapat dahil sa dami ng ating mga kasalanan, ipinasiya pa rin Niya tayong pagkalooban ng kaligtasan at kalayaan dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig para sa atin. Ang Kabanal-Banalang Krus ng Poong Jesus Nazareno ay ang pinakadakilang patunay nito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento