Biyernes, Setyembre 27, 2024

PAANYAYA SA MISYON

18 Oktubre 2024 
Kapistahan ni San Lucas, Manunulat ng Mabuting Balita 
2 Timoteo 4, 10-17b/Salmo 144/Lucas 10, 1-9


Ang araw na ito ay inilaan ng Simbahan upang magpuri at magpasalamat sa Diyos sa Kaniyang paghirang at pagtalaga sa isa sa mga Manunulat ng Mabuting Balita na si San Lucas bilang isa sa mga misyonero ng Simbahan. Kabilang si San Lucas sa mga nangangaral at nagpapalaganap ng Banal na Ebanghelyo. Ibinigay ni San Lucas ang buo niyang sarili sa pagtulong sa sinaunang Simbahan na ipakilala si Kristo sa tanan. 

Sa Unang Pagbasa, binaggit ni Apostol San Pablo ang pangalan ni San Lucas upang pagaanin ang loob ni San Timoteo. Layunin ni Apostol San Pablo na ipaalala kay San Timoteo at pati na rin ang iba pang mga Kristiyano na hindi siya nag-iisa. Mayroong kasama si Apostol San Pablo sa misyon - si San Lucas. Nais niyang isalungguhit nang buong linaw na mayroon mga handang mag-alay ng buo nilang sarili alang-alang sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno at sa Mabuting Balita. Kabilang sila sa mga kusang-loob na tumutulong sa misyon ng Ebanghelisasyon o pagpapalaganap ng Mabuting Balita. 

Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang paghirang at pagsugo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pitumpu't dalawa upang ipangaral ang Mabuting Balita sa iba't ibang bayan at pook sa Israel. Maaari ituring na isang pasulyap ang pagsugo ng Poong Jesus Nazareno sa pitumpu't dalawa sa magiging misyon ng mga apostol at ng iba pang mga bumubuo ng Kaniyang Simbahan na sisimulan nilang isagawa matapos Niyang tuparin ang sarili Niyang misyon bilang Mesiyas. 

Inaanyayahan tayong lahat na makiisa sa misyon ng Simbahan na ipakilala sa lahat ang Poong Jesus Nazareno. Ano ang ating pasiya? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento