27 Setyembre 2024
Paggunita kay San Vicente de Paul, pari
Mangangaral 3, 1-11/Salmo 143/Lucas 9, 18-22
SCREENSHOT: #PABIHIS sa Mahal na Poong Jesus Nazareno | 12 September 2024 (Huwebes) (Facebook and YouTube)
Ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa na nangyayari ang lahat ng bagay ayon sa plano at kalooban ng Diyos. Anuman ang naisin at loobin ng Diyos, ito ay mangyayari. Siya lamang ang may kapangyarihang gawin ang anumang Kaniyang naisin. Hindi natin ito masasabi tungkol sa ating mga sarili sapagkat hindi natin taglay ang ganoong uri ng kapangyarihan bilang mga tao. Tanging ang Diyos lamang ang mayroon nito.
Sa Unang Pagbasa, inilahad ang isang napakahalagang paalala. Ang Diyos lamang at wala nang iba pa ang bukod tanging makapagtutupad ng Kaniyang mga naisin. Kapag niloob at pinahintulutan ng Diyos ang isang bagay, mangyayari iyon. Hindi ito kayang gawin natin bilang tao. Walang sinumang tao sa mundo ang nagtataglay ng ganitong uri ng kapangyarihan. Limitado tayo bilang tao. Mayroon tayong mga limitasyon sa buhay natin sa daigdig na ito. Ngunit, nagagawa ng Panginoong Diyos ang anumang Kaniyang naisin at loobin.
Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay nakatuon sa misyon ni Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Sa unang bahagi ng salaysay sa Ebanghelyo, buong lakas na inihayag ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro na si Jesus Nazareno ay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ipinagkaloob ng Diyos. Inilarawan naman ni Jesus Nazareno sa mga apostol sa ikalawang bahagi ng tampok na salaysay sa Banal na Ebanghelyo na dapat Siyang magbata ng maraming hirap, pagdurusa, sakit, at kamatayan sa Krus na Banal para sa ikaliligtas ng buong sangkatauhan bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Subalit, ang Panginoong Jesus Nazareno ay hindi mananatiling patay sapagkat mabubuhay Siyang mag-uli sa ikatlong araw. Ito ang naging plano ng Diyos. Darating sa mundong ito ang Kaniyang Bugtong na Anak na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno upang iligtas mula sa kasalanan ang sangkatauhang iniibig Niya nang lubusan sa pamamagitan ng Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay.
Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, bumuo Siya ng plano upang iligtas tayo mula sa kasalanan. Niloob Niyang iligtas tayo. Ginawa Niya iyon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento