6 Oktubre 2024
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon [B]
Genesis 2, 18-24/Salmo 127/Hebreo 2, 9-11/Marcos 10, 2-16 (o kaya: 10, 2-12)
Ipinaalala ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa pangaral na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa na banal ang lahat ng mga kaloob ng Panginoong Diyos. Dahil ang Panginoong Diyos ay ang bukal ng kabanalan, banal ang lahat ng mga biyayang kaloob Niya sa lahat. Kaya, dapat nating pahalagahan ang lahat ng mga ito.
Sa kabanalan ng mga biyayang kaloob ng Diyos nakatuon ang mga Pagbasa para sa Linggong ito. Sa Unang Pagbasa, ipinagkaloob si Eba ng Panginoong Diyos kay Adan. Nilikha ng Panginoong Diyos si Eba upang maging kabiyak ng puso ni Adan. Niloob ng Panginoon na magkaroon ng kasama si Adan. Dahil diyan nilikha ng Diyos si Eba. Sa Ebanghelyo, inihayag ng Poong Jesus Nazareno ang dahilan kung bakit sagrado ang kasal o pag-iisang-dibdib. Sa kasal o pag-iisang-dibdib, pinag-iisa ng Panginoon ang isang lalaki at isang babae. Binabasbasan ng Diyos ang kanilang pag-uugnay. Ito ang dahilan kung bakit sagrado ang kasal.
Ang mga salitang binigkas nang buong linaw ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ay nakatuon sa basbas ng Diyos. Banal ang lahat ng mga binabasbasan ng Panginoong Diyos. Nagiging banal ang lahat ng bagay dahil sa basbas ng Diyos.
Walang masamang ipinagkakaloob ng Diyos. Ang Diyos ay ang bukal at pinagmulan ng kabanalan. Banal ang lahat ng mga biyayang kaloob Niya sa atin. Kaya naman, ang lahat ng mga biyayang ito na Kaniyang kaloob ay dapat nating pahalagahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento