Sabado, Setyembre 7, 2024

PAGHAHANAP SA TUNAY NA GALAK AT KALIGAYAHAN

20 Setyembre 2024
Paggunita kina San Andres Kim Taegon, pari at martir, San Pablo Chong Hasang, at mga kasama, mga martir 
1 Corinto 15, 12-20/Salmo 16/Lucas 8, 1-3 


Ipinakilala sa maikling salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang mga babaeng nagpasiyang maglingkod sa Poong Jesus Nazareno. Kusang-loob na ipinasiya ng mga babaeng ito na ialay ang kanilang mga sarili sa taos-pusong paglilingkod sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa piling ng Poong Jesus Nazareno, ang tunay na kaligayahan ay kanilang nasumpungan. Bilang pasasalamat sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, kusang-loob nilang inihandog ang kanilang mga sarili sa Kaniya. 

Ang pangaral ni Apostol San Pablo na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay nakatuon sa pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa tanan. Katunayan, ang pinakadakilang biyayang ito ay ang pinakadakilang himalang ginawa ng Diyos. Ito ay walang iba kundi ang Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Si Jesus Nazareno ay hindi nanatiling patay. Bagkus, muli Siyang nabuhay sa ikatlong araw. Matapos mamatay sa Krus na Banal, nabuhay na mag-uli ang Panginoong Jesus Nazareno. Hindi nagtapos sa kamatayan ang misyon ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Matapos mamatay sa Krus, muli Siyang nabuhay. Dahil ipinasiya ng Diyos na ipagkaloob sa atin ang pinakadakilang biyayang ito, ang bawat isa sa atin ay puspos ng tunay na galak at ligaya. 

Sa Salmong Tugunan, ang Panginoong Diyos ay ipinakilala bilang dahilan ng galak ng Kaniyang mga lingkod. Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang tatag ni Kristo, maaari natin itong ituring na isang napakahalagang paalala para sa ating lahat. Ang tunay na galak at kaligayahan ay hindi natin matatagpuan. Bagkus, sa Diyos lamang natin ito matatagpuan at masusumpungan. Ito ang tanging dahilan kung bakit ang lahat ng mga lingkod ng Diyos ay puspos ng galak, sa kabila ng mga hirap, sakit, at pagsubok sa buhay dito sa mundo. 

Bagamat marami tayong hinaharap na hirap, sakit, at pagsubok sa buhay sa mundo, matatagpuan at masusumpungan pa rin natin ang tunay na galak at kaligayahan. Sa piling ng Diyos lamang natin ito matatagpuan at masusumpungan. Ang lahat ng mga banal ay napuspos ng tunay na galak at kaligayahan, kahit na namumuhay pa sila sa mundong ito. Ito ay dahil naging bukas sila sa tunay na galak at kaligayahang kaloob sa kanila ng Diyos. Sa kabila ng mga hirap, sakit, at pagsubok sa buhay, napuspos pa rin sila ng tunay na galak at kaligayahan sapagkat naging bukas sila sa Diyos. 

Hinahanap ba natin ang tunay na galak at kaligayahan? Sa Diyos lamang natin ito matatagpuan at masusumpungan. Isa lamang ang kailangan nating gawin - buksan ang ating mga puso at loobin sa Kaniya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento