22 Setyembre 2024
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon [B]
Karunungan 2, 12. 17-20/Salmo 53/Santiago 3, 16-4, 3/Marcos 9, 30-37
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1625 and 1630) Christ in the Garden of Olives (fragment) by Gaspar de Crayer (1584–1669), as well as the actual work of art itself from the Rubenshuis which is available from the Netherlands Institute for Art History is in the Public Domain (PDM 1.0 - Public Domain Mark 1.0 Universal - "No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nakasentro sa pagiging bukas sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagbubukas ng ating mga sarili sa Panginoon, binibigyan natin Siya ng pahintulot na maghari sa ating buhay. Pinahihintulutan rin natin ang Panginoong Diyos na baguhin ang ating mga buhay. Ipinapahayag natin sa pamamagitan nito ang taos-puso nating hangaring isentro ang ating buhay sa Kaniya.
Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang mga naranasan ng mga lingkod ng Diyos gaya na lamang ng mga propetang Kaniyang hinirang at itinalaga sa Lumang Tipan. Hindi nila matanggap na mula sa Panginoon ang ipinangangaral ng Kaniyang mga lingkod gaya ng mga propeta. Sa halip na buksan ang kanilang mga puso at isipan sa Diyos, ang pintuan ng kanilang mga puso at loobin ay ipinasiya nilang isara. Ipininid pa nga nila ito. Kahit na tinutupad lamang ng mga lingkod ng Panginoong Diyos ang misyon at tungkuling bigay Niya sa kanila, hindi sila tinanggap ng marami. Walang tigil na pag-uusig ang kanilang tinanggap mula sa kanila.
Ipinaliwanag naman sa Salmong Tugunan ang dahilan kung bakit ang mga tapat na lingkod ng Diyos ay hindi tumitigil sa paglilingkod sa Kaniya. Sa kabila ng mga hirap, sakit, at pagsubok sa buhay, ipinasiya pa rin nilang ialay ang kanilang buong sarili sa Kaniya. Kahit na napakahirap itong gawin dahil tila sila lamang ang gumagawa noon, ang Panginoong Diyos ay pinili pa rin nilang ibigin, paglingkuran, at sambahin nang buong katapatan. Ang mga salitang binigkas ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ay ipinasiya nilang paniwalaan at isabuhay hanggang sa huli. Buong linaw na winika ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Ang D'yos ang S'yang tumutulong at sa aki'y nagtatanggol" (Salmo 53, 6b). Dahil dito, ang mga tapat na lingkod ng Diyos ay hindi tumigil sa paglilingkod sa Kaniya.
Nakasentro sa tapat at taos-pusong pagtanggap at pagsunod sa kalooban ng Diyos ang pangaral ni Apostol Santo Santiago sa Ikalawang Pagbasa. Sabi ni Apostol Santo Santiago na mayroong malinis at dalisay na pamumuhay ang mga tumatanggap sa karunungang nagmumula sa Panginoon (Santiago 3,17). Ang lahat ng mga nagnanais maglingkod sa Panginoon ay dapat maging bukas sa Kaniya. Dapat nating buksan ang ating mga sarili sa mga biyayang kaloob Niya, lalung-lalo na sa biyaya ng bagong buhay bilang mga tapat na lingkod ng Panginoong Diyos. Kailangan nating bigyan ng pahintulot ang Panginoon upang baguhin tayo. Ito ang kailangan nating gawin nang sa gayon ay maging tapat at dalisay ang ating paglilingkod sa Kaniya.
Mayroong dalawang bahagi ang Ebanghelyo. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, muling inihayag ng Poong Jesus Nazareno sa mga apostol kung ano ang kailangan Niyang gawin bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Kailangan Niyang magpakasakit at mamatay sa Krus Niyang Kabanal-banalan bago ang maluwalhati Niyang Muling Pagkabuhay sa ikatlong araw. Ang mga salitang Kaniyang binigkas sa mga apostol sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo ay nakasentro sa tapat at taos-pusong pagtanggap sa Kaniya. Nais ni Jesus Nazareno na maging tapat at taos-puso ang pagtanggap sa Kaniya ng tanan. Kaya naman, inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na dapat maging mga lingkod ang mga nagnanais maging dakila. Isinasalungguhit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga salitang ito na hindi naman pagalingan ang pagiging banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Bagkus, ang pagiging banal at kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos ay tungkol sa pagiging tapat, dalisay, at taos-puso sa pagbukas at paghahandog ng sarili sa Kaniya bilang Panginoon at Hari.
Hinahanap ng Diyos ang mga tapat at taos-pusong magbubukas at maghahandog ng buo nilang sarili sa Kaniya. Ito ba ang ating gagawin?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento