11 Oktubre 2024
Biyernes ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Galacia 3, 7-14/Salmo 110/Lucas 11, 15-26
SCREENSHOT: #QuiapoChurch 12:15 PM #OnlineMass 14 September 2024 • Feast of the EXALTATION OF THE HOLY CROSS (YouTube)
Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa ugnayan ng tapat, dalisay, at taos-pusong pananalig sa Diyos at ng pagbukas ng sarili sa Kaniya. Ang pagbukas ng sarili sa Diyos ay isang patunay na tapat, dalisay, at taos-puso ang ating pananalig at pagsamba sa Kaniya. Ang Diyos ay pinahihintulutan nating pumasok at maging hari ng ating mga buhay kapag ito ang ating ipinasiyang gawin.
Sa Unang Pagbasa, itinampok ni Apostol San Pablo si Abraham upang isalungguhit ang halaga ng tapat, dalisay, at taos-pusong pananalig sa Diyos. Kahit na mayroong mga sandali sa buhay ni Abraham sa daigdig kung kailan siya nahirapang manalig sa Diyos, ipinasiya pa rin niyang gawin ito. Binuksan niya ang kaniyang sarili sa Diyos at isinuko ang lahat sa Kaniya. Sa Ebanghelyo, pinagdudahan ng ilang mga tao si Jesus Nazareno matapos Niyang magpalayas ng masasamang espiritu. Ipinasiya ng mga taong ito huwag buksan ang kanilang mga puso at isipan sa Poong Jesus Nazareno, kahit na mayroon naman Siyang kapangyarihan bilang Diyos na gawin iyon.
Inaanyayahan ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang lahat na buksan ang sarili sa Panginoong Diyos. Ang Panginoong Diyos ay tunay ngang maaasahan sa lahat ng oras. Kaya, nararapat lamang na manalig sa Kaniya nang taos-puso.
Tayong lahat ay tinatanong sa araw na ito - bubuksan ba natin ang ating mga sarili sa Diyos at pahihintulutan ba natin Siyang maghari sa ating buhay?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento