Huwebes, Setyembre 26, 2024

HINDI KAYANG BILHIN ANG LAHAT

13 Oktubre 2024 
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Karunungan 7, 7-11/Salmo 89/Hebreo 4, 12-13/Marcos 10, 17-30 (o kaya: 10, 17-27)


Hindi lahat mabibili ng pera. Isa ito sa mga sinasabi ng mga tao tungkol sa halaga ng dangal at dignidad. Katunayan, ang mga salitang ito ay madalas nasasambit ng mga taong itinuturing na maprinsipiyo. Sa totoo lamang, mayroon namang katotohanan sa likod ng mga salitang ito. May mga bagay na hindi kayang bilhin ng salapi. Gaano mang karami ang perang hawak ng isang tao, may mga bagay na hindi kayang bilhin gamit ito. 

Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito ang isang mayamang lalaki na lumapit kay Jesus Nazareno upang tanungin Siya tungkol sa pagkamit ng buhay na walang hanggan. Matapos ilarawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno kung paano ito magagawa, ipinasiya ng mayamang lalaki na umalis na lamang. Kayang-kaya ng mayamang lalaking ito na tuparin at sundin ang Sampung Utos. Subalit, hindi niya kayang ipamigay at iwanan ang kaniyang mga kayamanan. 

Inihayag sa Unang Pagbasa na mas mahalaga kaysa sa kayamanan ang Karunungang kaloob ng Diyos. Patunay lamang na hindi lahat ay madadaan sa pera. Marami man ang perang hawak ng isang tao, walang kabuluhan iyon kung ipinasiya niyang huwag tanggapin ang Karunungang kaloob ng Panginoon. Buong linaw, pananalig, at taos-pusong inihayag ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan na 'di hamak na mas mahalaga kaysa sa salapi ang pag-ibig ng Panginoong Diyos. Ang dakilang pag-ibig ng Diyos na tunay ngang dakila sa lahat at walang kapantay ay nagbibigay ng kahulugan at kulay sa kaniyang buhay. Ito ang dahilan kung bakit lagi siyang puspos ng ligaya, galak, at tuwa. 

Sa Ikalawang Pagbasa, ipinaalala ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo ang lahat na walang lihim na hindi alam ng Diyos. Nalalaman ng Diyos ang lahat tungkol sa atin, lalung-lalo na kung ano ang nasa sentro ng ating mga puso. Kaya man nating ilihim ang mga bagay-bagay mula sa kapwa, hinding-hindi natin kayang ilihim ang mga ito mula sa Diyos na nakakaalam sa lahat ng bagay. 

Bagamat mahalaga para sa atin ang pera, hindi ito ang pinakamahalaga sa lahat. Ito ang paalala sa atin ng Simbahan sa Linggong ito. Kaya naman, huwag nating gawing sentro ng ating mga buhay o 'di kaya mga diyus-diyusan ang perang hawak natin at pati na rin ang iba't ibang kayamanang taglay natin sa buhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento