Sabado, Setyembre 14, 2024

PINABABANAL NIYA ANG LAHAT

28 Setyembre 2024 
Dakilang Kapistahan ng Pagtatalaga ng Dambana ng Simbahan ng Quiapo 
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 4, 19-24 



Ang araw na ito ay napakahalaga para sa lahat ng mga bumubuo sa pamayanan ng Simbahan ng Quiapo. Bagamat ang araw na ito ay inilaan para sa paggunita sa Unang Pilipino Santo at Martir ng Simbahan na si San Lorenzo Ruiz, para sa lahat ng mga bumubuo sa pamayanan ng Simbahan ng Quiapo, ang araw na ito ay inilaan upang gunitain at ipagdiwang ang Pagtatalaga ng Dambana ng nasabing Simbahan. Dahil dito, ibang-iba sa mga panalangin at Pagbasa sa mga Misa sa ibang mga Simbahan sa iba't ibang bahagi ng Republika ng Pilipinas sa mga panalangin at Pagbasa sa mga Misa sa Simbahan ng Quiapo sa araw na ito. 

Ipinapaalala sa atin ng Inang Simbahan sa araw na ito na inilaan para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagtatalaga ng Dambana ng Simbahan ng Quiapo na isa lamang ang nagpapabanal sa lahat ng bagay - ang Panginoong Diyos. Dahil dito, ang tawag sa mga Simbahan gaya na lamang ng makasaysayang Simbahan ng Quiapo ay mga bahay-dalanginan. Ang Simbahan ay tahanan ng Panginoon. Sa Simbahan, ang Diyos ay nananahan. Tumutungo tayo sa Simbahan, sa bahay ng Panginoong Diyos, upang manalangin sa Kaniya. Bagamat lagi naman tayong sinasamahan ng Mahal na Poon saanman tayo magtungo, mas ramdam natin ang Kaniyang presensya sa mga bahay-dalanginan gaya na lamang Simbahan ng Quiapo. 

Sa Unang Pagbasa, ang templo ng Diyos ay inilarawan bilang ilang isang daluyan ng mga biyayang kaloob Niya sa lahat. Sa larawan ng templo ng Panginoong Diyos, mga bahay-dalanginan, bilang isang daluyan ng Kaniyang mga biyaya nakatuon ang mga salitang buong linaw na binigkas ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na banal ang ating mga katawan dahil ang mga ito ay itinalaga ng Diyos bilang Kaniyang mga templo. Sa Ebanghelyo, buong linaw na inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno na ang Diyos ay sasambahin ng lahat sa espiritu at sa katotohanan. 

Dahil sa presensya ng Panginoong Diyos, ang mga bahay-dalanginan gaya na lamang ng Simbahan ng Quiapo ay mga sagradong pook. Pinababanal ng Panginoong Diyos ang lahat ng mga itinalaga Niyang bilang Kaniyang tahanan. Ang nagpapabanal sa lahat ay walang iba kundi ang Diyos na Siyang bukal ng lahat ng kabanalan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento