20 Oktubre 2024
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon [B]
Isaias 53, 10-11/Salmo 32/Hebreo 4, 14-16/Marcos 10, 35-45 (o kaya: 10, 42-45)
Larawan: Guercino (1591–1666), The Flagellation of Christ (1657), Galleria Nazionale d'Arte Antica, Web Gallery of Art, Public Domain.
Sa Ebanghelyo, ipinaalala ng Poong Jesus Nazareno sa mga apostol kung bakit Siya pumarito sa daigdig bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ito ang Kaniyang tugon sa sampung apostol na nagalit sa magkapatid na sina Apostol Santo Santiago at San Juan. Hiniling ng magkapatid na ito na maupo sa tabi ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit. Ang hiling ng magkapatid na ito ay hindi pinagbigyan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dumating sa mundo upang paglingkuran ang lahat bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, tinupad ng Poong Jesus Nazareno ang pangako ng Panginoong Diyos na inilahad ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Inilarawan ng Panginoong Diyos sa mga salitang ito na inilahad ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa kung ano ang gagawin ni Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob Niya sa tanan, upang tubusin ang sangkatauhan. Kusang-loob na ihahandog ng Panginoong Jesus Nazareno ang buo Niyang sarili sa Kabanal-Banalang Krus para sa kaligtasan ng buong sangkatauhan. Dahil dito, ang ipinangakong Mesiyas na kaloob ng Diyos na walang iba kundi si Jesus Nazareno ay ipinakilala bilang pinakadakilang saserdote sa pangaral na itinampok sa Ikalawang Pagbasa.
Inilarawan sa Salmong Tugunan kung ano ang dulot ng biyaya ng pagliligtas ng Diyos sa lahat. Ang dulot ng biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay pag-asa. Sa pamamagitan ng pagkakaloob ng biyaya ng dakila Niyang pagliligtas sa tanan, ang Panginoong Diyos ay nagpasiyang magdulot ng pag-asa sa tanan. Hindi katulad ng pag-asang dulot ng mundo ang pag-asang dulot ng Diyos. Bagkus, ang pag-asang kaloob ng Panginoong Diyos ay ang tunay na pag-asa.
Kaligtasan at pag-asa. Ito ang mga biyayang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, kusang-loob Niyang ipinagkaloob sa atin ang mga biyayang ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento