Huwebes, Setyembre 19, 2024

DAHIL NAIS NIYA ITONG GAWIN

4 Oktubre 2024 
Paggunita kay San Francisco de Asis 
Job 38, 1. 12-21; 40, 3-5/Salmo 138/Lucas 10, 13-16 


Nakasentro sa mga loobin ng Diyos ang mga Pagbasa para sa araw na ito. Ang Diyos lamang ang may kapangyarihang tuparin at isagawa ang anumang Kaniyang naisin, hangarin, at loobin sa oras at panahong nais Niyang gawin ang mga ito. Bilang mga tao, wala tayong ganitong uri ng kapangyarihan. May mga pagkakataon sa buhay kung kailan kailangan nating iurong ang ating mga plano dahil sa iba't ibang dahilan. Subalit, ang mga naisin ng Diyos ay Kaniyang nagagawa sa panahong Kaniyang nais. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ang ilan sa mga nilikha ng Diyos. Sa pamamagitan nito, ipinaalala ng PanginoongDiyos na mayroong mundo sapagkat ito ang Kaniyang naisin. Kahit hindi naman Niya kailangang likhain ang mundo, dahil nais Niya itong gawin, ginawa Niya ito. Sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo, ipinasiya ni Jesus Nazareno na manawagan sa mga nasabing bayan sa tampok na salaysay na ito upang magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Dahil sa Kaniyang habag at awa, kahit na hindi naman Niya ito kailangang gawin, ipinasiya pa rin ng Poong Jesus Nazareno na gawin iyon alang-alang sa ikaliligtas ng mga nasabing pamayanan. 

Ang mga Salmong Tugunan ay isang dalangin sa Panginoon. Nakikusap sa Diyos ang tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan na lagi siyang samahan at gabayan sa bawat sandali ng kaniyang buhay. Dumadalangin siya sa Panginoong Diyos na loobin nawa Niyang samahan ang lingkod Niyang ito.

Maraming mga kahanga-hangang bagay ang ginawa ng Panginoong Diyos. Ang lahat ng ito ay ipinasiya Niyang gawin dahil ito ang Kaniyang loobin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento