Biyernes, Setyembre 6, 2024

MGA PUSONG PUSPOS NG GALAK

8 Setyembre 2024 
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Isaias 35, 4-7a/Salmo 145/Santiago 4, 1-5/Marcos 7, 31-37 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1635) Jesus Healing a Deaf-mute by Bartholomeus Breenbergh (1598–1657), as well as the actual work of art itself from the Louvre Museum, is in the Public Domain in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 


"Kalul'wa ko, 'yong purihin ang Panginoong butihin" (Salmo 145, 1). Nakatuon sa mga salitang ito na binigkas ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang taimtim na pagninilay ng Inang Simbahan sa Linggong ito. Isa lamang ang layunin ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan sa pamamagitan ng mga salitang ito - ang lahat ay anyayahang magpuri at magpasalamat sa Diyos nang buong galak. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias ang isang balitang magdudulot ng ligaya, galak, at tuwa sa tanan. Ang mga bulag ay makakakita, ang mga bingi ay makakarinig, ang mga pilay ay makalulundag, at buong galak na aawit ang mga pipi (Isaias 35, 5-6). Mangyayari ito dahil ito ay kalooban ng Diyos. Kaya naman, ang mga salitang ito ng Panginoong Diyos na inilahad ni Isaias na propetang Kaniyang hirang ay isang pangako mula sa Kaniya. Ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Panginoon na bitiwan ang nasabing pangako ay walang iba kundi ang habag at awa Niyang kahanga-hangang tunay. 

Tampok sa Ebanghelyo ang salaysay ng pagpapagaling ng Poong Jesus Nazareno sa isang lalaking bingi at utal. Sa pamamagitan ng kahanga-hangang himalang ito, ang Poong Jesus Nazareno ay nagpakita ng habag at awa sa lalaking ito. Niloob ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na biyayaan ang lalaking ito ng pagkakataong makarinig at makapagsalita. Layunin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na magpakilala sa lahat bilang Panginoong puspos ng habag at awa para sa lahat. Pinatunayan nga Niya ito sa pamamagitan ng himalang ito na tunay ngang kahanga-hanga. 

Ipinapaalala sa atin ni Apostol Santo Santiago sa Ikalawang Pagbasa kung ano nga ba ang dapat nating gawin bilang mga Kristiyano. Bilang mga Kristiyanong nananalig at sumusunod sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ating tungkulin ay ibahagi sa lahat ang Kaniyang habag at awa. Wala tayong dapat itinatangi sapagkat ipinagkakait natin ang habag at awa ni Jesus Nazareno kapag ito ang ating ipinasiyang gawin. Ang dapat nating gawin ay ibahagi sa lahat ang habag at awa ng Poong Jesus Nazareno. Kapag ipinasiya natin itong gawin, pinatutunayan nating sa Kaniya nagmumula ang galak at pag-asa sa ating mga puso. 

Ang tunay na dalisay at taos-pusong papuri sa Diyos ay nagmumula lamang sa mga magbubukas ng kanilang mga puso sa galak at pag-asang Kaniyang kaloob. Maging bukas nawa tayo sa galak at pag-asang bigay sa atin ng Panginoong Jesus Nazareno upang maging tunay ngang dalisay at taos-pusong ang ating pag-aalay ng papuri at pasasalamat sa Kaniya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento