29 Setyembre 2024
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon [B]
Bilang 11, 25-29/Salmo 18/Santiago 5, 1-6/Marcos 9, 38-43. 45. 47-48
Hendrik Goltzius (1558–1617), Man of Sorrows with a Chalice (Christ as Redeemer), Princeton University Art Museum, Public Domain.
Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa tulong ng mga Pagbasa para sa Linggong ito ang halaga ng pagiging mga tagapagpalaganap ng biyaya, pag-ibig, kabutihan, habag, at awa ng Diyos. Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ni Kristo, ito ang dapat nating gawin sa bawat sandali ng ating buhay sa mundong ito. Niloob ng Diyos na ipahiram sa atin ang biyaya ng buhay dito sa mundong ito upang ipalaganap ang Kaniyang biyaya, pag-ibig, kabutihan, habag, at awa.
Sa Unang Pagbasa, ipinagtanggol ni Moises sina Eldad at Medad mula kay Josue na nagbalak pigilin ang dalawang ito dahil wala sila noong binahaginan ng Panginoong Diyos ang pitumpung matanda ng Kaniyang espiritu na Siyang nagbigay sa kanila ng kapangyarihang mangaral at magsalita sa mga Israelita. Bilang tugon, inihayag nang buong linaw ni Moises na hangad niyang maging mga tagapagpalaganap ng biyaya, pag-ibig, kabutihan, habag, at awa ng Panginoong Diyos ang lahat ng mga Israelita.
Nagbigay ng babala si Apostol Santo Santiago sa lahat ng mga naghahasik ng lagim, kadiliman, at kasamaan sa kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Isa lamang ang layunin ng babalang ito ni Apostol Santo Santiago na itinampok sa Ikalawang Pagbasa - pakiusapan ang lahat ng mga nagpapalaganap ng kasamaan na magsisi at tumalikod sa kasalanan at magbalik-loob sa Diyos. Pinakikiusapan ni Apostol Santo Santiago ang lahat ng mga nagpapalaganap ng kasamaan at kasalanan na buksan ang kanilang mga sarili sa Diyos at pahintulutan Siyang baguhin ang kanilang buhay.
Gaya ni Moises sa Unang Pagbasa, hindi pinagbawalan ng Poong Jesus Nazareno ang mga nagpapalayas ng mga demonyo sa Kaniyang Ngalan kahit na hindi sila kasama sa mga apostol. Bilang tugon sa balitang ito mula kay Apostol San Juan, inihayag ng Poong Jesus Nazareno nang buong linaw na hindi naman sila mga kalaban, karibal, o kakompitensya sapagkat binuksan nila ang kanilang mga sarili sa Diyos.
Bilang mga Kristiyano, mayroon tayong misyong ipalaganap ang kabutihan, biyaya, pag-ibig, habag, at awa ng Diyos sa lahat. Hindi ito kompetisyon o pagalingan. Isa lamang ang ating misyon. Wala tayong kakompitensya o karibal. Tulong-tulong tayo sa pagtupad ng misyong ibinigay sa atin ng Panginoong Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento