30 Agosto 2024
Biyernes ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Corinto 1, 17-25/Salmo 32/Mateo 25, 1-13
Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay tungkol sa talinghaga ng sampung dalaga. Sa pamamagitan ng talinghagang ito, ipinapaalala sa atin ng Poong Jesus Nazareno na lagi tayong binibigyan ng pagkakataong paghandaan ang Kaniyang pagdating. Sabi sa Kredo na muli Siyang babalik bilang Hukom ng mga nangabubuhay at nangamatay na tao. Kaya naman, habang patuloy tayong namumuhay at naglalakbay sa mundong ito nang pansamantala, dapat nating paghandaan ang ating mga sarili para sa buhay na walang hanggan sa piling ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang kaharian sa langit. Kailangang nating tahakin ang landas ng kabanalan. Dapat natin gawin ito bilang mga Kristiyano.
Sa Unang Pagbasa, nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa kaniyang misyon bilang apostol at misyonero. Ang misyong ito ay ipinagpapatuloy ng Simbahan sa panahong kasalukuyan. Bilang apostol at misyonero, ipinapakilala ni Apostol San Pablo si Jesus Nazareno sa lahat. Ipinapakilala niya sa lahat si Jesus Nazareno bilang pinakadakilang biyaya ng Diyos sa tanan na nagpapatunay ng Kaniyang pag-ibig, habag, at awa. Ang pag-ibig, habag, at awa ng Diyos ay buong pananalig na pinatotohanan ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Sa pamamagitan ni Jesus Nazareno, ang pag-ibig, habag, at awa ng Diyos ay nahayag.
Dahil sa pag-ibig, habag, at awa ng Diyos, tayong lahat ay lagi Niyang binibigyan ng pagkakataong paghandaan ang ating sarili para sa pagtamasa ng buhay na walang hanggan sa piling ng Poong Jesus Nazareno sa langit. Ipinagkaloob Niya sa atin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Mesiyas at Tagapagligtas dahil sa Kaniyang awa, habag, at pag-ibig. Ang dakila Niyang awa, habag, at pag-ibig rin ay ang dahilan kung bakit lagi Niya tayong binibigyan ng pagkakataong paghandaan ang ating mga sarili para sa buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa langit.
Tayo mismo ang magpapasiya kung paano tayo tutugon sa paanyayang ito ng Diyos na paghandaan ang buhay na walang hanggan kapiling Siya sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit. Isa lamang ang dapat nating gawin upang maihanda natin ang ating mga sarili para sa buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoong Diyos sa langit - tahakin ang landas ng kabanalan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento