Huwebes, Agosto 29, 2024

NAGAGALAK SA DIYOS ANG KANIYANG MGA TAPAT NA LINGKOD

6 Setyembre 2024 
Biyernes ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
1 Corinto 4, 1-5/Salmo 36/Lucas 5, 33-39 

SCREENSHOT: QUIAPO CHURCH 6AM #OnlineMass • 25 August 2024 • 21st Sunday in Ordinary Time (Facebook and YouTube)


Isinasalungguhit ng mga Pagbasa para sa araw na ito ang katotohanan tungkol sa galak ng mga naglilingkod sa Diyos nang buong katapatan. Ang Diyos lamang ay ang bukod tanging dahilan kung bakit nagagalak ang lahat ng mga naglilingkod sa Kaniya nang buong katapatan. Sa kabila ng mga hirap, pagsubok at pagdurusa sa buhay sa mundong ito, ang mga tapat na lingkod ng Diyos ay nagagalak dahil Siya lamang ang dahilan ng kanilang galak. Ang kanilang galak ay ang pinagmulan nito na walang iba kundi ang Panginoong Diyos. 

Galak para sa lahat ng mga Kristiyano ang hatid ng mga salita ni Apostol San Pablo sa Unang Pagbasa. Inihayag ni Apostol San Pablo ang dahilan kung bakit ang lahat ng mga tapat na lingkod ng Diyos ay dapat magalak. Ang Panginoon na nakakakilala sa atin ay darating muli. Sa Salmong Tugunan, inilarawan kung ano ang ipagkakaloob ng Panginoon sa lahat - kaligtasan. Ang lahat ng mga matutuwid at banal ay Kaniyang ililigtas (Salmo 36, 39a). Isa itong balitang naghahatid ng galak sa lahat. Sa Banal na Ebanghelyo, inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga eskriba at Pariseo na nagagalak at nagdiriwang ang lahat kapag sila'y nasa piling ng lalaking ikakasal na walang iba kundi Siya mismo. May galak sa piling ng Poong Jesus Nazareno. 

Ang tapat na debosyon at pamamanata sa Nuestro Padre Jesus Nazareno ay maging daan nawa patungo sa pagkamit ng tunay na kaligayahan sa Kaniyang piling. Ito ay makakamit natin kapag isinabuhay natin ang ating tapat at taos-pusong debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento