25 Agosto 2024
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon [B]
Josue 24, 1-2a. 15-17.18b/Salmo 33/Efeso 5, 21-32/Juan 6, 60-69
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1629 and 1631) The Veneration of the Eucharist by Jacob Jordaens (1593–1678) from the National Gallery of Ireland is licensed under the Creative Commons Attribution 4.0 International (CC BY 4.0) license.
"Ibig din ba ninyong umalis?" (Juan 6, 67). Ito ang tanong ng Poong Jesus Nazareno sa mga apostol matapos Siyang iwan ng Kaniyang mga tagapakinig sa huling bahagi ng salaysay sa Ebanghelyo. Alam Niya kung bakit marami sa Kaniyang mga tagapakinig ay nagpasiyang magsialisan. Alam ni Kristo na labis na nahirapan ang karamihan sa Kaniyang mga tagapakinig na unawain at tanggapin ang mga sinasabi Niya sa kanila tungkol sa Kaniyang sarili.
Bagamat nahirapan nang labis ang karamihan sa Kaniyang mga tagapakinig sa pag-unawa, pag-intindi, at pagtanggap sa aral at katotohanang ito, hindi binago ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang mga sinabi tungkol sa Kaniyang sarili. Hindi pinalitan at binawi ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang mga inihayag sa lahat tungkol sa Kaniyang sarili upang hindi mabawasan ang bilang ng Kaniyang mga tagapakinig. Kahit na nabawasan ang bilang ng Kaniyang mga tagasunod, ang Poong Jesus Nazareno ay hindi tumalikod sa Kaniyang mga pangaral. Ang mga salitang ito ay Kaniyang pinanindigan, kahit na nabawasan ang mga sumusunod sa Kaniya.
Hindi lamang para sa mga apostol ang tanong ni Jesus Nazareno sa huling bahagi ng tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Ang tanong na ito ay para rin sa atin. Tatalikuran at iiwanan ba natin ang Poong Jesus Nazareno? Mananatili pa rin ba tayong tapat sa Kaniya, kahit na napakahirap intindihin, unawain, tanggapin, at sundin ang Kaniyang mga aral at turo, lalung-lalo na yaong mga aral at turo tungkol sa Kaniyang sarili?
Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Josue sa mga Israelita na paglilingkuran at susundin lamang niya ang Panginoong Diyos. Ito rin ang ipinangakong gawin ng mga Israelita nang buong katapatan. Sa Salmong Tugunan, inihayag ng tampok na mang-aawit kung ano ang nararapat gawin bilang mga Kristiyano. Nakatuon rin sa paksang ito ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Pakikinig at pagsunod sa Mahal na Poong Jesus Nazareno nang buong katapatan.
Nasa ating mga kamay ang pasiya kung tatanggapin at susundin natin ang mga aral at turo ng Poong Jesus Nazareno nang may taos-pusong katapatan at pananalig sa Kaniya. Subalit, anuman ang ating ipasiya, hindi Niya babaguhin ang Kaniyang mga pahayag, turo, at aral, lalung-lalo na yaong mga pahayag tungkol sa Kaniyang sarili bilang Tinapay ng Buhay, ang pinakadakilang biyayang kaloob ng Diyos sa tanan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento