1 Setyembre 2024
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon [B]
Deuteronomio 4, 1-2. 6-8/Salmo 14/Santiago 1, 17-18. 21b-22. 27/Marcos 7, 1-8. 14-15. 22-23
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1523) Christ before Caiaphas (from The Passion altarpiece) by Hans Holbein the Younger (1497/1498–1543), as well as the actual work of art itself from the Kunstmuseum Basel, is in the Public Domain (PDM 1.0 - Public Domain Mark 1.0 Universal - "No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Winika ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo: "Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nakapagpaparumi sa kaniya sa mata ng Diyos kundi ang mga nagmumula sa kaniya" (Marcos 7, 15). Sa mga salitang ito na binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo nakatuon ang pagninilay ng Simbahan. Buong linaw na isinasalungguhit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga salitang ito ang ugnayan ng puso sa mga salita't gawa ng mga tao. Ang mga salitang binibigkas ng bawat tao at ang kanilang mga kilos ay sumasalamin sa tunay na laman ng kanilang mga puso at isipan.
Buong linaw na inihayag ni Moises sa mga Israelita sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa na dapat nilang sundin ang mga utos ng Panginoong Diyos. Hindi nila dapat dagdagan o bawasan ang mga utos ng Panginoong Diyos (Deuteronomio 4, 2). Iyon nga lamang, ang bilin na ito ay hindi sinunod ng mga Pariseo at eskriba sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Kaya, tinawag silang mapagpaimbabaw ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Sinuway nila ang bilin ni Moises sa mga Israelita sa Unang Pagbasa. Huwag dagdagan o bawasan ang mga utos ng Diyos. Pinahihirapan lamang nila ang mga tao dahil dinadagdagan nila ang mga utos ng Diyos.
Para sa Poong Jesus Nazareno, napakalinaw na walang balak ang mga Pariseo at ang mga eskriba na tulungan ang mga tao na sundin ang mga utos ng Diyos. Sa halip na tulungan sila, pinahirapan pa nila lalo. Ang mga tao ay ipinipilit nilang gawin ang mga bagay na hindi naman kailangang gawin.
Hindi tutol ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa paghuhugas ng mga kamay. Ang tinututulan ng Poong Jesus Nazareno ay ang pagiging mga pasakit sa kapwa. Labis na tinututulan at kinasusuklaman ng Panginoong Jesus Nazareno ang pang-aapi at panlalamang sa kapwa, lalung-lalo na yaong mga tinuturing na maliliit.
Isinalungguhit sa Salmong Tugunan ang halaga ng pagiging masunurin sa mga utos ng Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, nakiusap si Apostol Santo Santiago sa lahat ng mga Kristiyano na sundin ang mga utos ng Diyos. Ito ang dapat nating gawin bilang mga tapat na lingkod at tagasunod ni Jesus Nazareno. Mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos.
Tayong lahat ay pinaalalahanan sa Linggong ito na dapat maghari sa ating buhay ang Diyos. Ang mga utos at tuntunin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dapat nating sundin nang buong katapatan at pananalig.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento