Huwebes, Agosto 8, 2024

SANDALING MALUWALHATI AT MALIGAYA

15 Agosto 2024 
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria 
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a.10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 20-27/Lucas 1, 39-56 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1735) Assumption of Mary by Giovanni Battista Piazzetta (1683–1754), as well as the actual work of art itself from the National Museum in Warsaw, is in the Public Domain (PDM 1.0 - "No Copyright") in its country of origin as ell as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 


"Mga Anghel ay masaya nang iakyat si Maria sa langit na maligaya." Ang mga salitang ito na ipinahayag o inawit bilang Pagbubunyi sa Mabuting Balita para sa araw na ito habang inaawit o ipinapahayag ang "Aleluya" bago ipahayag ang tampok na salaysay sa Banal na Ebanghelyo ay pinagtutuunan ng pansin at pinagninilayan ng Simbahan nang buong kataimtiman sa araw na ito. Inilaan ng Inang Simbahan ang araw na ito para sa isang napakaespesyal na pagdiriwang. Bilang Simbahan, ipinagdiriwang natin ang Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria nang buong galak. 

Isang maluwalhati at maligayang sandali sa buhay ng Mahal na Birheng Maria dito sa mundo ang Pag-Aakyat sa kaniya sa Langit. Sa wakas ng kaniyang buhay sa daigdig, hindi pinahintulutan ng Diyos na maagnas ang katawan ng Mahal na Birheng Maria. Bagkus, ipinasiya Niyang iakyat ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Birheng Maria sa langit. Hindi umakyat ang Mahal na Birheng Maria sa langit gamit ang sarili niyang kapangyarihan dahil wala naman siyang kapangyarihan gawin iyon. Ang Diyos mismo ang nag-akyat sa kaniya sa langit. 

Nang dumating ang wakas ng buhay ng Mahal na Birheng Maria sa lupa, ang Diyos ay nagpasiyang biyayaan ng isang maluwalhati at maligayang sandali ang Mahal na Birheng Maria. Iniakyat ng Diyos ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Birheng Maria sa langit. Gaya ng inilarawan sa Pagbubunyi sa Mabuting Balita, ang mga anghel sa langit ay napuspos ng galak sa sandaling iniakyat ng Diyos sa langit ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Birheng Maria. 

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na nagdudulot ng tuwa sa lahat. Sa Unang Pagbasa, inilahad ni Apostol San Juan ang kaniyang nakita sa isang pangitain tungkol sa kaluwalhatian ng Diyos. Hindi mananaig ang demonyo laban sa Panginoon kailanman. Laging magtatagumpay ang kaluwalhatian ng Panginoong Diyos na tunay ngang kahanga-hanga. Sa Ikalawang Pagbasa, ipinasiya ni Apostol San Pablo na isentro ang kaniyang pangaral sa dakilang tagumpay ng Muling Nabuhay na si Kristo Hesus laban sa kamatayan. Hindi nanatili sa libingan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bagkus, nabuhay Siyang mag-uli. Sa Ebanghelyo, dinalaw ng Mahal na Birheng Maria si Elisabet. Matapos batiin ang isa't isa, hinandugan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang Diyos ng isang awit-papuri. Buong linaw siyang nagpatotoo tungkol sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na hindi mapapantayan o mahihigitan sa bawat taludtod ng awit-papuri na ito. 

Biniyayaan ng Diyos ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ng isang maluwalhati at maligayang sandali bilang hudyat ng wakas ng kaniyang buhay sa lupa. Ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay Kaniyang iniakyat sa Kaniyang walang hanggan at maluwalhating kaharian sa langit. Tunay ngang napakaganda at kahanga-hanga ang huling sandali ng buhay ng Mahal na Birheng Maria sa lupa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento