Sabado, Agosto 10, 2024

MAGING MGA BIYAYA

18 Agosto 2024 
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Kawikaan 9, 1-6/Salmo 33/Efeso 5, 15-20/Juan 6, 51-58

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1800s) Last Communion of Saint Mary Magdalene by Domingos Sequeira (1768–1837), as well as the actual work of art itself from a Private Collection, is in the Public Domain (PDM 1.0 - "No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, due to its age. 


"Mga kapatid, ingatan ninyo kung paano kayo namumuhay" (Efeso 5, 15). Nakatuon sa mga salitang ito mula sa simula ng pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang pagninilay ng Simbahan sa Linggong ito. Ipinagpapatuloy ng Simbahan ang pagninilay sa misteryo ng tunay na presensya ni Kristo sa Banal na Eukaristiya sa Linggong ito. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay laging dumarating sa anyo ng tinapay at alak bilang tunay na pagkain at inuming espirituwal. Dahil sa Kaniyang habag at awa, lagi Niyang ibinibigay sa atin ang Katawan at Dugo Niyang Kabanal-banalan bilang ating espirituwal na pagkain at inumin sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa. 

Tampok sa Ebanghelyo ang pagpapatuloy ng pagpapakilala ng Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang mga tagapakinig bilang Tinapay ng Buhay na nagmula sa langit. Patuloy Niyang isinasalungguhit sa Kaniyang mga tagapakinig na Siya lamang at wala nang iba pa ang makakapawi ng lahat ng uri ng kagutuman at kauuhawan. Ibinigay Siya ng Amang nasa langit sa tanan bilang tunay na pagkain at inuming espirituwal. Pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos ang dahilan kung bakit ipinagkaloob sa lahat bilang tunay na pagkain at inuming espirituwal ang Poong Jesus Nazareno. 

Ang habag at awa ng Diyos ay inilarawan ng mga salita sa Unang Pagbasa. Kahit na hindi tayo karapat-dapat sa habag at awa ng Diyos, kusang-loob Niya itong ibinibigay sa atin. Lagi Niyang ipinapakita sa atin ang Kaniyang habag at awa. Inaanyayahan ng Diyos ang bawat isa sa atin na tanggapin at ibahagi sa kapwa-tao ang lahat ng mga biyayang Kaniyang ipinagkakaloob sa atin. 

Itinuturo sa atin ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan na dapat asamin at kamtin natin ang Panginoong Diyos na Siyang bukal ng lahat ng mga biyaya. Sabi nga sa Salmo: "Magsumikap tayong kamtin ang Panginoong butihin" (Salmo 33, 9a). Wala tayong iba pang dapat asamin, kamtin, at panaligan kundi ang Panginoon. Siya lamang ang tunay na maaasahan sa lahat ng oras. Ang Panginoon lamang ang may kapangyarihang pawiin ang lahat ng uri ng kagutuman at kauuhawan. 

Bilang mga Kristiyano, ang Tinapay ng Buhay na walang iba kundi si Jesus Nazareno ay dapat nating asamin, kamtin, tanggapin, sambahin, panaligan, at sundin sa bawat sandali ng ating buhay. Sa palagiang pagtanggap sa Kaniyang Katawan at Dugo sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa, ipalaganap natin ang Kaniyang pag-ibig, habag, at awa sa lahat. Maging biyaya rin tayo sa iba. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento