Biyernes, Agosto 9, 2024

ANG LAHAT AY BIYAYA

16 Agosto 2024
Paggunita kay San Roque, nagpapagaling 
Ezekiel 16, 1-15. 60. 63 (o kaya: 16, 59-63)/Isaias 12/Mateo 19, 3-12

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1631) Saint Roch by Jusepe de Ribera (1591–1652), as well as the actual work of art itself from the Museo del Prado, is in the Public Domain (PDM 1.0 - "No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 


Sa habag at awa ng Diyos nakatuon ang pansin ng pahayag ng mismong Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa at ng mga taludtod sa Salmong Tugunan na hango mula sa ika-12 kabanata ng aklat ni Propeta Isaias. Inihayag ng Panginoon sa Unang Pagbasa na hindi Niya ipagkakait sa bayang Kaniyang hinirang itinalaga upang maging Kaniya ang Kaniyang habag at awa. Bagamat paulit-ulit na lamang ang Kaniyang bayan sa pagkakasala laban sa Kaniya, ipinasiya pa rin ng Diyos na ipakita pa rin ang Kaniyang habag at awa sa kanila. Sinasagisag ito ng Kaniyang pasiyang makipagtipan sa kanila, kahit na hindi sila karapat-dapat dahil sa dami ng kanilang mga kasalanan. Nakatuon rin ang mga salita sa Salmong Tugunan sa habag at awa ng Diyos. 

Ang Ebanghelyo ay nakasentro sa kasagraduhan ng kasal. Buong linaw na inihayag ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Ebanghelyo na labag sa mga utos ng Diyos ang diborsyo. Hindi naaayon sa mga utos at loobin ng Diyos ang diborsyo. Taliwas ito sa kalooban ng Diyos sa simula pa lamang - isang lalaki at isang babae ay magiging isa bilang mga magkabiyak. Kaya nga, ang opisyal na tawag sa Sakramento ng Kasal ay Pag-Iisang-Dibdib. Nagkakaisa ang isang lalaki at isang babae sa Sakramentong ito. 

Marahil maitatanong ng marami - ano naman ang kinalaman at ugnayan ng pahayag ni Jesus Nazareno tungkol sa kasagraduhan ng Sakramento ng Pag-Iisang-Dibdib sa Ebanghelyo sa mga inilarawan sa Unang Pagbasa at Salmong Tugunan? Ang lahat ay biyaya ng Diyos. Gaya ng tipang ipinasiya buuin ng Panginoong Diyos sa pagitan Niya at ng Kaniyang bayan sa Unang Pagbasa, ang Sakramento ng Kasal ay biyaya mula sa Diyos. Ang kabiyak ng puso ay ipinagkaloob ng Diyos sa isa't isa. Kaya naman, dapat pahalagahan ng mga magkabiyak ng puso ang isa't isa. 

Isang halimbawa ng mga nagpahalaga sa mga biyaya ng Diyos si San Roque. Kilala si San Roque bilang pintakasi ng mga maysakit. Subalit, hindi niya pinagaling ang mga maysakit gamit ang kaniyang sariling kapangyarihan at kakayahan. Hindi nagmula sa kaniyang sarili ang kapangyarihan magdulot ng kagalingan sa mga maysakit. Bagkus, nagmula ito sa Diyos. Ang kapangyarihang ito ay ipinagkaloob sa kaniya ng Diyos at hindi niya ito binalewala o inabuso. Bagkus, ginamit ito ni San Roque nang nararapat bilang patunay na tunay nga niyang pinahalagahan ang biyayang ito. 

Kahit hindi tayo karapat-dapat dahil sa dami ng ating mga kasalanan, ipinasiya pa rin ng Diyos na biyayaan tayo. Ipinagkakaloob pa rin sa atin ng Diyos ang Kaniyang mga biyaya dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Dapat nating pahalagahan ang mga biyayang ito na Kaniyang kaloob sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento