Linggo, Marso 10, 2013

HUWAG HUMATOL NG KAPWA; ANG DIYOS LAMANG ANG MAKAHAHATOL

Ika-5 Linggo ng Kuwaresma - (K) - Biyoleta
(Is 43:16-21/Aw 126/Fil 3:8-14/Jn 8:1-11)

Sa susunod na Linggo ay gugunitain ng Inang Simbahan ang mga Mahal na Araw. Sa mga Mahal na Araw na ito, atin pong gugunitain ang Misteryo Paskwal o ang pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Ngayong Linggong ito ay ang Linggo bago ang mga Mahal na Araw.

Noong nakaraang Linggo ay ang Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma o mas kilala bilang Laetare Sunday. Sa Linggong iyon, ang pari ay nakasuot ng rosas. Ang rosas ay simbolo
ng galak (Pasensya na po sapagkat hindi ko po ito binanggit noong nakaraang Linggo). Parang Gaudete Sunday na rin po ang Laetare Sunday. Ang dahilan ay dahil ang kulay rosas ay maaring isuot ng pari. *Ayon sa isang website, ang rosas ay sumisimbolo sa biyoleta na papapalapit nang maging puti. Sa pamamagitan ng Gaudete at Laetare Sunday, pinananabikan natin ang Kapanganakan at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus.*

Sa ating Ebanghelyo, mapapakinggan po natin ang pagpatawad ni Hesus sa babaeng nakiapid. Ayon kay San Juan, ang babaeng ito ay nahuli ng mga eskriba at mga Pariseo. Ang dahilan kung bakit nila nahuli ang babaeng iyon ay upang maisumbong nila ang Panginoon. Ang katanungan nila kay Kristo ay napakahirap sagutin. Dapat bang ipatawad ang babaeng ito o ipatay sa pamamagitan ng pagbato?

Ito ay isang mahirap na tanong para kay Kristo. Kung ang sagot ni Kristo ay batuhin ang babaeng ito, sasabihin nila na isang kalokohan ang mga tinuturo Niya. Ang lahat ng itinuturo ng Panginoon ay tungkol ay sa pagmamahal at pagpapatawad. Kung sasabihin ng Panginoon na batuhin ang babaeng nakiapid, Siya ay nagsisinungaling sa Kanyang buong ministeryo.

Kung ang sagot ng Panginoon ay patawarin ang babaeng nakiapid, nilalabag Niya ang Katutusan ni Moises. Ayon sa Kautusan ni Moises, kinakailangang batuhin hanggang sa mamatay ang taong nakikiapid. Kahit na isinasabuhay ni Hesus ang mga itinuturo Niya sa pamamagitan ng pagpatawad sa babaeng ito, nilalabag pa rin Niya ang Kautusan ni Moises. Nasa isang dead end ika nga ang Panginoon. Hindi makakatakas na ganun na lamang si Kristo Hesus.

Hindi madaling sagutin ang katanungang ito. Para sa akin, mahihirapan na ako kung ano ba talaga ang dapat gawin. Ano nga ba ang tama? Ano ba ang nararapat gawin sa kapwa taong makasalanan? Hatulan, o patawarin?

Ngayon, ano na ang naging sagot ni Kristo Hesus? Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang magpukol ng unang bato. Napakahirap intindihin ang mga sinabi ni Hesus. Hindi ko maipaliwanag kung ano ang ibig sabihin ni Hesus. Anong nangyari sa mga taong handang batuhin ang babaeng ito? Naalala nila ang kanilang mga pagkakasala. Inaamin nila na nagkasala rin sila, hindi lamang ang babaeng ito. Kaya, umalis silang lahat. Nabatid ni Kristo Hesus ang mga iniisip at binabalak nilang gawin sa Kanya.

Bakit silang umalis? Sapagkat naalala nila ang kanilang mga kasalanan. Walang perpektong tao sa mundo. Walang taong nabubuhay na walang kasalanan. Tayong lahat ay mga makasalanan, pati na rin ang mga pari at mga relihiyoso't relihiyosa. Pero, dahil nagkasala tayo, huwag nating isipin na wala nang pag-asa. May pag-asa pa tayo. Tandaan, ang Diyos ay mahabagin, mapagmahal, at mapagpatawad.

Pagkatapos umalis ang mga tao, sino na lamang ang natira? Si Hesus at ang babaeng nahuling nakiapid. Walang humusga o pumarusa sa kanya. Ang akala ng babaeng ito ay parurusahan na siya ng Panginoon. Ngunit, hindi Niya pinarusahan. Pinatawad ni Hesus ang babaeng ito at iniutos sa kanya na huwag nang magkasala at magbagong-buhay.

Mga kaibigan, kapatid at kapanalig kay Kristo, huwag tayong humusga o humatol ng kapwa-tao. Tandaan, tayo pong lahat ay mga makasalanan. Pero, dahil pinatawad tayo ng Diyos, dapat magpatawad rin tayo. Magpatawaran tayo upang at katulad tayo'y pinatawad ng Diyos. Sabi nga ni Hesus: "Huwag humatol upang hindi kayo mahatulan." (Mateo 7:1) Ang panawagan ni Hesus sa Linggong ito ay magpatawad. Magpatawad rin tayo ng kapwa tao. Huwag nating maliitin ang ating kapwa-tao. Ang lahat ng tao ay may dangal, kaya dapat, igalang natin ang kanilang pagkatao. Ang Diyos lamang ang Siya lamang makapagbibigay ng hatol sa atin. Magpatawad tayo upang tayo'y patawarin rin ng Diyos.



* source: (http://www.freerepublic.com/focus/f-religion/1939268/posts)

Lunes, Marso 4, 2013

ANG PAGIGING MAAWAIN NG DIYOS

Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma (Laetare Sunday) - (K) - Biyoleta 
(Jos 5:9, 10-12/Slm 34/2 Kor 5:17-21/Lk 15:1-3, 11-32)


Kung atin pong mapapansin, ang Talinghaga ng Alibugang Anak ay ang ating Ebanghelyo para sa Unang Sabado ng Buwan ng Marso. Bago ikinuwento ng Panginoong Hesus Nazareno ang talinghagang ito, nagsisilapitan sa Kanya ang mga publikano at ang maraming mga makasalanan. Nakikisalo Siya sa mga taong ito bago ikinuwento Niya ang Parabulang ito.

May isang lalaki na may dalawang anak. Ang panganay na anak ay matulungin, tinutulungan niya ang kanyang ama sa mga gawain. Samantala naman, ang bunso ay ganid. Isang maramot, makasariling tao lamang ang bunso. Dahil doon, gusto na niyang makuha ang mana niya mula sa kanyang ama.

Pagkatapos hatiin ng ama ang mamanahin ng kanyang mga anak, umalis ang bunso at namuhay ng masama, Isang masamang pamumuhay ang buhay ng bunso. Isang asiong aksaya ang bunso. Isinayang na lamang niya ang mga yaman ng kanyang ama. Napakasamang bata. Hindi ba dapat nag-isip muna ang ama bago niya ibigay sa bunso ang mamanahin niya? Hindi ba niya alam na aaksayahin lamang ng bunsong ito ang lahat ng yaman niya?

Habang namumuhay nang di wasto, nagkaroon ng isang matinding taggutom sa buong lupain. Wala na siyang makain dahil sa taggutom na iyon. Gutom na gutom na siya na halos mamamatay na siya. Alam ng anak na ito na kailangang magtrabaho na siya upang magkaroon ng pagkain. Siya'y nagtrabaho sa isa sa mga mamamayan doon. Ngunit, halos wala siyang makain dahil mas maraming pagkain ang nakukuha ng mga baboy kaysa sa kanya. Napakahirap na ng kanyang buhay.

Nang nakikita ng anak na ito na halos wala siyang pagkain, naisip niya kung gaano siya naging ganid, makasarili, maramot, at masakim. Talagang pinagsisihan niya na talagang masamang anak siya. Alam niya na napakasama niya sa kanyang ama. Nalungkot ang anak na ito sapagkat ito pala  ang naging kapalaran niya.

Nalaman rin ng anak na ito na mas maraming pagkain ang mga alipin ng kanyang ama. Kaya, plano niyang magbalik sa kanyang ama upang humingi ng tawad. Hihingi rin niya na gawin na lang siyang isa alila na lamang. Habang pauwi ang anak na ito, hindi niya nalaman na mula pa noong umalis siya sa bahay na iyon, nag-aabang na ang kanyang ama. Hinihintay na siya ng kanyang ama upang tanggapin siya uli.

Hindi niya inakala na hindi binawasan ng ama ang pagmamahal niya sa kanya. Kahit maramot, mahal pa rin ng ama ang anak na ito. Lubusan niyang tinanggap muli ang kanyang anak. Napakasaya niya kaya patakbong sinalubong ang bunso ng ama. Hindi inakala ng alibugang anak na lubos siyang minamahal pa rin ng kanyang ama.

Pinaghandaan ng isang pagdiriwang ang anak na ito ng kanyang ama. Siya'y sinuutan ng mahusay na damit at singsing at pinagpatay ang pinatabang guya. Isang engrandeng selebrasyon ang pinapaghanda ng kanyang ama para sa kanyang bunsong anak. Sapagkat ang anak na ito, pagkatapos ng mahabang panahon ay nagbalik na sa wakas.

Noong umuwi ang panganay na anak, nagalit siya. Bakit? Sapagkat kahit pinaglingkuran niya ang kanyang ama, hindi siya binigyan ng kahit bisirong kambing para magsayahan siya ng mga kaibigan niya. Kahit minamanhik ng kanyang ama na pumasok at makisalo sa pagdiriwang, ayaw niya. Nagagalit siya. Ang Alibugang Anak, namuhay nang masama, nilustay ang mga kayamanan ng ama ang siya pa naman ang pinagbigyan ng isang salu-salo.

Ang Kuwaresma ay isang panahon sa Kalendaryo ng ating Simbahan upang anyayahan tayo magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Gamitin natin ang halimbawa ng Alibugang Anak. Sa kabila ng kanyang pagiging ganid, maramot at makasarili, nagsisi siya. Nagbalik-loob siya sa kanyang ama at humingi ng tawad. Tayo rin ay mga alibugang anak rin. Maawain ang ating Amang Diyos. Iyan ang nais ipakita sa atin ni Hesus Nazareno ngayong Linggo. Huwag tayong magtago sa awa ng Diyos. Ang Diyos ay mapagpatawad at mapagmahal. Mahal na mahal tayong lahat ng Diyos at handang-handa na Siyang patawarin ang ating mga kasalanan.


Linggo, Marso 3, 2013

MAGBALIK-LOOB TAYO SA DIYOS

Ika-3 Linggo ng Kuwaresma - (K) - Biyoleta (Eksodo 3:1-8, 13-15/Salmo 103/
1 Korinto 10:1-6, 10-12/Lukas 13:1-9)

Mula ngayong Ika-3 Linggo hanggang Ika-5 Linggo ng Kuwaresma, mapapakinggan natin sa ating Mabuting Balita ang pagtawag sa pagsisisi. Kaya, sa mga susunod na Linggo, mapapansin po ninyo na may pagkakaugnay ang aking sinasabi sa mga sasabihin ko sa inyo ngayong Linggo. Ngunit bago po nating pagnilayan ang ating Ebanghelyo, pagnilayan muna natin ang Una at Ikalawang Pagbasa.

Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan po natin na hinirang ng Diyos si Moises. Si Moises ay hinirang ng Diyos upang palayain ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Pero, bago pa siya hinirang ng Panginoong Diyos, siya'y isang pastol. Inaalagaan ni Moises ang mga tupa ng kanyang biyenan na si Jetro. Isang araw, inakay niya ang kanyang mga tupa papuntang Horeb. Tapos, may nakita siyang isang punongkahoy na nagliliyab, ngunit hindi nasusunog.

Nagtaka si Moises kung bakit ganun ang punongkahoy na iyon. Nakakaiba, kakaiba ang punongkahoy na iyon. Sapagkat ang punongkahoy, kahit nagliliyab, hindi nasusunog. Habang palapit na palapit si Moises sa punongkahoy na iyon, tinawagan siya ng Diyos. Habang kinakausap ni Moises ang Panginoong Diyos, hinirang si Moises bilang propeta. Hinirang si Moises upang palain ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto.

Sa unang dinig ni Moises, palagay ko, nagulat talaga siya. Napakalaking pananagutan ang pagpalaya sa mga Israelita. Mukhang imposible, sa unang tingin. Ngunit, walang mapangyayari ang Diyos. Natatakot si Moises sapagkat wala siyang kapangyarihan. Mas makapangyarihan ang Faraon ng Ehipto kaysa kay Moises. Hindi rin alam ni Moises kung ano ang sasabihin niya. Ngunit, ginabayan at tinulungan ng Diyos si Moises sa kanyang misyon.

Sinasabi sa atin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na dapat ikatuwa natin ang lahat ng mga pagpapala mula sa Diyos. Dapat hindi tayo magalit sapagkat matutulad tayo sa mga Israelita na nagalit sa Panginoong Diyos. Huwag tayong tumulad sa kanya, babala ni San Pablo, sapagkat kung tutularan natin ang ugali ng mga Israelitang iyon, pinili na natin ang mapahamak. Kaya, dapat huwag maging abusado sa mga pagpapalang ipinagkaloob sa atin ng Diyos sa Kanyang kabutihan.

May dalawang bahagi ang ating Ebanghelyo. Sa unang bahagi ng ating Banal na Ebanghelyo, mapapakinggan natin na may ilang Galilea na ipinagpatay ni Pilato. Agad ito ibinalita ng ilang tao kay Hesus Nazareno. Pinagsabihan sila ng Panginoong Hesus Nazareno na hindi higit na makasalanan ang mga iyon o ang mga labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe. Ang para bang sinasabi ng Panginoong Hesukristo ay huwag husgahan ang tao na siya'y isang makasalanan sa kanyang sinapit. Hindi lamang isa ang makasalanan dito sa mundo, tayong lahat ay mga makasalanan rin.

Ang ating Ebanghelyo ay isang babala na mapapahamak tayo kung hindi tayo magsisisi. Huwag tayong mayabang, mga makasalanan rin tayo. At kung hindi tayo magsisi, mapapahamak tayo. Pinapaalala ng ating Ebanghelyo na ang Panginoong Diyos ay mahabagin, maawain at mapagpatawad. Kasi, marami ang nag-iisip na strikto, napakahigpit ng Diyos. Hindi, mali iyan. Sapagkat ang Diyos, mahal na mahal Niya tayo at gagawin Niya ang lahat para sa ating kabutihan. Pero, tayo lamang ang makakapili kung saan tayo tutungo.

Ang pangalawang bahagi ng ating Banal na Ebanghelyo ay tungkol sa parabula o talinghaga tungkol sa Puno ng Igos na Walang Bunga. Determinado ang tagapagalaga ng ubasan na iyon na putulin ang punong iyon. Bakit? Sapagkat wala ngang bunga, eh. Bakit pa natin patatagalin ang pagbunga ng punong iyon? Ngunit, hindi pinutulan ng tagapaglaga ang puno. Bakit? Bakit hindi na lamang putulin niya ang puno upang wala na siyang mabigat na pasanin? Sapagkat binibigyan pa niya ng pagkakataon ang punong iyon na mamunga. Kung wala pa ring bunga pagkalipas ng isang taon, puputulin niya. Binibigyan niya ng isa pang taon ang punong iyon upang mamunga.

Ganyan rin ang Diyos. Ilang beses na tayong nadapa sa kasalanan. Napakarami na tayong mga kasalanan laban sa Kanya. Ngunit, dahil sa dakilang pagmamahal Niya sa atin, binibigyan tayo ng Diyos ng mga pagkakataon upang makabawi uli. Kaya, ang panahon ng Kuwaresma ay panahon ng pagbabalik-loob sa Diyos. May mga nagtatanong, "Bakit po bang may panahon ng Kuwaresma?" Ang panahong ito ng Kuwaresma ay para magsisi at magbalik-loob. Habang napakaraming oras pa, habang may panahon pa, magsisi tayo at magbalik-loob sa Diyos. Ganyan tayong kamahal ng Diyos. Binibigyan Niya tayo ng pagkakataong magsisi at mabalik-loob sa Kanya.

Iyan ang nais sabihin sa atin ni Hesus sa ating Ebanghelyo. Ang Diyos ay mapagmahal at mapagpatawad. Hindi mahigpit ang Diyos. Kaya, dapat masaya tayo sapagkat mayroon tayong Diyos na nagpapatawad sa ating mga kasalanan at nagmamahal sa atin sa kabila ng lahat. Kaya, huwag tayong matakot lumapit sa ating mahabaging Diyos. Sapagkat, sabi nga ng Salmong Tugunan ngayong Linggo: "Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob."

Linggo, Pebrero 24, 2013

MAGBAGO KA NA!!

Ika-2 Linggo ng Kuwaresma - (K) - Biyoleta
(Hen 15:5-12, 17-18/Slm 27/Fil 3:17-4:1/Lk 9:28-36)

Mapapakinggan po natin sa Unang Pagbasa na pinapangako ng Diyos si Abram na dadami ang magiging anak at apo niya. Nangako rin ang Diyos sa kanya na magbibigay siya ng lupa para kay Abram. Tumutugon si Abram sa mga ito nang may pananampalataya. At iyon ay nakakalugod sa Diyos. Isang halimbawa si Abram (na mamaya'y Abraham) sa pagutgon sa tinig ng Diyos. Dapat natin tularan siya sa pagtugon sa tinig ng Diyos. Tumutugon siya sa Panginoong Diyos nang may malalim na pananampalataya at pananalig sa kanya. Isa ngang tunay na mananampalataya sa Diyos si Abraham. Kaya kilala si Abraham bilang 'Ama ng Pananampalataya.'

Hinahamon ang mga taga-Filipos ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na tularan siya. Sapagkat ayon kay San Pablo, kung tutularan natin siya at lahat ng mga banal, magkakaroon tayo ng pagkamamayan sa ating tunay na tahanan - ang langit. Kung hindi natin tutularan ang mga banal, mapapahamak lamang tayo. Ang magiging diyos natin ay ang ating sarili. Ang tawag doon, katakawan. Ang katakawan ay isa sa mga pitong pangunahing kasalanan, sa Ingles ang katakawan ay greed. Magiging miserable lamang tayo kung hindi nating sisikaping tumulad sa lahat ng mga banal. Isang kapahamakan para sa atin kung hindi natin makakamit ang langit.

Kaya, kung nais natin makamit ang langit, kailangan sikapin natin na tumulad sa mga banal. Hindi man tayo perpektong tao, sumikap lamang maging banal, makakamit natin ang langit. Sa katapusan ng ating buhay, langit ang ating bayan. Napakapalad natin na tayo'y makakatira sa langit at napakasarap tumira doon sa langit. Wala nang problema, sakit, gulo, etc. Magkakaroon ng kapayapaan lamang sa langit. At doon sa langit, makakapiling natin ang ating Panginoon at Tagapagligtas - si Hesukristo. Habang sinisikap nating maging banal, pinananabikan na natin ang muling pagparito ng ating Panginoong Hesukristo. Pagparito muli ng Panginoong Hesus, magkakaroon tayo ng bagong katawan. Mula sa katawang-lupa, magkakaroon tayo ng katawan maluwalhati.

Pero, huwag nawa tayong humina sa ating buhay, lalung-lalo na ang ating pananalig sa Diyos. Dapat magpakatatag tayo habang buong galak nating hinihintay ang pagbabalik ni Hesus. Babalik muli si Hesus, pero huwag tayong mawalan ng pananalig sa kanya. Ang tunay na nananalig at sumasampalataya sa Diyos ay hindi nanghihina sa Diyos. At hindi kung ano-ano ang sentro ng buhay nila. Dapat si Kristo ang sentro ng ating buhay habang hinhintay natin nang may galak ang kanyang muling pagbabalik.

Ngayon, ating pong pagnilayan ang Mabuting Balita. Sa ating Banal na Ebanghelyo, mapapakinggan po natin na si Hesus ay nagbagong-anyo. At sa pamamagitan ng pagbabagong-anyo ni Hesus, pinapakita Niya ang Kanyang Kaluwalhatian. Isang sulyap ng Kaluwalhatian ni Hesus ang Kanyang pagbabagong-anyo. Habang nananalangin ang Panginoon, Siya'y nagbagong-anyo. Natutulog noon ang tatlong alagad na sina Pedro, Santiago at Juan. Nagising sila nang makita nilang nagniningning si Hesus Nazareno. Hindi lamang iyan, nakita rin nila sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Kristo. Ang pinag-uusapan ng Panginoon kina Moises at Elias ay ang malapit na pagpanaw Niya sa Herusalem. Ilang Linggo mula ngayon at ipagdiriwang ng ating Simbahan ang mga Mahal na Araw kung saan ginugunita natin ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus Nazareno.

Habang paalis sina Moises at Elias, hiniling ni Pedro na doon na lamang sa bundok manatili ang Panginoon at ang mga alagad. Ito ay upang matakasan nila ang Kalbaryo at kamatayan ni Hesus sa krus. Ngunit hindi pinansin si Pedro. Habang nagsasalita si Pedro, may tinig na nagmula sa langit na nagsabi, "Ito ang Aking Anak, makinig kayo sa Kanya." Pinapakilala uli ng Diyos Ama ang Kanyang Anak na si Hesus. Hindi pinansin ni Hesus ang panukala ni San Pedro. Sa halip, may isang panukala ang Diyos na makinig kay Hesus. Hindi susundan ang panukala ni Pedro, kundi masusunod ang panukala ng Panginoong Diyos. Ito ang katunayan na kahit may ibang plano tayo sa buhay, masusunod at magaganap pa rin ang plano ng Diyos.

Ayon kay Fr. Venus Suarez, Parochial Vicar ng Simbahan ng Quiapo, ang tao ay nagbabagong-buhay dahil sa isang personal na pakikipagtagpo sa Diyos. Tandaan po natin, ang pagbabago ay nagsisimula sa ating mga sarili. Ngayong panahon ng Kuwaresma, idalangin natin sa Panginoong Diyos na baguhin niya ang ating buhay, hindi lamang ng sariling buhay natin, kundi ang buhay rin ng ating mga kapwa-tao. Harinawa, kahit tapos na ang Kuwaresma, mas magiging mabuti tayong mga tao.

Linggo, Pebrero 17, 2013

O TUKSO LAYUAN MO AKO

Unang Linggo ng Kuwaresma - (K) - Biyoleta
(Dt 26:4-10/Aw 91/Rom 10:8-13/Lk 4:1-13)

Kay rami nang winasak na tahanan
Kay rami ng matang pinaluha
Kay rami ng pusong sinugatan
O tukso, layuan mo ako

Ito ay isa sa mga pinakamasikat na linya mula sa isang pinakamasikat na kanta. Alam po nating mga Pilipino ang kantang ito. Ang pamagat po ng kantang ito ay "Tukso" na inawit ni Eva Eugenio. Isang matandang kanta ito, ngunit alam ito ng mga Pilipino mula Luzon hanggang Mindanao. Sino po bang Pilipino ang hindi nakaalam sa kantang ito? Ito yata ay isang kanta ng mga Pilipino para sa tukso. Ngunit, kahit paulit-ulit na kinakanta ito ng mga Pilipino, tila halos hindi pa rin lumalayo ang tukso? Bakit hindi lumalayo ang tukso sa atin? Bakit nga ba hindi lumalayo ang tukso? Sino nga po ba ang dapat lumayo -- ang tao o ang tukso?

Sa atin pong Ebanghelyo, mapapansin po natin na ang Panginoong Hesus Nazareno rin ay tinukso. Kahit Siya nga ang Anak ng Diyos, hindi Siya naligtas mula sa tukso. Tinukso pa rin si Hesus Nazareno ng diyablo kahit Siya ang Anak ng Diyos. Ang tanong, paano ba napagtagumpayan ni Hesus ang tukso? Kahit tatlong beses Siyang tinukso ng diyablo, nanatili pa ring masunurin si Kristo sa kalooban ng Diyos. Hindi man lang sumuko o nagpatalo ang Panginoon laban sa kasamaan. Nilabanan Niya talaga ang tukso at sa kahuli-hulian, si Kristo ay nagtagumpay laban sa tukso. 

Ang tukso, mga minamahal na kapatid, ay talaga hindi natin maiiwasan. Kapag napapatalo tayo sa tukso, nagkakasala na tayong lahat. Kahit mga pari, natutukso rin ang mga iyon. Pero, ginagawa nila ang lahat para manaig laban sa tukso, katulad ni Hesus Nazareno. Hindi tayo tinutukso sa panahon ng ating kalakasan; tinutukso tayo sa panahon ng ating kahinaan. Ilang dahilan kung bakit nadadapa ang mga pari sa tukso: isa, wala nang nagdarasal para sa kanya, pangalawa, hindi na siya nagdarasal, at pangatlo, wala nang oras para magdasal. Isang mahalagang bagay ang pananalangin sa Diyos upang hindi tayo mapadaig ng tukso. 

Iisa lamang ang ibig sabihin ng tatlong tukso kay Hesus: Huwag nang sumunod sa kalooban ng Diyos. Tinutukso ng diyablo si Hesus Nazareno para tumalikod at magrebelde sa Diyos. Palagay ko, hindi nagtapos ang pagtukso kay Hesus kahit matalo na Niya ang diyablo. Hindi natapos sa ilang ang pagtukso ni Hesus. Hindi lamang sa simula ng Kanyang misyon tinukso ang Panginoon. Sa pagtapos ng Kanyang misyon ay tinukso uli ang Panginoong Hesukristo. Kahit hindi hango sa Banal na Bibliya, palagay ko, tinukso si Kristo uli sa Halamanan ng Hetsemani. Nagtiis ng hirap uli sa Hetsemani si Hesus. Natakot si Hesus sapagkat mamamatay Siya ng isang napakasakit na kamatayan. Dahil doon, tinukso Siya uli ng diyablo. Ang tukso ng demonyo kay Hesus, "Huwag ang kalooban ng Diyos ang sundin Mo, kalooban Mo ang sundin mo. Magrebelde ka sa Diyos!" Ngunit, dahil si Hesus Nazareno ay nanatiling masunurin, sinambit Niya, "'Ama, hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod." Natalo na naman Niya uli ang demonyo. Talo na ang demonyo. 

Isang halimbawa ang ipinapakita sa atin ng Panginoong Hesus Nazareno ngayong Linggo. Hindi lalayo ang tukso mula sa atin. Pero, hinarap ito ng Panginoong Hesus Nazareno at natalo Niya ang demonyo sa disyerto. Hindi lumayo kay Hesus Nazareno ang tukso, kahit na Siya ang Anak ng Diyos. Sa halip, bilang Anak ng Diyos, si Hesus mismo ang lumayo sa tukso at siyang nanalo laban sa tukso. Harinawa, maisunod natin ang halimawa ng Panginoong Hesus sa ating Mabuting Balita ngayong Linggong ito. Bilang mga Katoliko sumasampalataya sa Diyos, ngayong Taon ng Pananampalataya, manalangin sa Diyos palagi, harapin natin ang tukso, labanan natin ang tukso, at layuan ang tukso, katulad ng ginawa ni Hesus sa ilang. Katulad ni Hesus, kaya natin magtagumpay laban sa tukso sa araw-araw nating pamumuhay. 

Sabado, Pebrero 9, 2013

MGA MAKASALANANG SUMASAKSI SA MABUTING BALITA

Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) - Berde
(Is 6:1-2, 3-8/Aw 138/1 Kor 15:1-11/Lk 5:1-11)


Ayon po kay Fr. Benny Tuazon, ang ating pong mga pagbasa ay tungkol po sa tatlong tao na tinawag, mga makasalanan at naging mga lingkod ng Diyos. Ang tatlong taong tinutukoy ni Fr. Benny ay si Propeta Isaias, Apostol San Pablo at ang mga unang alagad ni Kristo. Kahit mga makasalanan ang tatlong ito, ipinahayag nila ang Mabuting Balita sa tulong ng Diyos.

Kilala ang tatlo bilang isang sacred number, ika nga. Ang numerong tatlo ay sumasagisag sa Banal na Trinidad - ang Ama, Anak at Espiritu Santo. Tatlo ang hamon para sa Kuwaresma (na magsisimula sa Miyerkoles ng Abo - Pebrero 13) - pananalangin, pag-aayuno, at pagkakawang-gawa. Tatlo ang bilang ng mga Haring Mago. Pagkatapos ng tatlong araw, ang Panginoong Hesus Nazareno ay muling nabuhay. Sinusundan ng Banal na Tatlong Araw (Huwebes Santo, Biyernes Santo, at Sabado de Gloria) ang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Pagkatapos ipagkaila ang Panginoong Hesukristo ni San Pedro, tinanong si Pedro ng Panginoon ng tatlong beses kung mahal niya talaga Siya. Ito'y isang kabayaran para kay Pedro noong ipinagkaila ang Panginoong Hesus dahil kay Pedro. At napakarami pang ibang pumapasok ang numerong tatlo.

Unahin muna natin si Propeta Isaias. Si Propeta Isaias ay isang propeta na namuhay sa kapanahunan ng paghahari ni Haring Uzias. Noong namatay si Haring Uzias, doon niya nakita ang Panginoong Diyos. Hindi inaasahan ni Isaias na magpapakita ang Diyos sa templo. Nayanig pa nga ang templo dahil sa presensiya ng Diyos sa templo. Dahil doon, natakot si Isaias sapagkat alam niya na isa siyang makasalanan. Hindi karapat-dapat ang mga makasalanan na pumasok sa templo ng Herusalem kung saan nananahan ang Diyos. Ang mga punong pari, mga saserdote lamang ang makakapasok sa templo. Naghahandog ng mga hain ang mga punong pari sa Diyos. Hindi inaasahan ng propetang si Isaias na ipinatawad siya agad at naghahanap ng Diyos ng isang magpapahayag ng Mabuting Balita na galing sa Kaniya. Hindi hinirang si Isaias ng Diyos nang ganito: "Susuguin kita upang ipahayag ang Aking Salita sa Aking Bayan." Sa halip, si Isaias ay pinili ng Diyos sa pamamagitan ng isang tanong: "Sino ang susuguin ko?" Kusang-loob na tinanggap ni propeta Isaias ang misyon na ipahayag ang Mabuting Balita sa lahat ng tao hanggang sa araw na kung saan siya ay namatay. Si Isaias ay tunay ngang isang dakilang propeta sa Matandang Tipan.

Pangalawa, si Apostol San Pablo. Si Apostol San Pablo, na mas kilala noon bilang Saulo, ay ang dating umuusig sa mga sinaunang Kristiyano. Hindi lamang sa Herusalem ang mga sinaunang Kristiyano, nangalat pa sila sa buong lupain ng Judea at Samaria. Nabalitaan ni Saulo na napakaraming Kristiyano ang nasa bayan ng Damasco, kaya, naglakbay siya patungong Damasco upang pigilin ang mga sumasampalataya kay Kristo. Sa daan papuntang Damasco, nagbago ang buhay ni Saulo. Nagpakita sa kaniya si Hesus Nazareno sa pamamagitan ng nakasisilaw na liwanag mula sa langit. Tinanong si Saulo ni Hesus Nazareno kung bakit Siya ang inuusig ni Saulo. Doon, nagbago ang buhay ni Saulo. Pagkatapos niyang kausapin si Hesus Nazareno, siya'y nabulag kaya tinulungan siya ng mga kasama niya papuntang Damasco. Pinagsisihan niya ang ginawang pag-uusig sa mga sinaunang Kristiyano. Hindi siya kumain o uminom ng tatlong araw bilang tanda ng kaniyang pagsisisi. Nagkaroon siya ng pag-asa noong pinuntahan siya ni Ananias at ibinalik sa kaniya ang kaniyang paningin. Nagpabinyag si Saulo at siya'y ipinangalanang Pablo. Mula noon, pinangaralanan ni Pablo ang Mabuting Balita mula sa Diyos. Pinugutan siya ng ulo sa Roma sa kapanahunan ng paghahari ni Haring Nero sa Roma.

Pangatlo at panghuli, ang mga unang alagad ni Kristo sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo. Nagsimula noong nangangaral si Hesus sa mga tao habang nakaupo sa bangka ni Simon Pedro. Pagkatapos Niyang mangaral, inutusan ng Panginoon sina Pedro at ang kaniyang mga kasama na bumalik muli sa dagat upang makahuli sila ng isda. Nagtataka siguro si Pedro, "Galing na nga kami diyan at nagpuyat, ngunit wala naman kaming nahuli. Baliw ba ang taong ito? Anong akala niya sa sarili niya? Mas magaling pa siya sa akin?" Dito makikita natin ang pagkakaiba ng mga unang alagad at ni Hesus. Si Hesus ay isang anak ng karpintero na ngayo'y nangangaral sa mga tao samantalang ang mga unang alagad ay mga mangingisda. Pero, sabi nga sa wikang Ingles, try again. Parang baga'y sinasabi ni Hesus kay Pedro na pumunta uli doon at subukan uli. Sabi rin uli sa Ingles, try and try until you succeed.

Bumalik doon sina Pedro at ang kaniyang mga kasama. Sinubukan nila muling manghuli ng isda. At biglang-bigla namang nakahuli sila ng isda. Grabe! Napakaraming isda ang nahuli nila! Hindi inakalain ng isa sa kanila na ganong karaming isda ang mahuhuli nila sapagkat sinubukan nila uli. Nang makita ni Pedro na nagkamali siya, hiniling niya kay Hesus na layuan siya sapagkat isa siyang makasalanan. Para bang humihingi ng tawad si Pedro kay Hesus dahil namaliit niya ang Panginoon. Pinatawad siya ng Panginoon at hinirang Niya sina Pedro at ang kanyang mga kasama na maging mga alagad Niya.

Never give up. Keep trying. Try and try until you succeed. Iyan ang para bang sinasabi ni Hesus, hindi lamang kay Pedro, kundi sa ating lahat. Isang hamon iyan para sa ating para sa Taon ng Pananamapalataya, lalung-lalo na ngayong darating na Kuwaresma. Huwag tayong sumuko sa ating mga sarili, sa ating kapwa-tao, at lalung-lalo na ang Diyos. Magsilbing mga halimbawa para sa ating lahat ang tatlong dakilang taong ito na nagsimula sa pagiging makasalanan. Walang imposible sa Diyos. Kahit ang taong may pinakamaraming kasalanan ay mahihirang ng Diyos upang ipahayag ang Kaniyang Salita sa lahat ng tao. Ngayong Kuwaresma, huwag nating ikahiya ang ating mga sarili. Huwag na tayong magtago mula sa pagiging maawain, ng Diyos na nagpapatawad at nagmamahal sa ating lahat. Inaamin nating lahat na mga Katoliko na tayo ay mga makasalanan. Pero, dahil tayo ay mga makasalanan, hindi ibig sabihin noon tapos na ang lahat. May pag-asa pa tayo sa pamamagitan ni Hesus Nazareno. Magsisi na tayo. Humingi tayo ng kapatawaran mula sa Diyos. Hindi Niya tayo itatakwil. Minamahal at patuloy Niyang mamahalin Niya tayong lahat.

Linggo, Pebrero 3, 2013

HINDI MAKAPANIWALA AT HINDI TINANGGAP

Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) - Berde
(Jer 1:4-5, 7-9/Salmo 71/1 Kor 12:31-13:13 (o 13:4-13)/Lk 4:21-30)


Ang mga kababayan ni Hesus sa Nazaret ay hindi makapaniwala na Siya nga ang Mesiyas. Kilala si Hesus ng Kanyang mga kababayan bilang anak nina Jose at Maria. Ngunit hindi nila alam na isang espesyal na tao ang kanilang nakikita sa pagkatao ni Hesus. Isang pangkaraniwang tao lamang si Hesus sa mata ng Kanyang mga kababayan, ngunit sa mata ng mga sumasampalataya sa Kanya, Siya ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.

Nagalit ang mga kababayan ni Hesus nang sabihin Niya na natupad ang sinabi ni propeta Isaias sa pamamagitan Niya. Ang alam nila ay isang sinungaling, isang kalapastanganan sa Diyos ang binigkas Niya. Isang malungkot na pangyayari ito para kay Hesus. Hindi Siya tinanggap ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret sapagkat kulang sila sa pananampalataya.

Si Hesus ay hindi isang pagpapakitang-tao. Siya ay isang sumasaksi at bumabahagi ng katotohanan mula sa Diyos. Ang katotohanan, kadalasan, ay napakasakit tanggapin. Ganyan rin ang dinaranas ng mga kababayan ng Panginoon. Napakasakit para sa kanila na tanggapin na isang mahalagang tao si Kristo. Inggit lang sila dahil ang husay magsalita si Kristo at naging isang masikat na tao sa buong Israel.

Ang mga propeta ay nagsasalita tungkol sa katotohanan. Ang misyon ng mga propeta ay magsisi ang mga tao mula sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Diyos. Samantala, ang mga pekeng propeta ay nagsasalita tungkol sa kasinungalingan. Ang ginagawa ng mga pekeng propeta ay magsabi ng mga kasinungalingan upang malugod sa kanila ang mga nakikinig sa kanila. Kaya, mas marami ang nakikinig sa mga pekeng propeta. Maraming nalulugod sa kanila ngunit iba naman ang sitwasyon ng mga tunay na propeta. Ang daming nagalit sa kanila sapagkat masakit para sa kanila ang tanggapin ang katotohanan. Alam nila na mali ang ginagawa nila ngunit nasasaktan sila sapagkat nagugustuhan nila ang ginagawa nilang mali. Nagsasalita ng ganyan ang  mga tunay na propeta dahil iwinawasto nila ang mga nagkamali. Ang bunga noon ay ang pagpatay sa kanila ng mga taong iyon.

Gayon din ang dinaranas ni Kristo. Maraming nalulugod sa Kanya ngunit marami rin ang nagagalit sa Kanya. Noong ipinahayag Niya na Siya nga ang Anak ng Diyos, marami ang nagalit sa Kanya at gusto pa nilang patayin Siya agad. Ang mga taong iyon kulang sa pananalig sa Diyos kaya hindi nila matanggap na si Kristo nga ang hinirang, ang magliligtas ng tao mula sa kasamaan at kamatayan. Ibig pa nilang ibulid sa bangin si Kristo ngunit pinigil Niya ang mga tao at umalis mula sa Nazaret. Ang mga ginawa Niya sa Kapernaum ay hindi Niya magawa sa Nazaret sapagkat kulang sa pananampalataya ang Kanyang mga kababayan.

Ngunit walang makapigil kay Hesus. Itinuloy ni Hesus ang pagsaksi sa katotohanan kahit marami pa naman ang nagagalit at gustong pumatay sa Kanya. Ang bunga ng pagsaksi sa katotohanan ni Hesus ay ang pagkamatay Niya sa Krus sa Kalbaryo. Kahit hindi nalulugod sa Kanya ang mga tao, nalulugod ang Diyos kay Hesus dahil sa Kanyang pagiging masunurin hanggang kamatayan.

Ngayong Linggo, isang napakagandang aral ang makukuha natin mula sa Ebanghelyo. Huwag maging kalugud-lugod sa tao, sa halip, maging kalugud-lugod sa mata ng Diyos. Dapat tayong sumaksi sa katotohanan tulad ng mga propeta at ni Hesus. Marami man ang nagagalit sa atin, kalulugdan tayo ng Diyos kung sumampalataya tayo sa Kanya at makinig sa katotohanan at maging mga saksi nito.