Linggo, Agosto 3, 2014

ANG KALUWALHATIAN NI KRISTO

Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (A)
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Mateo 17, 1-9 



Isa sa mga tatlong alagad na isinama ng Panginoong Hesukristo noong Siya ay nagbagong-anyo ay si Apostol San Pedro. Nagsalita si Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa kaluwalhatian ni Kristo. Sa pagbabagong-anyo ni Kristo sa Bundok Tabor, naniwala ang mga alagad na tungkol sa Kanya ang mga isinulat ng mga propeta. Ang mga propeta ng Matandang Tipan ay nagpahayag tungkol sa Mesiyas, ang Tagapagligtas na hinihintay ng bayang Israel. Natupad ang lahat ng ito sa katauhan ni Hesus - ang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao. 

Sa pagbabagong-anyo ng Panginoon, makikita natin ang isang kasulyapan sa Kanyang kaluwalhatian. Pero, bago Niya makamit ang kaluwalhatian, kinailangan ng Panginoon na magpakasakit, mamatay at muling mabuhay. Sa pamamagitan ng pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoon, nakamit ng Panginoon ang Kanyang kaluwalhatian. Hindi ito magiging madali para sa Panginoong Hesus. Para kay Hesus, kinakailangang magdaan Siya ng hirap upang makamit Niya ang tagumpay. Hindi basta-basta mararating ang tagumpay nang gayon na lamang. 

Pero, ang pagbabagong-anyo ng Panginoong Hesus ay isang sulyap lamang sa Kanyang kaluwalhatian. Ang Pagbabagong-Anyo ng Panginoon ay isa sa mga mahalagang pangyayari sa Kanyang buhay. Sa pamamagitan ng Kanyang pagbabagong-anyo, binibigyan ng Panginoon ng idea kung ano nga ba talaga ang Kanyang sadya dito sa mundo. Hindi Siya palibot-libot lang dito sa mundo. May sadya ang Panginoon sa sanlibutan. May misyon ang Panginoon. Naparito Siya dito sa sanlibutan dahil sa isang napakaimportanteng gawain. 

Ang Panginoon ay naparito upang iligtas ang sangkatauhan. Hindi ito isang madaling gawain para sa Panginoon. Napakasakit ito para sa Panginoong Hesus. Masakit ang mga pakong ipapako sa Kanyang mga kamay. Pero, pinili pa rin ni Hesus na tiisin ang mga ito alang-alang sa atin. Sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis, nakamit Niya ang Kanyang kadakilaan. Nakamit ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis ang Kanyang tagumpay. Ang tagumpay ni Hesus ay atin ding tagumpay. 

Kaya nga, may isang kasabihan, "No pain, no gain." Walang hirap, walang tagumpay. Ang Panginoon ay nakalaan upang magtiis ng kahirapan alang-alang sa sangkatauhan. Pero, hindi natatapos doon ang misyon ni Hesus. Muli Siyang mabubuhay sa ikatlong araw. Sa pamamagitan ng Kanyang pagbabagong-anyo, binibigyan tayo ng Panginoon ng isang kasulyapan sa Kanyang kaluwalhatian na makakamit Niya sa pamamagitan ng muling pagkabuhay. Bago magkamit ng Kanyang kaluwalhatian, kailangang dumaan ang Panginoon sa mga pagdurusa na kailangan Niyang tiisin. 

Bagama't hindi madali ang magdusa para sa sangkatauhan, pinili pa rin ng Panginoong Hesus na magdusa para sa sangkatauhan. It's worth it, ika nga sa wikang Ingles. Mahirap at masakit man ito para sa Panginoon, ito'y makakabubuti para sa ating lahat. Pagkatapos ng Kanyang pagdurusa, makakamit ng Panginoon ang Kanyang kaluwalhatian sa pamamagitan ng Kanyang muling pagkabuhay. Hindi magtatapos ang lahat sa kamatayan sa krus. Muling mabubuhay ang Panginoon sa ikatlong araw. Sa pamamagitan ng mga pagtitiis ng Panginoon, nakamit Niya ang Kanyang kaluwalhatian. 

Kapag may pagdurusa, mayroon ding tagumpay. Bahagi ng buhay ang pagdurusa ng bawat tao. Pero, ang pagdurusang ito ay pansamantala lamang. May pag-asa pa. May bukas pa. Hindi magtatapos ang lahat sa pagdurusa. Mayroon ding tagumpay sa buhay. Si Hesus nga, nagkaroon ng mga pagkakataon sa buhay Niya kung kailan Siya nagdusa. Ang pinakarumal-dumal na pagdurusa sa buhay ni Hesus ay ang Kanyang kamatayan sa krus. Pero, pagkatapos ng Kanyang pagdurusa, muling nabuhay si Hesus. Nakamit ni Hesus ang Kanyang kaluwalhatian. Nagtagumpay si Hesus. 

Isang mahalagang pangyayari sa buhay ni Kristo ay ang Kanyang pagbabagong-anyo sa Bundok Tabor. Sa pamamagitan nito, muling naipakilala ni Kristo ang Kanyang sarili. Hindi tinakasan ng Panginoon ang kamatayan. Alam ng Panginoong Hesukristo na hindi Niya makakamit ang tagumpay kapag tinakasan Niya ang krus at ang Kalbaryo. Kung maaari sana, pwedeng tumakas si Hesus mula sa nalalapit Niyang kamatayan. Pero, pinili Niyang harapin at tiisin ito alang-alang sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay, nakamit Niya ang tagumpay para sa Kanyang sarili at para sa ating lahat. Hindi man madali ito para kay Hesus, pero pinili pa rin Niyang gawin ito alang-alang sa kaligtasan ng sangkatauhan.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming mag-isip ng mga positibong bagay, lalung-lalo na ang tagumpay, sa gitna ng mga pagsubok sa buhay. Amen. 

Sabado, Agosto 2, 2014

DIYOS NG BIYAYA

Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 55, 1-3/Salmo 144/Roma 8, 35. 37-39/Mateo 14, 13-21 



Nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa upang anyayahan ang lahat ng tao na makisalo sa Kanya. Muli tayong magugutom at mauuhaw dahil sa mga pagkain at inumin dito sa mundo, at iyon ay natural. Hindi tayo magtatagal dito sa mundo kapag isang beses lamang sa ating buhay tayo kumain. Kaya, mahalaga ang pagkain at inumin sa ating buhay. Ito'y makakatulong sa atin upang tayo ay mabuhay. Pero, ang Diyos lamang ang makakapawi sa ating pisikal at espiritwal na kagutuman at kauuhawan. Wala na tayong hahanapin pa kapag ang Diyos ang pumawi sa ating kagutuman at kauuhawan sapagkat sagot niya ang bawat kagutuman at kauuhawan ng katawan at kaluluwa. 

Sinabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos. Kahit gagutuman o kauuhawan, walang makakapaghiwalay sa atin sa Diyos. Ang Diyos ay mas dakila pa kaysa sa bawat kagutuman o kauuhawan ng bawat tao. Kayang-kaya nating pagtagumpayan ang kagutuman o kauuhawan alang-alang sa Diyos. Walang makakapantay sa Diyos. Nasa Diyos na ang lahat ng bagay. Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos? Wala, wala at isang malaking WALA.

Ang ating Ebanghelyo ay tungkol sa isang himala ni Hesus. Si Hesus ay nagpakain ng limang libong tao. Paano Niya pinakain ang ganitong karaming tao? Sa pamamagitan ng dalawang isda at limang tinapay. Mukhang imposible ito, sa unang tingin. Pero, ginamit ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos upang paramihin ang tinapay at isda nang sa gayon ay mabusog ang limang libong tao. Isang ilang na lugar ang lugar na kung saan si Hesus at ang mga tao ay nagkatipon. Gutom na gutom na sila. Kaya, tumugon si Hesus sa kagutuman ng mga tao sa pamamagitan ng pagpaparami ng tinapay at isda. 

Bago pinakain ni Hesus ang mga tao, pinagaling Niya ang maraming maysakit. Tandaan po natin na si Hesus ay nalungkot dahil sa pagpanaw ng Kanyang kamag-anak na si San Juan Bautista. Noong nabalitaan ni Hesus na pinapugutan ng ulo ni Herodes ang Kanyang pinsang si San Juan Bautista, Siya ay nalungkot. Nalungkot ang Panginoon katulad natin. Sino pa naman ang hindi malulungkot kapag nabalitaan ng isang tao na namatay na ang kanyang kamag-anak? Napakasakit iyon para sa isang tao. Dahil sa pagkamatay ni San Juan Bautista, ang Panginoon ay pumunta sa ilang na lugar upang ipagdasal at alalahanin ang Kanyang kamag-anak na si San Juan Bautista. 

Noong nalaman ito ng mga tao, sumunod sila kay Kristo. Kahit nalulungkot, pinili pa ring ni Kristo upang paglingkuran ang tao. Hindi naging hadlang ang kalungkutan ni Kristo dahil sa pagkamatay ni San Juan Bautista upang hindi paglingkuran ang mga tao. Maaari Niyang paalisin ang mga tao at sabihin sa kanila na wala Siyang panahon para sa kanila. Pero, hindi iyon ginawa ng Panginoon. Bagkus, naglingkod ang Panginoon sa kanila sa pamamagitan ng paggaling ng mga maysakit at pangangaral tungkol sa Mabuting Balita. 

Mapapansin natin sa ginawang pagsunod ng mga tao kay Hesus, hindi lamang sila nagugutom nang pisikal. Gutom na gutom sila sa atensyon ni Hesus. Nais nilang makita ang Panginoong Hesus. Gusto nilang marinig ang pangangaral ni Hesus. Gusto lamang nila makitang pagalingin ng Panginoon ang mga maysakit. Gusto nilang pagalingin sila ng Panginoon sa kanilang mga karamdaman. Kaya, sinunod nila si Hesus, kahit alam nila na ang pupuntahan Niya ay isang ilang na lugar. Sabik na sabik na ang mga tao para kay Hesus. 

Pagsapit ng dapit-hapon, noong ang mga tao ay nagugutom na, ang Panginoong Hesus ay gumawa ng isang plano. Kumbaga sa boy scout, si Hesus ay gumawa ng paraan upang pakainin ang mga tao. Ang motto ng mga boy scout, "Dapat laging handa." Kapag may isang problema, kailangang nakahanda ang mga boy scout upang gumawa ng paraan para sa problemang iyon. Nagkaroon ng isang napakalaking problema ang mga taong pumunta sa ilang upang makita at marinig si Hesus - wala silang makain. Ngunit, nakahanda si Hesus at alam ni Hesus kung ano ang kailangan Niyang gawin. 

Anong resulta ng pagpapakain ni Hesus sa mga tao? Nabusog ang lahat ng mga tao. May mga nasobrahan pang natira. Kuntento na ang mga tao dahil sa ginawa ni Hesus. Ipinapakita ng milagrong sa Ebanghelyo na sisik, liglig at umaapaw ang bawat biyaya ng Diyos sa atin. Hindi natin sukat akalain ang bawat biyaya ng Diyos sa atin. Wala na tayong hahanapin pa. Nasa Diyos na ang lahat. Walang makapapantay sa mga biyaya ng Diyos. 

Bahagi ng panalanging itinuro ng Panginoon ay ang paghingi ng ating kakanin sa araw-araw. Ipinapakita ng bahagi ng panalanging ito ang pagiging mapagpala ng Diyos. Hindi mapapantayan ng anumang bagay o kayamanan dito sa mundo ang mga pagpapala ng Diyos sa atin. Napakawagas ang Diyos kung magkakaloob ng biyaya sa atin. Pinupuspos tayo ng Diyos ng napakaraming biyaya sa atin. Anumang ang ating mga pangangailangan, ang Diyos ang magkakaloob sa atin. Kung pagkakalooban ng Diyos ang anumang mga pangangailangan natin, ito'y napakawagas at wala nang hahanaping iba. 

Ang lahat ng mga pagpapala ng Diyos sa atin ay napakawagas. Hindi mapapantayan ang Diyos pagdating sa mga biyayang ipinagkakaloob sa atin. Walang kulang sa anumang biyaya ng Diyos sa atin. Alam Niya ang ating mga pangangailangan. Hindi tayo manghihinayang sa anumang ipagkakaloob ng Diyos sa atin. Ipinagkakaloob ng Diyos sa atin ang mga biyayang ating kakailanganin, katulad ng pagkain, inumin at maraming iba pang mga pangangailangan natin. Siya lamang ang tanging nakakaalam sa lahat ng ating mga pangangailangan. 

Nawa'y sa ating pananalangin, huwag nating kalimutang magpasalamat sa Diyos sa dami-dami ng mga biyayang ating tinanggap. Karapat-dapat Siyang pasalamatan dahil sa mga biyayang ipinagkaloob Niya sa atin. Madalas puro tayo hingi ng hingi sa Panginoong Diyos kapag tayo ay nagdarasal. Huwag nating kalimutang magpasalamat sa Diyos. Sa dami-dami ng mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon, huwag nating kalilimutang magpasalamat sa Kanya sa ating pananalangin sa Kanya. 

Huwebes, Hulyo 31, 2014

AD MAJOREM DEI GLORIAM

Paggunita kay San Ignacio de Loyola, pari 
Jeremias 18, 1-6/Salmo 146/Mateo 13, 47-53 



Ang araw na ito ay napakahalaga para sa mga paring Heswita sapagkat ipinagdiriwang po natin sa araw na ito ang Kapistahan ni San Ignacio de Loyola, ang tagapagtatag ng Kapisanan ni Hesus o mas kilala bilang mga paring Heswita. Bago niya itinatag ang paring Heswita, si San Ignacio de Loyola ay isang sundalo na nadisgrasya sa digmaan. Pagkatapos niyang magpagaling, iniwan niya ang pagiging sundalo at inialay ang buong buhay niya sa Panginoong Hesukristo. Sa kanyang bagong buhay bilang sundalo ng Panginoong Hesus, itinatag niya ang Campania de Jesus o ang Kapisanan ni Hesus na mas kilala bilang mga paring Heswita. 

Ad majorem Dei gloriam. Ito ang motto ng mga paring Heswita sa wikang Latin. Kung ating isasalin ang kasabihang ito sa Tagalog, ang ibig sabihin ng kasabihang ito ay, "Para sa ikaluluwalhati ng Diyos." Bakit ito pinili ni San Ignacio de Loyola bilang motto ng mga paring Heswita? Sapagkat ayon kay San Ignacio de Loyola, ang bawat mabuting gawa ay magiging mahalaga para sa buhay-espiritwal ng isang tao kapag ito'y ginagawa para magbigay ng kaluwalhatian ng Diyos. Hindi kailangang maging malaki ang paggawa ng isang bagay upang magbigay luwalhati sa Diyos. 

Kahit mga simpleng gawain, katulad ng pagpapatuloy sa isang tao na walang matutuluyan sa inyong bahay, ay maaaring magbigay luwalhati sa Diyos. Ang paggawa ng mga korporal at espiritwal na gawa ng awa ay makapag-bibigay ng luwalhati sa Diyos. Hindi kailangang magpasikat sa paggawa ng mabuting bagay upang magbigay ng luwalhati sa Diyos. Ang paggawa ng mabuti sa kapwa ay dapat ginagawa upang magbigay ng papuri sa Diyos. Kahit napakaliit man ang ginawa mo para iyong kapwa, kung ninanais mong magbigay ng kaluwalhatian ng Diyos, ito'y magiging mahalaga para sa inyong kaluluwa. 

Si San Ignacio de Loyola ay nagpakita ng isang malaking halimbawa kung paanong magbigay ng luwalhati sa Diyos. Ano ang ginawa niya upang magbigay ng luwalhati sa Diyos? Iniwan niya ang lahat ng mga kayamanan niya. Tinalikuran niya ang lahat na ukols sa kanyang sarili at sa kanyang pagiging sundalo. Pinili niyang maglingkod sa Panginoon. Nagpakadukha siya sa harapan ng Panginoon. Inalay ni Ignacio ang buong buhay niya sa paglilingkod sa Panginoon bilang isang pari. Ang ginawa ni Ignacio ay naging mahalaga para sa kanyang kaligtasan at nagbigay ng luwalhati sa Diyos. 


Maraming bagay na maaaring gawin upang magbigay ng luwalhati sa Diyos. Katulad ng pagkakawanggawa, pananalangin at marami pang ibang mga mabubuting gawa. Sinabi nga ni Kristo, "Anuman ang gawin ninyo para sa mga kapatid Kong ito, ginagawa ninyo ito para sa Akin." (Mateo 25, 40) Ang paglilingkod sa kapwa-tao ay isang gawang mabuti para sa ating kaligtasan. Hindi lamang ang pananampalataya ang makaliligtas sa atin. Sabi nga ni Santiago Apostol, "Patay ang pananampalatayang walang gawa." (Santiago 2, 17) Ang pananalangin at paggawa ng mabuti ay mahalaga para sa ating kaligtasan. Sikapin nating manalangin at gumawa ng mabuti sa kapwa dahil sa pamamagitan nito, magkakaroon tayo ng kaligtasan at nagbibigay tayo ng luwalhati sa Diyos. 

Ang Simbahan ay tumutulong din sa kapwa-tao. Hindi lamang sila puro dasal. Kapag may mga taong nangangailangan, lalung-lalo na tuwing panahon ng kalamidad, bukas ang Simbahan upang maglingkod sa mga taong nangangailangan. Hindi sila naghahanap ng bayad mula sa mga taong nangangailangan. Bagkus, tumutulong sila nang bukas-palad. Walang iba silang hinahanap na kabayaran. Dahil alam nila na ang Diyos na ang bahala sa ating lahat. Ang Diyos ang magbabayad sa atin sa kabilang buhay para sa ating pananalig sa Kanya at paggawa ng mabuti sa ating buhay dito sa lupa. Sa pamamgitan ng pananalig, pananalangin at pagkakawanggawa, tayo ay nagbibigay luwalhati sa Diyos. 

Nawa'y tularan natin ang halimbawa ni San Ignacio de Loyola. Sa pag-alay ng buong buhay niya para sa Diyos, pinili niyang magbigay luwalhati sa Diyos. Karapat-dapat lamang na ang Diyos ay mabigyan ng kaluwalhatian sapagkat Siya ang makapangyarihan sa lahat ng bagay. Nasa Diyos na ang lahat ng bagay. Wala na tayong hahanapin pa. Para kay San Ignacio de Loyola, masaya na siya na magbigay ng luwalhati sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang pananalangin at mga mabubuting gawa. Nawa'y sikapin nating magbigay luwalhati at magkamit ng kaligtasan para sa ating mga kaluluwa sa pamamagitan ng pananalangin, pananalig, at pagkakawanggawa. Nasa Diyos na ang lahat. Piliin nating ialay ang ating buhay alang-alang sa ikaluluwalhati ng Diyos. 

AD MAJOREM DEI GLORIAM! 


Linggo, Hulyo 27, 2014

TANGING YAMAN

Ikalabimpitong Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
1 Hari 3, 5. 7-12/Salmo 118/Roma 8, 28-30/Mateo 13, 44-52 (o kaya: 13, 44-46)



Nitong mga nakaraang linggo, ang mga lingguhang Ebanghelyo ay tungkol sa mga talinghaga ng Panginoong Hesus. Muli natin maririnig ang Panginoon na nagtuturo sa pamamagitan ng mga talinghaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo. Sa pamamagitan ng mga talinghagang narinig natin sa Ebanghelyo ngayon, inilalarawan sa atin ng Panginoon kung ano nga ba ang kaharian ng Diyos at kung paano ito katulad. Bahagi ng misyon ni Hesus ay ang pangangaral ng Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Sa Ebanghelyo ngayong Linggo, ikinumpara ni Kristo ang kaharian ng Diyos sa kayamanan. 

Ano ang pakiramdam ng isang tao kapag nahanap niya ang kayamanang hinahanap niya? Hindi ba, nagagalak ang isang tao at madalas, tumatalon pa dahil sa matinding kagalakan ang isang tao kapag nakamit niya ang kayamanang matagal niyang hinahanap? Oo, dahil pagkatapos ng hirap na paghahanap, natagpuan na niya sa wakas ang nais niyang makamtan. Pagkatapos ng sipag, tiyaga at hirap, nahanap na niya ang kayamanang hinahanap niya. Isang napakalaking tagumpay para sa kanya ang paghahanap sa kayamanang iyon. 

Kung pinagsisikapan ng tao ang pagiging mayaman, gaano pa kaya pagdating sa kaharian ng Diyos? Ang mga unang sinabi ni Kristo sa Mateo 6, 33: "Pagsumikapan ninyong pagharian kayo ng Diyos." Mas dakila ang kaharian ng Diyos kaysa sa anumang kayamanan dito sa mundo. Ang kaharian ng Diyos ang tunay na tanging yaman. Para kay Kristo, ang tanging yaman sa lahat ng bagay ay ang kaharian ng Diyos. Wala nang iba. Ang paghahari ng Diyos ang dapat pagsikapan ng lahat. Ito ang tunay na tanging yaman. Hindi mapapantayan ng anumang kayamanan sa mundo ang paghahari ng Diyos. 

Ang problema lamang, may mga sakripisyo na kailangan nating gawin upang makamit ang paghahari ng Diyos sa ating buhay. Kalimutan ang lahat ng tungkol sa sarili, magbigay sa mga dukha, at sumunod kay Kristo. Kung natatandaan po natin ang lalaking lumapit sa Panginoon at tinanong kung paanong magkamit ng buhay na walang hanggan. Noong sinabi ng Panginoon na ibenta ang kanyang mga kayamanan sa mga dukha at sumunod sa Kanya, nalungkot ang lalaki. Bakit? Sobra siyang mayaman. Hindi siya makapili. Napakasakit para sa kanya na mahati sa pagitan ng Diyos at kayamanan. Masyadong sakripisyo iyon para sa kanya. Hindi niya kayang bumitiw sa kanyang mga kayamanan. 

Natatandaan ko tuloy ang kwento ni Cardinal Tagle noong Linggo ng Palaspas sa Manila Cathedral. Bagamat hindi ako nakapunta sa Pilipinas nitong Mahal na Araw, nabasa ko ito sa internet. Ikinuwento ni Cardinal Tagle kung paano niya tinanong ang mga kukumpilan. Noong tinanong ni Cardinal Tagle ang katanungang ito - Misa o thirty million dollars, ang sagot ng mga estudyante ay thirty million dollars. Mas pipiliin daw nila na manalo ng tatlumpung milyong dolyar kaysa dumalo sa Misa. Bakit? Ang laki ng halaga ng perang iyon. Sinong hindi makakatanggi doon? Kapag tinanggap ng isang tao ang laking halagang iyon, magiging kasingyaman na niya si Henry Sy (may-ari ng SM) o ang ating Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao.

Ang mundo ngayon ay umaasa sa pera. Pera lamang ang paraan upang lumago at maging maganda ang buhay ng tao. Iyan ay mabuti. Kaya lang, ang problema lamang ay iniisip nila na magiging tunay na masaya ang isang tao kapag marami siyang pera. Ito'y nagiging daan upang maging sakim o gahaman ang isang tao. Nakakatukso ang pera kapag masyadong malaki ang halaga. Kaya, marami ang nagpupusta sa lotto upang lamang mapanalunan nila ang jackpot prize na milyones ang halaga. Ang pera ay nakakatukso dahil kahit mukha itong mabuti para sa atin, ito'y posibleng maging daan upang maging sakim. Hindi daan ang pagiging mayaman upang maging sakim o gahaman.

Sinasabi pa nga ng Panginoon sa Mateo 5, 3: "Mapapalad ang mga dukha sa espiritu, sapagkat mapapasakanila ang kaharian ng Diyos." Isang malaking sakripisyo ito para sa atin. Bakit? Dahil sa mata ng mundo, ang pagiging dukha ay mukhang kawawa. Hindi maganda ang buhay ng isang taong nagpapakadukha. Pero, sa paningin ng Diyos, makakamtan ng mga taong nagpapakadukha, nagpapakababa ang kaharian ng Diyos. Magiging daan para sa lahat ng tao ang pagpapakababa sa mata ng Diyos upang mapagharian ng Diyos. Sapagkat abo lamang tayong lahat kung wala ang Diyos, mayaman man o hindi. 

Isang halimbawa ng isang taong mayaman ay si Solomon sa Unang Pagbasa natin ngayon. Maaari siyang humiling ng kayamanan o ang pagkamatay ng kanyang mga kalaban. Pero, hindi iyon ang hiniling niya. Bagkus, hiniling ni Solomon sa Diyos na bigyan siya ng karunungan upang malaman niya kung ano ang tama at mali. Alam ni Solomon na isang mahirap na posisyon ang pagiging hari ng Israel. Alam niyang hindi niya magiging katulad ng kanyang amang si Haring David. Kaya, ang hiling ni Solomon sa Diyos ay karunungan upang malaman niya kung ano ang tama at mali. Iyan ay ang tunay na mayaman. Nagpakadukha si Solomon sa Diyos at siya'y ginantimpalaan naman ng Diyos.

Bagamat mahirap ang pagpapakadukha sa paningin ng Diyos, ito'y magiging isang daan upang makamit ang tunay na tanging yaman. Para kay Hesus, ang paghahari ng Diyos ay ang tanging yaman. Wala na tayong hahanapin pa kapag nakamtan natin ang paghahari ng Diyos. Tayo'y magiging tunay na mayaman dahil sa pagkamit ng kaharian ng Diyos. Hindi tayo manghihinayang. Ang mapasailalim sa kaharian ng Diyos ay ang daan upang makamit ang tanging yaman. Gagantimpalaan tayo ng Diyos kapag tayo ay nagpakadukha at nakamtan ang paghahari ng Diyos. Binibigyan tayo ng pagkakataon ng Panginoon upang makamit ang kaharian ng Diyos, huwag nating aksayahin ang pagkakataong ito. 

Manalangin tayo: 
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming magpakadukha
at magpasailalim sa kaharian ng Diyos 
upang makamtan natin ang tanging yaman -
ang kaharian ng Diyos. 
Amen. 




Linggo, Hulyo 20, 2014

ANG KABUTIHAN NG DIYOS SA MGA NAGSISISI

Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Karunungan 12, 13. 16-19/Salmo 85/Roma 8, 26-27/Mateo 13, 24-43 (o kaya: Mateo 13, 24-30) 


Ipinapakita ng mga Pagbasa sa araw na ito ang kabutihan at awa ng Diyos sa lahat ng tao. Marami man ang kasalanan ng bawat tao, nais pa rin ng Diyos iligtas ang sangkatauhan. Ang Diyos ay nagagalit sa mga kasalanan ng bawat tao, ngunit iniibig pa rin Niya ang taong nagkasala. Ibang klase ang galit ng Diyos sa galit ng tao. Kung ang tao, nagagalit sa kasalanan at madalas pa nga sa nagkasala, ang Diyos naman ay nagagalit sa kasalanan, ngunit minamahal pa rin ng Diyos ang taong nagkasala. Banal ang galit ng Diyos. Hindi hinahadlangan ng galit ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa lahat ng tao. 

Ang Unang Pagbasa ay tungkol sa awa ng Diyos. Bagamat ang Panginoong Diyos ang makapangyarihan sa lahat ng mga nilalang, ginagamit Niya ang Kanyang kapangyarihan upang maging mabuti sa mga tao. Maaari na Niyang hindi pansinin ng Diyos ang sangkatauhan. Kung ninanais ng Diyos, pwede Niyang sabihin, "Bahala kayo sa buhay niyo! Ako ang Diyos, ang makapangyarihan sa lahat, at hindi ninyo Ako mapapantayan." Ngunit, hindi iyon ginawa ng Diyos. Bagkus, nagpakababa Siya at ginamit ang Kanyang kapangyarihan upang tayo ay ibigin Niya. 

Hinahamon din tayo ng Unang Pagbasa na tularan ang Diyos sa Kanyang kabutihan sa atin. Dapat din tayong magpakababa at maging mabuti sa ating kapwa-tao. Ang kabutihan ng Diyos ay hindi lamang para sa isang tao lamang. Bagkus, ang kabutihan ng Diyos ay para sa lahat. Kailangan nating maging mapagpasensya, katulad ng Diyos. Naging mabuti at mapagpasensya ang Diyos sa atin, kailangan din nating maging mabuti, mapagmahal, mahabagin at mapagpasensya sa ating kapwa-tao. 

Patuloy na ipinapakita ng Salmong Tugunan ng araw na ito ang kabutihan ng Diyos. Ang Diyos ay mabuti sa lahat ng taong nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kanya. Ipinapakita ng Salmo ngayong Linggo na ang Diyos ay maawain. Dinidinggin Niya ang bawat panalangin ng sangkatauhan, lalung-lalo na ang mga makasalanan. Hindi tumitigil ang Diyos sa pagmamahal at sa pagiging mabuti sa sangkatauhan, kahit gaano pa mang kasama ang mga kasalanang ginawa nila laban sa kanila. Napakawagas at walang hanggan ang pag-ibig ng Diyos sa lahat ng taong nabubuhay, matuwid man o makasalanan.

Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa kabutihan ng Espiritu sa atin. Tinutulungan tayo ng Espiritu ng Diyos na lumuhog at manalangin sa Diyos. Tayong lahat ay mahihina sapagkat tayo ay mga makasalanan. Hindi tayo karapat-dapat na manalangin sa Diyos. Kaya, ang Espiritu ay tumutulong sa atin upang manalangin sa Diyos. Dinidinggin ng Panginoong Diyos ang bawat dalangin at pagsamo ng Espiritu para sa atin. Hindi kaya nating mag-isa. Dahil sa dami ng ating mga kasalanan, hindi natin kayang manalangin sa Diyos nang hindi tayo tinutulungan ng Espiritu.

Muli nating mamamalas ang pagiging mabuti ng Diyos sa Ebanghelyo ngayon. Ipinapakita ni Hesus kung gaanong kabuti ang Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng isang talinghaga. Ang mabuting binhi ang mga mabubuting tao at ang masasamang damo ay ang mga masasamang tao. Ang bukid ay ang mundo. Noong makita ng puno ng sambahayan at ng kanyang mga katulong na may mga masasamang damo na inihasik kasama ng mga mabubuting binhi, alam ng puno ng sambahayan na isang kaaway ang may kagagawan nito. Hindi masamang damo ang inihasik ng manghahasik, kundi mabuting binhi. 

Pero, inutusan ng puno ng sambahayan na huwag bunutin ang mga damo sapagkat madadamay ang mga mabubuting binhi kapag binunutan ang mga damo. Ayaw madamay ng puno ng sambahayan ang mga mabuting binhi, kaya nagiging matalino siya. Mautak ang puno ng sambahayan. Ang binhi ay mahalaga para sa kanya. Kahit pwede niyang utusan sa kanyang mga katulong na bunutin agad ang mga damo (katulad ng tinanong nila sa kanya), hindi niya pinabunot. Mapagpasensya ang puno ng sambahayan at hihintayin niya ang panahon ng pag-aani upang hiwalayan ang masasamang damo sa mabubuting binhi. 

Ganyan din ang Diyos sa atin. Kung bibigyan po natin ng pansin, ang Diyos ay mapagpasensya. Binibigyan tayo ng Diyos ng pagkakataon upang magbagong-buhay. Pero, hindi ibig sabihin noon na pwede nating abusuhin ang pagiging mapagpasensya ng Diyos. Dapat matalino din tayo sa paggamit ng panahon na ibinibigay sa atin ng Diyos. Oo nga, binibigyan tayo ng pagkakataon ng Diyos upang magsisi at magbalik-loob sa Kanya, pero darating din ang panahon ng pag-aani - ang katapusan ng panahon. 

Sa katapusan ng panahon, wawakasan ng Diyos ang lahat ng mga masasamang gawain. Ang lahat ng masamang bagay ay aalisin at tatapusin ng Diyos. Pero, pinalad tayo at ang Panginoong Diyos ay mapagpasensya. Hinihintay Niya ang tamang panahon, ang katapusan ng panahon, upang tayo ay hatulan. Ang Diyos ay mapagpasensya. Hindi Niya tayo huhusgahan agad. Hindi tayo lilipulin ng Diyos agad dahil nagkasala tayo laban sa Kanya. Bagkus, hinihintay ng Diyos ang tamang panahon at hinihintay ng Diyos ang araw ng ating pagbabalik-loob sa Kanya. Binibigyan tayong lahat ng pagkakataon ng Diyos. Gamitin natin ang pagkakataong ibinigay sa atin ng Diyos upang magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Huwag nating abusuhin ang pagiging mapagpasensya ng Diyos. 

Gaano pa mang kasama ang kasalanan ng bawat tao, hindi nito mapapantayan ang awa ng Diyos sa atin. Sinabi nga ng Panginoong Hesus noong nagpakita Siya kay Santa Faustina, "Ang Aking Awa ay higit na dakila kaysa sa mga kasalanan mo at sa mga kasalanan ng santinakpan." Kaya, gamitin natin ang pagkakataong ibinigay sa atin ng Panginoon upang pagsisihan ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Kahit ang pinakamabigat na kasalanan natin ay mapapatawad ng Panginoon. Bakit? Sapagkat Siya'y mapagpasensya at maawain sa ating lahat, gaano pa mang kalaki at kasama ang ating mga kasalanan. 

Linggo, Hulyo 13, 2014

PAGTANGGAP SA SALITA NG DIYOS

Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 55, 10-11/Salmo 64/Roma 8, 18-23/Mateo 13, 1-23 (o kaya: 13, 1-9)



Ang Ebanghelyo natin ngayon ay tungkol sa talinghaga ng magsasakang lumabas upang maghasik (Parable of the Sower). May paliwanag pa nga si Hesukristo tungkol sa talinghagang ito. Ikinumpara ni Hesus ang Salita ng Diyos sa mga binihing inihahasik. Ano naman ang ginamit ng Panginoon upang ang sangkatauhan? Ang apat na uri ng lupa na kung saan nalaglag ang binhing inihasik. Inilalarawan ng bawat uri ng lupa ang bawat taong tumatanggap sa Salita ng Diyos. 

Ang mensahe na ipinapaabot sa atin ng Panginoon sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay hindi basta-basta papasok sa ating puso ang Salita ng Diyos. Hindi mamumunga ang Salita ng Diyos sa ating buhay nang gayon na lamang. Kapag narinig natin ang Salita ng Diyos, hindi na natatapos doon. Kailangan nito ang ating kooperasyon upang mamunga ang Salita ng Diyos sa ating buhay. Hindi basta-basta mamumunga sa ating buhay ang Salita ng Diyos kapag wala tayong kooperasyon. 

Kapag wala tayong kooperasyon sa pagbunga ng Salita ng Diyos, hindi ito mamumunga nang sagana. Walang kwenta ang Salita ng Diyos kapag hindi natin gagawin ang ating bahagi sa pagbunga ng Salita ng Diyos sa ating buhay. Hindi sapat ang pakikinig sa Salita ng Diyos. Kinakailangan nating tanggapin ang Salita ng Diyos nang taos-puso at isabuhay ito upang magkaroon ng bunga ito sa ating buhay.  Iyan ang ating kooperasyon sa pagbunga ng Salita ng Diyos sa ating buhay-Kristiyano. 

Ang bawat Salita ng Panginoon ay mga salitang nagbibigay-buhay. Noong si Kristo ay tinukso ni Satanas na gawing tinapay ang bato, si Kristo ay sumagot nang ganito, "Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat salitang namutawi mula sa bibig ng Diyos." (Mateo 4, 4 at Lucas 4, 4) Makapangyarihan ang bawat salita ng Diyos. Bakit? Ito'y mga salitang nagbibigay-buhay. Ang pagkain, inumin, pagpapalakas at maraming iba pa ay mahalaga para sa ating kalusugan. Pero, mas makapangyarihan ang salita ng Panginoong Diyos kaysa sa pagkain at inumin dahil pinapalakas nito ang buhay-pisikal at buhay-espiritwal. 

Matatagpuan lamang natin sa Panginoon ang mga salitang nagbibigay-buhay. Hindi natin mahahanap sa iba ang mga salitang nagbibigay-buhay sa ating lahat. Sinabi pa nga ni Apostol San Pedro, "Panginoon, kanino kami pupunta? Nasa Iyo ang mga salitang nagbibigay-buhay." (Juan 6, 68) Ang mga salita ng Panginoon ay mga salita ng buhay. Kung hindi dahil sa mga salita ng Panginoon, hindi tayo mabubuhay. Hindi tayo hihinga ngayon, hindi tayo makakagalaw, hindi tayo mabubuhay kung wala ang Panginoon. Siya lamang ang sasapat sa ating buhay. Ang Panginoon ay nagbibigay ng buhay sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. 

Sa kauna-unahang kabanata ng Mabuting Balita ayon kay San Juan, maririnig natin ang mga salitang ito, "Sa simula pa lamang naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos." Sino ang Salita na tinutukoy ni San Juan Ebanghelista? Ang Panginoong Hesukristo. Ang Panginoong Hesukristo ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao at nakipamuhay sa atin. Nagpakababa ang Salita ng Diyos at namuhay bilang tao. Ang Salita ng Diyos ay naging tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Si Hesus ay nagbibigay-buhay sa lahat ng tao sa pamamagitan ng Kanyang pagiging tao. 

Ang kalungkutan tungkol dito ay hindi binigyan ng pansin ng mga tao si Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao. Bagamat si Hesus ay nagkatawang-tao upang magbigay-buhay, hindi pinansin nila si Hesus. Hindi nagmukhang importante o mahalaga ang Panginoong Hesus sa mga tao. Ayon sa mata ng Kanyang kapwa, si Hesus ay anak ng karpinterong si Jose at anak ni Maria. Isang maliit na bagay lamang si Kristo para sa kanila. Hindi Siya mahalaga. Si Hesus ay parang isang maliit na binhi na inihahasik. Sa itsura pa lang ng isang maliit na binhi na inihahasik, mukhang hindi na ito importante. 

Pero, ang hindi nila nalalaman na si Hesus ay higit pa kaysa sa kanilang iniisip. Siya ay ang Anak ng Diyos. Siya ay Diyos na nagkatawang-tao. Siya ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo. Siya ang Mesiyas na ipinangakong susuguin ng Diyos upang iligtas ang Kanyang bayan. Hindi isang pangkaraniwang tao si Hesus. Si Hesus ay isang kakaibang tao. Ngunit, si Hesus ay nagpakababa at namuhay katulad nila. Matatagpuan natin kay Hesus ang isang kapatid. Namuhay Siya katulad ng bawat tao. At hindi lamang iyan. Ang mga salita ni Hesus ay mga salitang nagbibigay-buhay. Si San Pedro Apostol ay nagpatotoo dito sa ika-6 na kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan (6, 68). 

Ang mga salita ni Hesus ay tunay na makapangyarihan. May kapangyarihang magbigay ng buhay ang bawat salita ni Hesus. Bakit tayo'y nabubuhay? Dahil sa mga salita ni Hesus. Ang mga salita ni Hesus ay nagkakaloob sa atin ng buhay na walang hanggan. Ang Salita ng Diyos ay nagkatawang-tao sa pamamagitan ni Kristo. Si Kristo ay nagbibigay-buhay sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Bakit Niya binibigyan ng buhay ang bawat tao? Dahil niloloob ni Kristo na tayo'y magkaroon ng buhay. 

Upang tayo ay mabuhay, kailangan nating tanggapin ang mga Salita ng Panginoon. Hindi basta-basta mamumunga agad ang mga salita ng Panginoon sa ating buhay. Baka, hindi natin maunawaan ang mga salita ng Panginoon. Hindi natatapos ang pagtanggap sa mga salita ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng pakikinig. Kailangan natin tanggapin ang salita ng Panginoon sa ating buhay upang tayo ay magkaroon ng buhay. Kay Hesus lamang matatagpuan ang mga salitang nagbibigay-buhay, at binibigyan Niya ng buhay ang bawat tumanggap sa Kanyang mga Salita nang taos-puso, katulad ng pagbunga ng binhi sa ika-apat na uri ng lupa sa ating Ebanghelyo. Nagbunga ang binhi sa ika-apat na uri ng lupa sa ating Ebanghelyo sapagkat ito'y mabuting lupa. Nawa'y ganyan din ang mangyari sa atin sa ating taos-pusong pagtanggap sa Salita ng Diyos.

Linggo, Hulyo 6, 2014

KAPAYAPAAN AT KAPAHINGAHAN MULA KAY HESUS

Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Zacarias 9, 9-10/Salmo 144/Roma 8, 9. 11-13/Mateo 11, 25-30 


Mahalaga para sa ating lahat bilang tao ang pagpapahinga. Tayong lahat, bilang tao, ay napapagod din. Halimbawa, kapag naglalaro tayo ng basketball ng ilang oras, hindi ba, napapagod tayo? Nahahalata naman natin ang ating kapaguran. Paano natin malalaman na napapagod tayo kapag tayo ay naglalaro ng sports katulad ng basketball? Tayo ay pinagpapawisan ng todo-todo at kung paano tayong huminga. Napakabigat ng ating paghinga kapag tayo ay napapagod. Kaya, kinakailangan din nating magpahinga. Importante ang paghinga upang magkaroon tayo ng lakas muli. 

Sa ating Ebanghelyo, mapapakinggan natin na inaanyayahan tayo ng Panginoong Hesus ang mga napapagod. Alam ng Panginoon na bilang tao, tayo ay napapagod. Alam ni Hesus na hindi maipagkakaloob ng sanlibutan ang tunay na kapayapaan at kapahingahan. Ang kapahingahan mula kay Kristo ay iba sa kapahingahang ibinibigay ng sanlibutan. Ang kapayapaan mula kay Kristo ay iba sa kapayapaan ibinibigay ng sanlibutan. Tinatawag at inaanyayahan tayo ng Panginoon na lumapit sa Kanya upang tayo ay bigyan ng kapahingahan mula sa Kanya. Ang mga salitang namutawi mula sa bibig ng Panginoon ay mga salita ng awa. 

Hindi maiaalis natin ang kapaguran sa paghahanap-buhay. Anuman ang propesyon ng isang tao sa buhay, Ang kapaguran ay senyales ng kasipagan. Mabuti naman ang pagiging masipag. Kapag tayo ay nagiging masipag, umuunlad tayo. Sa paghahanap-buhay, tayo ay uunlad at gumaganda ang ating buhay. Hindi madali ang paghahanap-buhay. Hindi laging madali. May mga pagkakataon kung saan tayo ay napapagod sa ating hanap-buhay. Halimbawa, mga doktor, mga guro, mga inhinyero, at marami pang ibang propesyon. 

Ang mga estudyante rin ay nakakaranas ng pagod. Hindi ba, maraming ginagawa ang mga estudyante sa paaralan at sa bahay? Halimbawa, maraming mga assignment ang ibinibigay sa mga estudyante, lalung-lalo na kapag mahirap na. Nakakadulot nito ng stress para sa marami, hindi ba? Sa dami-dami ng mga ipinapagawa ng mga guro sa mga estudyante, sinong estudyanteng hindi mapapagod? Wala, wala, at isang malaking WALA. 

Pero, ganun po ang buhay-estudyante. Bilang mga estudyante, may mga pagkakataon kung saan maraming mga assignment at proyekto na ibinibigay ng mga guro sa kanilang estudyante upang matuto sila ng mga bagay na kailangan nilang alamin. Ito'y para sa kanilang kapakanan. Kaya, ipinapaalala ng mga magulang sa kanila na mahalaga ang pag-aaral upang magkaroon sila ng magandang kinabukasan. Napakahalaga ang pag-aaral para sa mga estudyanteng katulad ko sapagkat ipinaghahanda nito ang mga estudyante para sa kanilang kinabukasan. Pero, kahit nakapagtapos na ang mga estudyante sa pag-aaral, hindi nagtatapos ang pag-aaral bilang tao. 

Hindi man natin maiwasan ang kapaguran sa buhay, tinatawag pa rin ng Panginoon ang bawat tao upang maranasan ang kapayapaan at kapanhingahan mula sa Kanya. Alam ni Kristo na mayroon tayong mga kalakasan at kahinaan. Alam ng Panginoon na hindi laging malakas ang tao palagi. Alam ng Panginoon na ang bawat isa sa atin ay may kahinaan. Kaya, tinatawag tayo ni Hesus upang maranasan natin ang tunay na kapayapaan at kapahingahang mula sa Kanya. Hindi natin matatagpuan ang tunay na kapayapaan at kapahingahan sa iba. Mahahanap natin ang tunay na kapahingahan at kapayapaan kay Hesus lamang. 

Kaya, kapag tayo ay napapagod at hindi na natin kaya, huwag tayong magmataas. Huwag maging matigas ulo. Huwag maging mayabang. Huwag nating ipilit ang ating sarili kung hindi na natin kaya. Bagkus, magpakababa tayo at lumapit kay Hesus. Sa gayon, tayo ay makararanas ng tunay na kapayapaan at kapahingahan mula sa Kanya. Matatagpuan natin ang tunay na kapahingahan at kapayapaan kay Hesus lamang. Pero, kailangang magpakababa muna tayo upang ipagkaloob sa atin ni Hesus ang tunay na kapayapaan at kapahingan.