Linggo, Pebrero 24, 2013

MAGBAGO KA NA!!

Ika-2 Linggo ng Kuwaresma - (K) - Biyoleta
(Hen 15:5-12, 17-18/Slm 27/Fil 3:17-4:1/Lk 9:28-36)

Mapapakinggan po natin sa Unang Pagbasa na pinapangako ng Diyos si Abram na dadami ang magiging anak at apo niya. Nangako rin ang Diyos sa kanya na magbibigay siya ng lupa para kay Abram. Tumutugon si Abram sa mga ito nang may pananampalataya. At iyon ay nakakalugod sa Diyos. Isang halimbawa si Abram (na mamaya'y Abraham) sa pagutgon sa tinig ng Diyos. Dapat natin tularan siya sa pagtugon sa tinig ng Diyos. Tumutugon siya sa Panginoong Diyos nang may malalim na pananampalataya at pananalig sa kanya. Isa ngang tunay na mananampalataya sa Diyos si Abraham. Kaya kilala si Abraham bilang 'Ama ng Pananampalataya.'

Hinahamon ang mga taga-Filipos ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na tularan siya. Sapagkat ayon kay San Pablo, kung tutularan natin siya at lahat ng mga banal, magkakaroon tayo ng pagkamamayan sa ating tunay na tahanan - ang langit. Kung hindi natin tutularan ang mga banal, mapapahamak lamang tayo. Ang magiging diyos natin ay ang ating sarili. Ang tawag doon, katakawan. Ang katakawan ay isa sa mga pitong pangunahing kasalanan, sa Ingles ang katakawan ay greed. Magiging miserable lamang tayo kung hindi nating sisikaping tumulad sa lahat ng mga banal. Isang kapahamakan para sa atin kung hindi natin makakamit ang langit.

Kaya, kung nais natin makamit ang langit, kailangan sikapin natin na tumulad sa mga banal. Hindi man tayo perpektong tao, sumikap lamang maging banal, makakamit natin ang langit. Sa katapusan ng ating buhay, langit ang ating bayan. Napakapalad natin na tayo'y makakatira sa langit at napakasarap tumira doon sa langit. Wala nang problema, sakit, gulo, etc. Magkakaroon ng kapayapaan lamang sa langit. At doon sa langit, makakapiling natin ang ating Panginoon at Tagapagligtas - si Hesukristo. Habang sinisikap nating maging banal, pinananabikan na natin ang muling pagparito ng ating Panginoong Hesukristo. Pagparito muli ng Panginoong Hesus, magkakaroon tayo ng bagong katawan. Mula sa katawang-lupa, magkakaroon tayo ng katawan maluwalhati.

Pero, huwag nawa tayong humina sa ating buhay, lalung-lalo na ang ating pananalig sa Diyos. Dapat magpakatatag tayo habang buong galak nating hinihintay ang pagbabalik ni Hesus. Babalik muli si Hesus, pero huwag tayong mawalan ng pananalig sa kanya. Ang tunay na nananalig at sumasampalataya sa Diyos ay hindi nanghihina sa Diyos. At hindi kung ano-ano ang sentro ng buhay nila. Dapat si Kristo ang sentro ng ating buhay habang hinhintay natin nang may galak ang kanyang muling pagbabalik.

Ngayon, ating pong pagnilayan ang Mabuting Balita. Sa ating Banal na Ebanghelyo, mapapakinggan po natin na si Hesus ay nagbagong-anyo. At sa pamamagitan ng pagbabagong-anyo ni Hesus, pinapakita Niya ang Kanyang Kaluwalhatian. Isang sulyap ng Kaluwalhatian ni Hesus ang Kanyang pagbabagong-anyo. Habang nananalangin ang Panginoon, Siya'y nagbagong-anyo. Natutulog noon ang tatlong alagad na sina Pedro, Santiago at Juan. Nagising sila nang makita nilang nagniningning si Hesus Nazareno. Hindi lamang iyan, nakita rin nila sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Kristo. Ang pinag-uusapan ng Panginoon kina Moises at Elias ay ang malapit na pagpanaw Niya sa Herusalem. Ilang Linggo mula ngayon at ipagdiriwang ng ating Simbahan ang mga Mahal na Araw kung saan ginugunita natin ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus Nazareno.

Habang paalis sina Moises at Elias, hiniling ni Pedro na doon na lamang sa bundok manatili ang Panginoon at ang mga alagad. Ito ay upang matakasan nila ang Kalbaryo at kamatayan ni Hesus sa krus. Ngunit hindi pinansin si Pedro. Habang nagsasalita si Pedro, may tinig na nagmula sa langit na nagsabi, "Ito ang Aking Anak, makinig kayo sa Kanya." Pinapakilala uli ng Diyos Ama ang Kanyang Anak na si Hesus. Hindi pinansin ni Hesus ang panukala ni San Pedro. Sa halip, may isang panukala ang Diyos na makinig kay Hesus. Hindi susundan ang panukala ni Pedro, kundi masusunod ang panukala ng Panginoong Diyos. Ito ang katunayan na kahit may ibang plano tayo sa buhay, masusunod at magaganap pa rin ang plano ng Diyos.

Ayon kay Fr. Venus Suarez, Parochial Vicar ng Simbahan ng Quiapo, ang tao ay nagbabagong-buhay dahil sa isang personal na pakikipagtagpo sa Diyos. Tandaan po natin, ang pagbabago ay nagsisimula sa ating mga sarili. Ngayong panahon ng Kuwaresma, idalangin natin sa Panginoong Diyos na baguhin niya ang ating buhay, hindi lamang ng sariling buhay natin, kundi ang buhay rin ng ating mga kapwa-tao. Harinawa, kahit tapos na ang Kuwaresma, mas magiging mabuti tayong mga tao.

Linggo, Pebrero 17, 2013

O TUKSO LAYUAN MO AKO

Unang Linggo ng Kuwaresma - (K) - Biyoleta
(Dt 26:4-10/Aw 91/Rom 10:8-13/Lk 4:1-13)

Kay rami nang winasak na tahanan
Kay rami ng matang pinaluha
Kay rami ng pusong sinugatan
O tukso, layuan mo ako

Ito ay isa sa mga pinakamasikat na linya mula sa isang pinakamasikat na kanta. Alam po nating mga Pilipino ang kantang ito. Ang pamagat po ng kantang ito ay "Tukso" na inawit ni Eva Eugenio. Isang matandang kanta ito, ngunit alam ito ng mga Pilipino mula Luzon hanggang Mindanao. Sino po bang Pilipino ang hindi nakaalam sa kantang ito? Ito yata ay isang kanta ng mga Pilipino para sa tukso. Ngunit, kahit paulit-ulit na kinakanta ito ng mga Pilipino, tila halos hindi pa rin lumalayo ang tukso? Bakit hindi lumalayo ang tukso sa atin? Bakit nga ba hindi lumalayo ang tukso? Sino nga po ba ang dapat lumayo -- ang tao o ang tukso?

Sa atin pong Ebanghelyo, mapapansin po natin na ang Panginoong Hesus Nazareno rin ay tinukso. Kahit Siya nga ang Anak ng Diyos, hindi Siya naligtas mula sa tukso. Tinukso pa rin si Hesus Nazareno ng diyablo kahit Siya ang Anak ng Diyos. Ang tanong, paano ba napagtagumpayan ni Hesus ang tukso? Kahit tatlong beses Siyang tinukso ng diyablo, nanatili pa ring masunurin si Kristo sa kalooban ng Diyos. Hindi man lang sumuko o nagpatalo ang Panginoon laban sa kasamaan. Nilabanan Niya talaga ang tukso at sa kahuli-hulian, si Kristo ay nagtagumpay laban sa tukso. 

Ang tukso, mga minamahal na kapatid, ay talaga hindi natin maiiwasan. Kapag napapatalo tayo sa tukso, nagkakasala na tayong lahat. Kahit mga pari, natutukso rin ang mga iyon. Pero, ginagawa nila ang lahat para manaig laban sa tukso, katulad ni Hesus Nazareno. Hindi tayo tinutukso sa panahon ng ating kalakasan; tinutukso tayo sa panahon ng ating kahinaan. Ilang dahilan kung bakit nadadapa ang mga pari sa tukso: isa, wala nang nagdarasal para sa kanya, pangalawa, hindi na siya nagdarasal, at pangatlo, wala nang oras para magdasal. Isang mahalagang bagay ang pananalangin sa Diyos upang hindi tayo mapadaig ng tukso. 

Iisa lamang ang ibig sabihin ng tatlong tukso kay Hesus: Huwag nang sumunod sa kalooban ng Diyos. Tinutukso ng diyablo si Hesus Nazareno para tumalikod at magrebelde sa Diyos. Palagay ko, hindi nagtapos ang pagtukso kay Hesus kahit matalo na Niya ang diyablo. Hindi natapos sa ilang ang pagtukso ni Hesus. Hindi lamang sa simula ng Kanyang misyon tinukso ang Panginoon. Sa pagtapos ng Kanyang misyon ay tinukso uli ang Panginoong Hesukristo. Kahit hindi hango sa Banal na Bibliya, palagay ko, tinukso si Kristo uli sa Halamanan ng Hetsemani. Nagtiis ng hirap uli sa Hetsemani si Hesus. Natakot si Hesus sapagkat mamamatay Siya ng isang napakasakit na kamatayan. Dahil doon, tinukso Siya uli ng diyablo. Ang tukso ng demonyo kay Hesus, "Huwag ang kalooban ng Diyos ang sundin Mo, kalooban Mo ang sundin mo. Magrebelde ka sa Diyos!" Ngunit, dahil si Hesus Nazareno ay nanatiling masunurin, sinambit Niya, "'Ama, hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod." Natalo na naman Niya uli ang demonyo. Talo na ang demonyo. 

Isang halimbawa ang ipinapakita sa atin ng Panginoong Hesus Nazareno ngayong Linggo. Hindi lalayo ang tukso mula sa atin. Pero, hinarap ito ng Panginoong Hesus Nazareno at natalo Niya ang demonyo sa disyerto. Hindi lumayo kay Hesus Nazareno ang tukso, kahit na Siya ang Anak ng Diyos. Sa halip, bilang Anak ng Diyos, si Hesus mismo ang lumayo sa tukso at siyang nanalo laban sa tukso. Harinawa, maisunod natin ang halimawa ng Panginoong Hesus sa ating Mabuting Balita ngayong Linggong ito. Bilang mga Katoliko sumasampalataya sa Diyos, ngayong Taon ng Pananampalataya, manalangin sa Diyos palagi, harapin natin ang tukso, labanan natin ang tukso, at layuan ang tukso, katulad ng ginawa ni Hesus sa ilang. Katulad ni Hesus, kaya natin magtagumpay laban sa tukso sa araw-araw nating pamumuhay. 

Sabado, Pebrero 9, 2013

MGA MAKASALANANG SUMASAKSI SA MABUTING BALITA

Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) - Berde
(Is 6:1-2, 3-8/Aw 138/1 Kor 15:1-11/Lk 5:1-11)


Ayon po kay Fr. Benny Tuazon, ang ating pong mga pagbasa ay tungkol po sa tatlong tao na tinawag, mga makasalanan at naging mga lingkod ng Diyos. Ang tatlong taong tinutukoy ni Fr. Benny ay si Propeta Isaias, Apostol San Pablo at ang mga unang alagad ni Kristo. Kahit mga makasalanan ang tatlong ito, ipinahayag nila ang Mabuting Balita sa tulong ng Diyos.

Kilala ang tatlo bilang isang sacred number, ika nga. Ang numerong tatlo ay sumasagisag sa Banal na Trinidad - ang Ama, Anak at Espiritu Santo. Tatlo ang hamon para sa Kuwaresma (na magsisimula sa Miyerkoles ng Abo - Pebrero 13) - pananalangin, pag-aayuno, at pagkakawang-gawa. Tatlo ang bilang ng mga Haring Mago. Pagkatapos ng tatlong araw, ang Panginoong Hesus Nazareno ay muling nabuhay. Sinusundan ng Banal na Tatlong Araw (Huwebes Santo, Biyernes Santo, at Sabado de Gloria) ang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Pagkatapos ipagkaila ang Panginoong Hesukristo ni San Pedro, tinanong si Pedro ng Panginoon ng tatlong beses kung mahal niya talaga Siya. Ito'y isang kabayaran para kay Pedro noong ipinagkaila ang Panginoong Hesus dahil kay Pedro. At napakarami pang ibang pumapasok ang numerong tatlo.

Unahin muna natin si Propeta Isaias. Si Propeta Isaias ay isang propeta na namuhay sa kapanahunan ng paghahari ni Haring Uzias. Noong namatay si Haring Uzias, doon niya nakita ang Panginoong Diyos. Hindi inaasahan ni Isaias na magpapakita ang Diyos sa templo. Nayanig pa nga ang templo dahil sa presensiya ng Diyos sa templo. Dahil doon, natakot si Isaias sapagkat alam niya na isa siyang makasalanan. Hindi karapat-dapat ang mga makasalanan na pumasok sa templo ng Herusalem kung saan nananahan ang Diyos. Ang mga punong pari, mga saserdote lamang ang makakapasok sa templo. Naghahandog ng mga hain ang mga punong pari sa Diyos. Hindi inaasahan ng propetang si Isaias na ipinatawad siya agad at naghahanap ng Diyos ng isang magpapahayag ng Mabuting Balita na galing sa Kaniya. Hindi hinirang si Isaias ng Diyos nang ganito: "Susuguin kita upang ipahayag ang Aking Salita sa Aking Bayan." Sa halip, si Isaias ay pinili ng Diyos sa pamamagitan ng isang tanong: "Sino ang susuguin ko?" Kusang-loob na tinanggap ni propeta Isaias ang misyon na ipahayag ang Mabuting Balita sa lahat ng tao hanggang sa araw na kung saan siya ay namatay. Si Isaias ay tunay ngang isang dakilang propeta sa Matandang Tipan.

Pangalawa, si Apostol San Pablo. Si Apostol San Pablo, na mas kilala noon bilang Saulo, ay ang dating umuusig sa mga sinaunang Kristiyano. Hindi lamang sa Herusalem ang mga sinaunang Kristiyano, nangalat pa sila sa buong lupain ng Judea at Samaria. Nabalitaan ni Saulo na napakaraming Kristiyano ang nasa bayan ng Damasco, kaya, naglakbay siya patungong Damasco upang pigilin ang mga sumasampalataya kay Kristo. Sa daan papuntang Damasco, nagbago ang buhay ni Saulo. Nagpakita sa kaniya si Hesus Nazareno sa pamamagitan ng nakasisilaw na liwanag mula sa langit. Tinanong si Saulo ni Hesus Nazareno kung bakit Siya ang inuusig ni Saulo. Doon, nagbago ang buhay ni Saulo. Pagkatapos niyang kausapin si Hesus Nazareno, siya'y nabulag kaya tinulungan siya ng mga kasama niya papuntang Damasco. Pinagsisihan niya ang ginawang pag-uusig sa mga sinaunang Kristiyano. Hindi siya kumain o uminom ng tatlong araw bilang tanda ng kaniyang pagsisisi. Nagkaroon siya ng pag-asa noong pinuntahan siya ni Ananias at ibinalik sa kaniya ang kaniyang paningin. Nagpabinyag si Saulo at siya'y ipinangalanang Pablo. Mula noon, pinangaralanan ni Pablo ang Mabuting Balita mula sa Diyos. Pinugutan siya ng ulo sa Roma sa kapanahunan ng paghahari ni Haring Nero sa Roma.

Pangatlo at panghuli, ang mga unang alagad ni Kristo sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo. Nagsimula noong nangangaral si Hesus sa mga tao habang nakaupo sa bangka ni Simon Pedro. Pagkatapos Niyang mangaral, inutusan ng Panginoon sina Pedro at ang kaniyang mga kasama na bumalik muli sa dagat upang makahuli sila ng isda. Nagtataka siguro si Pedro, "Galing na nga kami diyan at nagpuyat, ngunit wala naman kaming nahuli. Baliw ba ang taong ito? Anong akala niya sa sarili niya? Mas magaling pa siya sa akin?" Dito makikita natin ang pagkakaiba ng mga unang alagad at ni Hesus. Si Hesus ay isang anak ng karpintero na ngayo'y nangangaral sa mga tao samantalang ang mga unang alagad ay mga mangingisda. Pero, sabi nga sa wikang Ingles, try again. Parang baga'y sinasabi ni Hesus kay Pedro na pumunta uli doon at subukan uli. Sabi rin uli sa Ingles, try and try until you succeed.

Bumalik doon sina Pedro at ang kaniyang mga kasama. Sinubukan nila muling manghuli ng isda. At biglang-bigla namang nakahuli sila ng isda. Grabe! Napakaraming isda ang nahuli nila! Hindi inakalain ng isa sa kanila na ganong karaming isda ang mahuhuli nila sapagkat sinubukan nila uli. Nang makita ni Pedro na nagkamali siya, hiniling niya kay Hesus na layuan siya sapagkat isa siyang makasalanan. Para bang humihingi ng tawad si Pedro kay Hesus dahil namaliit niya ang Panginoon. Pinatawad siya ng Panginoon at hinirang Niya sina Pedro at ang kanyang mga kasama na maging mga alagad Niya.

Never give up. Keep trying. Try and try until you succeed. Iyan ang para bang sinasabi ni Hesus, hindi lamang kay Pedro, kundi sa ating lahat. Isang hamon iyan para sa ating para sa Taon ng Pananamapalataya, lalung-lalo na ngayong darating na Kuwaresma. Huwag tayong sumuko sa ating mga sarili, sa ating kapwa-tao, at lalung-lalo na ang Diyos. Magsilbing mga halimbawa para sa ating lahat ang tatlong dakilang taong ito na nagsimula sa pagiging makasalanan. Walang imposible sa Diyos. Kahit ang taong may pinakamaraming kasalanan ay mahihirang ng Diyos upang ipahayag ang Kaniyang Salita sa lahat ng tao. Ngayong Kuwaresma, huwag nating ikahiya ang ating mga sarili. Huwag na tayong magtago mula sa pagiging maawain, ng Diyos na nagpapatawad at nagmamahal sa ating lahat. Inaamin nating lahat na mga Katoliko na tayo ay mga makasalanan. Pero, dahil tayo ay mga makasalanan, hindi ibig sabihin noon tapos na ang lahat. May pag-asa pa tayo sa pamamagitan ni Hesus Nazareno. Magsisi na tayo. Humingi tayo ng kapatawaran mula sa Diyos. Hindi Niya tayo itatakwil. Minamahal at patuloy Niyang mamahalin Niya tayong lahat.

Linggo, Pebrero 3, 2013

HINDI MAKAPANIWALA AT HINDI TINANGGAP

Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) - Berde
(Jer 1:4-5, 7-9/Salmo 71/1 Kor 12:31-13:13 (o 13:4-13)/Lk 4:21-30)


Ang mga kababayan ni Hesus sa Nazaret ay hindi makapaniwala na Siya nga ang Mesiyas. Kilala si Hesus ng Kanyang mga kababayan bilang anak nina Jose at Maria. Ngunit hindi nila alam na isang espesyal na tao ang kanilang nakikita sa pagkatao ni Hesus. Isang pangkaraniwang tao lamang si Hesus sa mata ng Kanyang mga kababayan, ngunit sa mata ng mga sumasampalataya sa Kanya, Siya ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.

Nagalit ang mga kababayan ni Hesus nang sabihin Niya na natupad ang sinabi ni propeta Isaias sa pamamagitan Niya. Ang alam nila ay isang sinungaling, isang kalapastanganan sa Diyos ang binigkas Niya. Isang malungkot na pangyayari ito para kay Hesus. Hindi Siya tinanggap ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret sapagkat kulang sila sa pananampalataya.

Si Hesus ay hindi isang pagpapakitang-tao. Siya ay isang sumasaksi at bumabahagi ng katotohanan mula sa Diyos. Ang katotohanan, kadalasan, ay napakasakit tanggapin. Ganyan rin ang dinaranas ng mga kababayan ng Panginoon. Napakasakit para sa kanila na tanggapin na isang mahalagang tao si Kristo. Inggit lang sila dahil ang husay magsalita si Kristo at naging isang masikat na tao sa buong Israel.

Ang mga propeta ay nagsasalita tungkol sa katotohanan. Ang misyon ng mga propeta ay magsisi ang mga tao mula sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Diyos. Samantala, ang mga pekeng propeta ay nagsasalita tungkol sa kasinungalingan. Ang ginagawa ng mga pekeng propeta ay magsabi ng mga kasinungalingan upang malugod sa kanila ang mga nakikinig sa kanila. Kaya, mas marami ang nakikinig sa mga pekeng propeta. Maraming nalulugod sa kanila ngunit iba naman ang sitwasyon ng mga tunay na propeta. Ang daming nagalit sa kanila sapagkat masakit para sa kanila ang tanggapin ang katotohanan. Alam nila na mali ang ginagawa nila ngunit nasasaktan sila sapagkat nagugustuhan nila ang ginagawa nilang mali. Nagsasalita ng ganyan ang  mga tunay na propeta dahil iwinawasto nila ang mga nagkamali. Ang bunga noon ay ang pagpatay sa kanila ng mga taong iyon.

Gayon din ang dinaranas ni Kristo. Maraming nalulugod sa Kanya ngunit marami rin ang nagagalit sa Kanya. Noong ipinahayag Niya na Siya nga ang Anak ng Diyos, marami ang nagalit sa Kanya at gusto pa nilang patayin Siya agad. Ang mga taong iyon kulang sa pananalig sa Diyos kaya hindi nila matanggap na si Kristo nga ang hinirang, ang magliligtas ng tao mula sa kasamaan at kamatayan. Ibig pa nilang ibulid sa bangin si Kristo ngunit pinigil Niya ang mga tao at umalis mula sa Nazaret. Ang mga ginawa Niya sa Kapernaum ay hindi Niya magawa sa Nazaret sapagkat kulang sa pananampalataya ang Kanyang mga kababayan.

Ngunit walang makapigil kay Hesus. Itinuloy ni Hesus ang pagsaksi sa katotohanan kahit marami pa naman ang nagagalit at gustong pumatay sa Kanya. Ang bunga ng pagsaksi sa katotohanan ni Hesus ay ang pagkamatay Niya sa Krus sa Kalbaryo. Kahit hindi nalulugod sa Kanya ang mga tao, nalulugod ang Diyos kay Hesus dahil sa Kanyang pagiging masunurin hanggang kamatayan.

Ngayong Linggo, isang napakagandang aral ang makukuha natin mula sa Ebanghelyo. Huwag maging kalugud-lugod sa tao, sa halip, maging kalugud-lugod sa mata ng Diyos. Dapat tayong sumaksi sa katotohanan tulad ng mga propeta at ni Hesus. Marami man ang nagagalit sa atin, kalulugdan tayo ng Diyos kung sumampalataya tayo sa Kanya at makinig sa katotohanan at maging mga saksi nito.

Linggo, Enero 27, 2013

HESUS: KATUPARAN NG MGA PROPESIYA NG MGA PROPETA

Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon at Pambansang Linggo ng Banal na Bibliya (K) - Berde
(Neh 8:2-4a, 5-6, 8-10/Salmo 119/1 Kor 12:12-30 (o 12:12-14, 27)/Lk 1:1-4; 4:14-21)

Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na bumabalik-loob ang mga Hudyo pagkatapos basahin at paliwanagin ang Batas ni Moises. Iyan ay sa tulong nina Nehemias, Ezra at ilang mga Levita. Nagsisi sila dahil nakalimutan nila ang nagpalaya sa kanila noong tinapon sila sa Babiloniya. Noong umalis mula sa kaalipinan sa Babilonia ang mga Hudyo, napansin ni Ezra na nagpatayo ng templo sa Herusalem si Nehemias. Hindi lamang napansin ni Ezra ang bagong templo na itinayo ni Nehemias, kundi napansin rin niya na nagbago ang ugali ng mga Hudyo. Nagpapakasal ang mga Hudyo sa mga babaeng dayuhan. Ang bunga noon ay ang pagtaliwas sa kanilang pananampalataya at paglimot sa Diyos. Kaya, pagkatapos basahin at paliwanagin nina Ezra at Nehemias kasama ang mga Levita, naaalala nila ang kanilang kasalanan laban sa Diyos. Nakalimutan nila ang Diyos at tumalikod sila sa pananampalataya. Ang bunga noon, umiyak sila nang alam na nila ang kahulugan ng Kautusan. Pinauwi sila nina Nehemias, Ezra at ang mga Levita at binilin sa kanila na magdiwang at magbahagi sa mga may wala.

Sa Ikalawang Pagbasa naman, matutunghayan natin na gumagamit ng isang talinghaga si Apostol San Pablo. Ang talinghagang ginamit niya ay ang talinghaga ng katawan. Ang katawan ay may maraming bahagi ngunit iisa lamang ang tungkulin nito. Katulad ng katawan ng isang tao, may katawan rin ang ating Simbahan. Maraming bahagi ang katawan ng ating Santa Iglesya. Tayong lahat, mga mananampalatayang Katoliko, ay dapat magkaisa muli sa pananampalataya. Sa pamamagitan ng pagkakaisa, maipahayag natin lahat ng mas malakas ang Salita at ang Kabutihan ng ating mapagmahal na Diyos.

Ngayon, dumako po tayo sa ating Mabuting Balita. Umuwi ang Panginoong Hesukristo sa Nazaret kung saan Siya lumaki. Kagaya ng Kanyang kinaugalian, pumunta Siya sa isang sinagoga sa Araw ng Pamamahinga. Tandaan po natin, ang Araw ng Pamamahinga ng mga Hudyo ay katulad ng Araw ng Linggo para sa ating mga Katoliko. Ang Araw ng Pamamahinga ay ang Araw ng Pagsamba para sa mga Hudyo. Bawal magtrabaho ang mga Hudyo sa Araw ng Pamamahinga.

Si Hesus ay tinawag upang basahin ang isang nasasaad sa aklat ng Propeta Isaias. Ang binasa po ni Kristo sa harapan ng mga Hudyong nakatipon sa sinagoga ay ang ika-61 na kabanata sa aklat ni Propeta Isaias. Ang Espiritu ng Diyos ay nasa lingkod ng Diyos upang ipahayag ang Mabuting Balita at ang Kaligtasan ng Diyos sa lahat ng mga tao.

Sino ang tinutukoy ni Isaias? Sino ang lingkod ng Diyos na ito? Si Hesus mismo. Binasa at ipinahayag ng Panginoon sa harapan ng mga tao sa sinagoga ang Kanyang misyon dito sa lupa. Sinugo si Hesus upang ipahayag ang Mabuting Balita at ang Kaligtasan ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagkamatay Niya sa krus, nailigtas ng Diyos ang lahat ng mga tao. Iyan ang misyon ni Hesus. Natupad na ang sinabi ni Propeta Isaias sa pagkatao ni Hesus.

Ngayong Linggong ito ay ang Pambansang Linggo ng Banal na Bibliya. Ang tema ng Linggong ito ay, "Proclaim the Word... Profess the Faith." Iyan po ay isang hamon para sa atin ngayong Taon ng Pananampalataya. Kailangang ipahayag natin ang Salita ng Diyos at ang ating Pananampalataya. Bahagi ng pagpapahayag ng pananampalataya ay ang pagtanggol nito mula sa mga kumukontra dito. Dapat magkaisa tayong lahat, mga mananampalatayang Katolikong Kristiyano, na ipahayag ang Salita ng Diyos at ang ating pananampalataya sa buong mundo. Sa pamamagitan nito, tayo na rin ay nagiging misyonero sa mga hindi pa nakakikilala sa ating pananampalataya at mga lingkod sa ating kapwa-tao.

Linggo, Enero 20, 2013

ANG BATANG HESUS: HUWARAN NG MGA MANANAMPALATAYANG KATOLIKONG KABATAAN

Kapistahan ng Banal na Santo Niño (K) - Puti
(Is 9:1-6/Slm 98/Ef 1:3-6, 15-18/Lk 2:41-53)

Isa pong Maligayang Kapistahan ng Mahal na Poong Santo Niño sa ating lahat! Binabati ko po ang mga nagdiriwang ngayong ng Kapistahan ng Señor Santo Niño. Maligayang Pagbati po sa mga deboto ng Santo Niño, lalung-lalo na sa Cebu, Tondo, Pandacan at sa buong Pilipinas. Maligayang Kapistahan po ng Santo Niño sa ating lahat!

Ang imahen ng Santo Niño de Cebu ay dinala ni Ferdinand Magellan. Hindi lamang isa ang imahen dinala ni Magellan kundi tatlo. Isa doon ang imahen ng Santo Niño de Cebu. Ang pangalawang imahen dinala ni Magellan ay ang imahen ng Nuestra Señora de Guia. Ayon sa mga ilang Pilipino, ang Nuestra Señora de Guia ay ang pinakamatandang imahen ng Mahal na Birheng Maria dito sa Pilipinas. Ang pangatlong imahen dinala ni Ferdinand Magellan dito sa Pilipinas ay ang imahen ng Ecce Homo o ang imahen ng Panginoong Hesukristong hinampas, pinatong ng koronang-tinik at nakasuot ng balabal na purpura. Ang tatlong imaheng ito ay isang regalo ni Magellan kay Haring Humabon pagkatapos binyagan siya.

Sa Cebu at Maasin sa Southern Leyte, isang pinakamasikat na tradisyon tuwing Kapistahan ng Santo Niño ay ang Sinulog Festival. Samantala naman, ang isang magkahawig na tradisyon nito ay ang Ati-Atihan sa Kalibo, Aklan. Sa Maynila, lalung-lalo na sa Tondo, kapag Kapistahan ng Santo Niño, sumasayaw at pumaparada ang mga deboto ng Señor Santo Niño. Ito ay halos magkaiba kapag Kapistahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno doon sa Quiapo. Doon sa Quiapo, kapag araw ng Kapistahan ng Señor Nazareno, nagkakagulo ang lahat ng mga tao mula Luneta hanggang Quiapo para lamang mahawakan ang imahen. Hindi ito katulad ng Kapistahan ng Santo Niño. Dito, sumasayaw ang mga tao sa mga kalsada bilang pagpaparangal sa Santo Niño.

Dahil sa matinding debosyon ng mga Pilipino kay Señor Santo Niño, pinayagan ni Santo Papa Innocent XIII na magkaroon ng Kapistahan ng Santo Niño. Ito'y ginaganap tuwing ikatlong Linggo ng buwan ng Enero. Tayong mga Pilipinong Katoliko ay may matinding debosyon at tayo ang halos ang pinakamadasalin. Halimbawa, matindi ang ating debosyon sa Señor Santo Niño. Mayroon naman po sa inyo (katulad ko), may debosyon sa Mahal na Poong Nazareno. Ang iba naman, may debosyon sa Birhen ng Antipolo. Napakaraming mga debosyon ang mga Pilipino.

Ngayong Taon ng Pananampalataya, ipailalim natin ang ating pananalig at pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga debosyon. Isang napakagandang paraan ang ating mga debosyon sa Santo Niño, Poong Nazareno, Birhen ng Antpolo, etc. Sa tulong ng mga debosyon natin sa mga ito, harinawa, lumalim pa ang ating pananamapalataya sa Diyos. Nawa mas maging madasalin tayo kung dati'y hindi tayo nagdarasal. Maganda ang paraan ng pagdasal upang mas lalu pa tayong lumago sa pananampalataya at maging mga Katolikong Pilipino na sumasaksi kay Kristo. Ipagmalaki natin na tayo ay mga Katolikong Pinoy, may debosyon sa Santo Niño, Poong Nazareno, Birhen ng Antpolo, etc. At nawa, ang Señor Santo Niño ay maging isang halimbawa ng Walang Hanggang Kabataan: Pagkilala, Pagtitiwala at Pagtalima. PIT SEÑOR!! VIVA!! SANTO NIÑO!!








Linggo, Enero 13, 2013

LUBOS KO SIYANG KINALULUGDAN

Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon - (K) - Puti
(Is 42:1-4, 6-7/Slm 29/Gw 10:34-38/Lk 3:15-16, 21-22)

Ngayong Linggong ito ay ang wakas ng kapanahunan ng Kapaskuhan. Bumabalik po tayo ngayon sa Karaniwang Panahon. At sa unang Linggo sa Karaniwang Panahon, ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon. Ang pangyayaring ito sa Banal na Bibliya ay ang simula ng pampublikong ministeryo ni Hesus. Ang ating Banal na Ebanghelyo ay hango sa ikatlong kabanata sa Ebanghelyo ni San Lukas.

Sa Mabuting Balita, mapapakinggan natin na tinatanong si San Juan Bautista kung siya nga ang Kristo. Dahil sa kanyang kasikatan, ang akala ng maraming tao na si Juan Bautista nga ang Mesiyas. Kayang aminin sana ni Juan Bautista na siya nga ang pinangakong Mesiyas, ngunit, dahil isa siyang mapagpakum-babang tao, inamin niya na hindi siya ang Kristo. Alam ni Juan na may isang magbibinyag sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Si Juan Bautista ay nagibibinyag sa pamamagitan ng tubig sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.

Ngayon, mapapansin natin sa Ebanghelyo na nakipila si Hesus sa napakaraming taong pumunta kay Juan upang magpabinyag. Sa salaysay ni San Mateo tungkol sa pagbibinyag kay Kristo, nagulat nga si Juan nang lumapit si Kristo sa kanya upang magpabinyag. Nasa harapan na nga ni Juan Bautista ang Kordero ng Diyos. Nasa harapan na niya ang Mesiyas. Hindi siya karapat-dapat magbinyag sa kanya. Mas makapangyarihan kaysa sa kanya ang bibinyagan niya. Dapat si Hesus mismo ang magbinyag kay Juan Bautista. Ngunit kinumbinsihan ni Hesus si Juan na binyagan siya upang matupad ang kasulatan.

Ngayon, sa salaysay ni San Lukas, matutunghayan natin na walang usapan na naganap sa pagitan ng Panginoong Hesukristo at ni San Juan Bautista, katulad ng naganap sa Ebanghelyo ni San Mateo. Maitatanong natin, bakit pumipila si Hesus sa mga taong makasalanan, tulad natin, upang magpabinyag kay Juan Bautista? Alam naman nating lahat na walang ginawang kasalanan si Hesus, kaya, bakit kailangan pang magpabinyag siya? Balikan po natin ang ikalawang kabanata ng sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos. Ito po yung ikalawang pagbasa sa Banal na Misa para sa Kapistahan ng Mahal na Poong Nazareno noong nakaraang Miyerkoles. Ayon kay San Pablo, si Hesus, sa halip na ipagyabang na siya ay Diyos, ay nagpakumbaba, at naging taong katulad natin. Siya'y naging masunurin sa kalooban ng Diyos hanggang sa kanyang kamatayan sa krus.

Noong bininyagan si Hesus, nanalangin siya. Sa Ebanghelyo ni San Lukas, kadalasan nating makikita ang Panginoon na nanalangin. Hindi ko na po sasabihin kung kailan, basahin na lamang po ninyo ang Ebanghelyo ni San Lukas. Habang nagdarasal si Hesus, nabuksan ang langit, at bumaba sa kanya ang Pangatlong Persona sa Banal na Santatlo: ang Diyos Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo'y nakikitang bumababa sa kanya sa anyo ng isang kalapati. Isang tinig mula sa langit ang nagsabi: "Ikaw ang aking Anak, lubos kitang kinalulugdan." Iyan ay ang tinig ng Diyos Ama.

Nalugod ang Diyos Ama sa kanyang Anak na si Hesus. 
Nalugod ang Amang Diyos sa pagpapakumbaba ni Hesus. Naging kaisa natin ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang Anak. Salamat sa Diyos, dahil sa pagbibinyag kay Hesus, naging kaisa natin at tayo'y nagkaroon ng kaligtasan mula sa Diyos. Ito ay isa sa mga proseso ng plano ng pagliligtas ng Diyos. Kinailangang ang Diyos na magliligtas sa atin, pero, kinailangan ring, tao rin ang magtububos sa kasalanan. Kailangang perpekto ang isang tao katulad ng Diyos upang magtubos sa ating mga kasalanan. Samantala naman, hindi naman kayang magpatawad ang tao. Ang Diyos lamang ang maaaring magpatawad ng mga kasalanan. Kaya, kinailangang si Hesus ang gamitin. Si Hesus, kasi, Diyos siya, pero nagkatawang-tao upang iligtas tayo. Ang gulo-gulo ng mga sinasabi ko kaya halos hindi ko maiintindihan ang sinasabi ko, kaya pasensya na po sa mga hindi nakakaintindi nito. Pero, tandaan po natin, si Hesus ay Diyos na nagkatawang-tao upang maipatawad ang ating mga pagkakasala laban sa Diyos.

Ang binyag ay isang sakramento sa ating Santa Iglesya Katolika. Pinakikilala dito sa Sakramento ng Binyag ang mga anak ng Diyos. Tayo rin ay mga anak ng Diyos, pero si Hesus ang bugtong na Anak ng Diyos. Si Hesus ang ating Kuya, ang ating Kapatid, sapagkat, kahit mga anak tayo ng  Diyos, si Hesus ang bugtong na Anak ng Diyos. Nawa, sa Taon ng Pananampalataya, huwag nating gawin isang okasyon lamang ang Sakramento ng Binyag. Sa halip, gawin natin itong pagdiriwang na ang mga bagong binyag ay nagiging Anak ng Diyos. Pinapakita natin na ang mga bagong binyag ay nagiging mga anak ng Diyos. Tayo, sa pamamagitan ng binyag, ay nagiging anak ng Diyos. Huwag nating ikahiya, ipagmalaki natin na tayo'y mga anak ng Diyos. Tayong lahat ay magkakapatid sa pamilya ng Diyos. Sa pamamagitan nito, ipinagmamalaki natin ang ating Pananamapalatayang Katolika. Ipinagmamalaki natin ang ating Pananampalataya sa Diyos. Iyan ay isang hamon para sa ating lahat ngayong Taon ng Pananampalataya.

(Photos courtesy of owners)