26 Oktubre 2025
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Sirak 35, 15b-17. 20-22a (gr. 12-14. 16-18)/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 16-18/Lucas 18, 9-14
Larawan: Barent Fabritius (1624–1673), The Pharisee and the publican (c. 1661). Rijksmuseum via Vanderbilt University - Divinity Library. Public Domain.
Hindi mapagmataas ang mga nananalig at umaaasa sa Diyos nang taos-puso. Wala ni isa sa lahat ng mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Diyos ay nagtataglay ng kayabangan sa kanilang mga puso at loobin. Bagkus, ang taglay nila sa kanilang mga puso at loobin ay walang iba kundi kababaang-loob. Ito ang aral na buong linaw na isinasalungguhit sa mga Pagbasa. Mayroong kababaang-loob ang mga nananalig at umaaasa sa Diyos nang taos-puso.
Sa Unang Pagbasa, buong linaw na ipinahayag na walang itinatangi ang Diyos. Tunay ngang mahalaga sa paningin ng Diyos ang lahat ng tao. Hindi Siya ekslusibo sa isang pangkat ng mga tao lamang. Para sa lahat ng tao sa daigdig ang dakila Niyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Iyon nga lamang, hindi lahat ng tao sa daigdig ay kinalulugdan ng Diyos. Bakit? Ang mga may kababaang-loob lubusan nga Niyang kinalulugdan. Tiyak na alam nating hindi lahat ng tao ay may kababaang-loob.
Buong linaw na inihayag sa Salmong Tugunan ang pagiging malapit ng Diyos sa mga mababang-loob. Ang kababaang-loob ay nagpapatunay na taos-puso at dalisay ang pasiya ng bawat isa sa atin na manalig at umasa sa Diyos. Dahil dito, nalulugod nang lubusan ang Diyos na Siyang bukal ng tunay na pag-asa sa kanila. Hindi sila nahihiya na ipagmalaki sa lahat ang taos-puso nilang pinananaligan at inaaasahan sa bawat oras at sandali ng kanilang buhay na walang iba kundi ang Diyos.
Nakasentro ang mga salita ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa sa kaniyang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Diyos hanggang sa huli. Sa kabila ng mga hirap, tukso, sakit, at pagsubok sa bawat sandali ng kaniyang pagmimisyon, nanatili pa rin siyang tapat sa Diyos. Ang pagtupad niya sa kaniyang misyon bilang apostol at saksi ng Poong Jesus Nazareno nang buong kababaang-loob hanggang sa huli ay isa lamang patunay ng kaniyang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Panginoon. Buong kababaang-loob niyang tinupad ang kaniyang misyon bilang saksi upang ang kaniyang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Diyos ay maipahayag.
Ang talinghaga ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay nakasentro sa dahilan kung bakit nalulugod ang Diyos sa mga mababang-loob. Sa pamamagitan ng kababaang-loob, nahahayag ang pasiya ng bawat isa na manalig at umasa sa Diyos nang buong puso. Hindi sila nahihiyang ipagmalaki ang Diyos na buong puso nilang pinananaligan at inaaasahan hanggang sa huli. Kung tutuusin, sila pa nga mismo ang humihikayat sa kanilang kapwa na manalig at umasa rin sa Diyos nang taos-puso.
Ipinagmamalaki ng mga may kababaang-loob nang buong linaw ang kanilang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Diyos. Buong linaw nilang inihahayag na wala tayong dapat panaligan at asahan nang taos-puso kundi ang Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento