Martes, Oktubre 21, 2025

LAGING MANALIG AT UMASA SA KANIYA

14 Nobyembre 2025 
Biyernes ng Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Karunungan 13, 1-9/Salmo 18/Lucas 17, 26-37 


Habang papalapit ang wakas ng liturhikal na taon, pinagninilayan ng Simbahan nang buong kataimtiman ang mga magaganap sa wakas ng panahon. Darating ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Hukom ng mga buhay at mga yumao sa wakas ng panahon. Bilang bayang Kaniyang hinirang na taos-pusong nananalig at umaaasa sa Kaniya, dapat nating paghandaan nang maigi sa bawat oras at sandali ng ating buhay sa lupa na pansamantala lamang ang Kaniyang pagdating. Sa pamamagitan nito, ang ating pasiyang manalig at umasa sa Panginoon nang taos-puso hanggang sa huli ay mapapatunayan natin nang buong linaw at katapatan. 

Sa Ebanghelyo, inihalintulad ng Poong Jesus Nazareno sa baha na lumipol sa daigdig noong panahon ni Noe ang Kaniyang pagdating sa wakas ng panahon. Darating Siya bilang Hukom ng mga buhay at mga patay sa panahong hindi inaaasahan. Kahit ang pinakamatalinong tao sa lupa, hindi niya alam kung kailan ang eksaktong oras, araw, o petsa ng muling pagdating ng Poong Jesus Nazareno sa lupa. Isa lamang ang ating magagawa bilang mga bumubuo sa Kaniyang Simbahan - paghandaan ang ating mga loobin at puso para sa Kaniyang pagdating bilang Hukom at Hari sa pamamagitan ng tapat na pagsasabuhay ng ating taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Kaniya hanggang sa huli. 

Ang Diyos ay buong linaw na ipinakilala sa Unang Pagbasa. Sa pamamagitan ng mga salitang inilahad sa Unang Pagbasa na nagpapakilala sa Panginoong Diyos, ang lahat ng mga tao sa daigdig ay hinihimok na manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso hanggang sa huli. Tinatahak ng mga magpapasiyang manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso hanggang sa huli ang landas ng kabanalan sapagkat ang pasiyang ito ay lagi nilang isinasabuhay hanggang sa huli. Ipinapalaganap rin nila ang kabutihan, pag-ibig, habag, at awa ng Diyos sa pamamagitan nito. 

Buong linaw na inihayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan: "Ang langit ay nagdiriwang sa Panginoong marangal" (Salmo 18, 2a). Ang bawat magpapasiyang manalig at umasa sa Diyos hanggang sa huli ay mapapabilang sa mga magdiriwang nang buong galak sa piling ng Panginoong Diyos sa langit magpakailanman. 

Pansamantala lamang ang ating paglalakbay sa daigdig. Bilang paghahanda para sa maluwalhating pagdating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon (na walang sinuman sa daigdig ang nakakaalam kung kailan), dapat nating isabuhay ang ating taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Kaniya hanggang sa huli. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento