19 Oktubre 2025
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Exodo 17, 8-13/Salmo 120/2 Timoteo 3, 14-4, 2/Lucas 18, 1-8
Larawan: Alonso Cano, Christ carrying the Cross (c. Mid-17th Century). Muzeum - Zamek Tarnowskich w Tarnobrzegu (Facebook). Public Domain.
"Sa Pangalan ng Maykapal tayo ay tinutulungan" (Salmo 120, 2). Isinalungguhit nang buong linaw sa mga salitang ito mula sa mang-aawit sa Salmong Tugunan kung bakit ang Diyos ay tunay ngang maaasahan. Katunayan, nakasentro ang mga Pagbasa sa pagiging maaasahan ng Diyos. Bilang bukal ng tunay na pag-asa, walang binibigo ang Diyos kailanman. Lagi Niyang pinatunayang maaasahan nga Siyang tunay.
Ang tagumpay ng mga Israelita na pinangunahan ni Josue laban sa mga Amalecita na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito ay isa lamang patunay na walang binibigo ang Diyos kahit kailan. Itinaas ni Moises ang kaniyang mga kamay hindi bilang pampasuwerte kundi upang manalangin sa Diyos. Nanalangin siya nang taimtim para sa mga Israelita. Pati ang pagtulong nina Aaron at Hur sa kaniya noong mangawit na ang kaniyang mga kamay ay hindi isang tanda ng pamahiin. Bagkus, isa lamang itong tanda na nakikiisa sila sa mga panalangin ni Moises para sa Israel.
Maituturing na tagubilin para kay San Timoteo ang mga salita ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Nakiusap siya kay San Timoteo na huwag limutin kahit kailan ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Bukod pa roon, buong linaw tinagubilinan ni Apostol San Pablo si San Timoteo na ipakilala ang Diyos bilang bukal ng tunay na pag-asa. Sa pamamagitan nito, naipapalaganap at naibabahagi sa tanan ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos.
Nangaral nang buong linaw ang Poong Jesus Nazareno sa mga alagad sa Ebanghelyo tungkol sa pagiging maaasahan ng Diyos. Kung ang hukom na walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao ay nagpasiyang pagbigyan ang hiling ng isang babaeng balo para sa katarungan matapos itong gambalain nang paulit-ulit, ano pa kaya ang Diyos na tunay ngang makatarungan, mahabagin, mapagmahal, at maaasahan? Ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos ay puno ng pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob. Lagi Niya tayong ipinagsasanggalang at kinakalinga. Sa pamamagitan nito, pinatutunayan Niyang dapat Siyang panaligan at asahan.
Walang sawang pinatunayan ng Diyos ang Kaniyang pagiging maaasahan. Kaya nga, ang Diyos ay ang bukal ng tunay na pag-asa. Kusang-loob Niyang idinudulot sa lahat ng tao ang biyayang ito. Hindi kabiguan ang Kaniyang hatid kundi tunay na pag-asa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento