23 Nobyembre 2025
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (K)
2 Samuel 5, 1-3/Salmo 121/Colosas 1, 12-20/Lucas 23, 35-43
Larawan: Giulio Romano (1499–1546), Deesis with Saint Paul and Saint Catherine (c. 1520). Galleria nazionale di Parma. Public Domain.
Inilaan ng Simbahan ang huling Linggo ng bawat Liturhikal na Taon para sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo, ang Señor Nazareno, sa Sanlibutan. Layunin ng pagdiriwang na ito ay ipaalala sa tanan na ang tunay na Hari ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang mga hari at pinuno sa daigdig ay hindi mananatili sa kapangyarihan magpakailanman. Oo, maaaring maghari at mamuno sa loob ng mahabang panahon ang ilan sa mga hari at pinunong ito. Ngunit, darating rin ang panahon kung kailan magtatapos ang mga ito. Tunay ngang naiiba sa mga hari sa daigdig ang Mahal na Poong Jesus Nazareno dahil walang hanggan ang Kaniyang pagkahari. Mananatili Siyang Hari magpakailanman.
Sa Ebanghelyo, ipinangako ng Poong Jesus Nazareno ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa tunay na Paraiso na walang iba kundi ang maluwalhati Niyang kaharian sa langit sa nagtitikang salarin. Ang walang hanggang pagkahari ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay hindi lamang kinilala ng nasabing salaring nakapako sa isa sa mga krus sa tabi ng Kabanal-Banalang Krus kundi tinanggap rin nang taos-puso. Ipinahayag niya ito nang buong linaw sa pamamagitan ng kaniyang taos-pusong pagtika.
Gaya ng mga angkan ng Israel na nagtungo sa Hebron upang ipahayag ang kanilang taos-pusong pagkilala at pagtanggap kay Haring David sa Unang Pagbasa, kinilala ng nagtikang salarin sa Ebanghelyo ang pagkahari ng Panginoong Jesus Nazareno na buong linaw na ipinakilala ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral na itinampok sa Ikalawang Pagbasa bilang larawan ng Diyos na di-nakikita at may kapangyarihan sa lahat ng nilikha (2 Corinto 1, 15). Bilang mga bahagi ng tunay na Simbahang tanging Siya mismo ang nagtayo at nagtatag, dapat nating kilalanin at tanggapin nang taos-puso ang walang hanggan at dakilang pagkahari ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Mesiyas at Manunubos na ipinangako. Sa pamamagitan nito, ipinapahayag natin ang ating taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Kaniya. Kapag ipinasiya natin itong gawin nang taos-puso, matatamasa natin ang pangakong buong linaw na inilarawan sa Salmong Tugunan na inilarawan din mismo ng Panginoong Jesus Nazareno sa mga huling sandali ng Kaniyang buhay sa Banal na Krus sa nagtikang salaring ipinako sa krus sa tabi ng Banal na Krus sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo.
Para sa lahat ng mga nananalig at umaaasa sa Mahal na Poong Jesus Nazareno nang taos-puso hanggang sa huli, Siya lamang ang tunay na Hari. Kinikilala at tinatanggap nila nang taos-puso ang Kaniyang walang hanggang pagkahari.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento