7 Nobyembre 2025
Biyernes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Roma 15, 14-21/Salmo 97/Lucas 16, 1-8
Isinalaysay ng Poong Jesus Nazareno ang isang kakaibang talinghaga sa mga alagad sa Ebanghelyo. Ang talinghagang ito na kakaiba ngang tunay ay walang iba kundi ang talinghaga tungkol sa tusong katiwala. Tunay nga namang kakaiba ito sapagkat ang pagiging tiwali at pandaraya ng katiwalang ito ay tila pinuri ng Poong Jesus Nazareno. Dahil tatanggalin siya bilang katiwala, binawasan niya ang mga utang ng mga may utang sa kaniyang dating amo. Ginawa ito ng katiwala sa talinghaga ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo nang sa gayon ay mapabuti siya sa panigin ng lahat ng mga may utang sa kaniyang dating amo. Mahusay siyang gumawa ng paraan. Pinuri siya, hindi dahil mandaraya siya, kundi dahil mahusay siyang makipagkasundo.
Sa Unang Pagbasa, ipinaliwanag ni Apostol San Pablo ang dahilan kung bakit buong kagitingan siyang sumasaksi sa Mahal na Poong Jesus Nazareno sa lahat, lalung-lalo na sa mga Hentil. Ipinagkaloob ng Diyos ang apostol at misyonerong si Apostol San Pablo bilang biyaya sa lahat, lalung-lalo na sa mga Hentil. Nangaral siya tungkol sa biyaya ng pagliligtas ng Diyos na kusang-loob Niyang ipinagkaloob sa lahat ng tao sa lupa sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dumating ang biyaya ng tunay na pag-asa sa daigdig sa pamamagitan ng pagkakaloob Niya ng biyayang ito. Gaya ng kusang-loob Niyang pagkaloob sa biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ng kusang-loob Niyang pagkaloob sa biyaya ng Kaniyang pagliligtas na dumating sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, gumawa ng paraan ang Diyos upang lalo pang dumami ang mga makakilala sa Kaniya bilang bukal ng tunay na pag-asa sa pamamagitan ng Kaniyang paghirang kay Apostol San Pablo bilang apostol at misyonero sa mga Hentil.
Buong linaw na inihayag sa awit ng papuri ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan: "Panginoong nagliligtas sa tanang bansa'y nahayag" (Salmo 97, 2b). Wala Siyang ibang hangarin kundi ang manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso ang lahat. Dahil dito, laging kumikilos at gumagawa ng paraan ang Diyos upang sa Kaniya maakit ang lahat nang sa gayon ay lalo pang dumami ang bilang ng mga nananalig at umaaasa sa Kaniya nang taos-puso. Nais Niya silang makapiling magpakailanman.
Laging kumikilos ang Diyos dahil nais Niyang manalig at umasa nang taos-puso ang tanan. Ito ay dahil ang tangi Niyang naisin ay makasama sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit ang lahat magpakailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento