Huwebes, Oktubre 9, 2025

PAGHAHANDOG NG SARILI SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

24 Oktubre 2025 
Biyernes ng Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Roma 7, 18-25a/Salmo 118/Lucas 12, 54-59 


"Poon, ituro Mo sa 'kin ang utos Mo upang sundin" (Salmo 118, 68b). Nakasentro sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan ang pagninilay ng Inang Simbahan para sa araw na ito. Ipinapahayag ng lahat ang kanilang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Diyos sa pamamagitan ng pakikinig at pagsunod sa Kaniyang mga utos at loobin nang taos-puso hanggang sa huli. 

Sa Unang Pagbasa, buong linaw na inihayag ni Apostol San Pablo ang kaniyang taos-pusong pasasalamat sa Diyos na nagkaloob sa kaniya ng tunay na pag-asa. Dahil sa biyayang ito na ipinagkaloob sa kaniya ng Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, nagkaroon siya ng pagkakataong tahakin ang landas ng kabanalan at maging tagabahagi ng biyayang ito sa pamamagitan ng kaniyang pagmimisyon. Sa Ebanghelyo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nangaral nang buong linaw sa lahat ng mga nakikinig sa Kaniya tungkol sa pakikipagkasundo sa kapwa. 

Ang mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Diyos ay ang mga laging nakikinig at sumusunod sa Kaniya nang taos-puso hanggang sa huli. Inihahandog nila sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos ang buo nilang sarili. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento