17 Oktubre 2025
Paggunita kay San Ignacio ng Antioquia, obispo at martir
Biyernes ng Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Roma 4, 1-8/Salmo 31/Lucas 12, 1-7
Larawan: Giampietrino (fl. 1495–1549), Christ carrying his Cross (c. Between 1508 and 1532). National Gallery via Art UK. Public Domain.
Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa halaga ng pamumuhay para sa Diyos bilang patunay ng pasiyang manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso. Sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng pasiyang manalig at umasa sa Diyos, buong linaw nating ipinapahayag na ang Diyos ay tunay ngang mahalaga para sa ating lahat. Hindi binabalewala o sinasayang ng lahat ng mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Diyos ang mga biyayang Kaniyang kaloob na sumasalamin sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Ito ay kanilang nagagawa sa bawat sandali at oras ng pansamantala nilang paglalakbay at pamumuhay sa lupa sa pamamagitan ng kanilang pagsusumikap na mamuhay para sa Kaniya.
Sa Unang Pagbasa, ang pasiya ni Abraham na manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso, gaano mang kahirap gawin ito, ay itinampok at inilahad ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral sa Unang Pagbasa. Buong linaw namang inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang kaniyang pasiyang manalig at umasa sa Diyos na kusang-loob na nagbibigay ng tunay na pag-asa sa lahat ng tao dito sa lupa, pati ang mga makasalanan. Dahil sa Diyos, ang lahat ay mayroong pag-asang magbago. Walang sinuman sa lupa ang makapagsasabing hindi siya binigyan ng pagkakataon upang tahakin ang landas ng kabanalan. Ang pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay nakatuon sa pagsasabuhay ng pasiyang manalig at umasa sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos nang taos-puso.
Hindi dapat ikahiya kailanman ang ating pasiyang manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso. Bagkus, nararapat lamang na ipagmalaki at patunayan natin ito sa bawat sandali ng ating buhay sa lupa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento