Huwebes, Oktubre 16, 2025

BUONG BUHAY NA NANANALIG AT UMAAASA SA DIYOS NANG TAOS-PUSO

1 Nobyembre 2025 
Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal 
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12 


Inilaan ang unang araw ng Nobyembre upang ipagdiwang at ipagdangal ang lahat ng mga banal sa langit. Ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos ay kapiling nila magpakailanman sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit. Kahit na napakahirap isabuhay ang kanilang pasiyang manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso, lagi nila itong ipinasiyang gawin. Hindi nila ipinagpalit ang Diyos kailanman. Sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos lamang nila inihandog nang taos-puso ang kanilang katapatan. Dahil sa kanilang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Kaniya hanggang sa huli, natamasa ng lahat ng mga banal ang buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa langit. 

Buong linaw na inilarawan sa Unang Pagbasa ang ginagawa ng lahat ng mga banal sa piling ng Panginoong Diyos sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit. Walang humpay silang nagpupuri, nagpapasalamat, nagbubunyi, at sumasamba sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Sa pamamagitan nito, ipinapahayag nila nang buong linaw ang kanilang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Kaniya. Katunayan, matagal nila itong pinaghandaan. Noong ang lahat ng mga banal sa langit ay namumuhay nang pansamantala sa daigdig na ito, lagi nilang pinagsikapang isabuhay ang kanilang pasiyang manalig at umasa sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Diyos nang taos-puso. Gaano man kahirap gawin iyon dahil sa mga tukso at pagsubok, lagi nila itong ipinasiyang gawin. Dahil nanatili silang tapat sa pasiyang ito hanggang sa huli, ang mga salita ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ay walang humpay nilang nagagawa sa langit, gaya ng inilarawan sa Unang Pagbasa. 

Nangaral si Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa paghahanda para sa pagtamasa ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit. Kailangan natin itong paghandaan sa bawat oras at sandali ng pansamantala nating pamumuhay sa daigdig. Ito ay magagawa natin sa pamamagitan ng taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Diyos. Hindi lamang natin ito magagawa sa pamamagitan ng mga salita lamang kundi pati na rin sa ating mga gawa. 

Sa Ebanghelyo, ang Poong Jesus Nazareno ay nangaral tungkol sa mga mapapalad sa paningin ng Diyos. Buong linaw na inilarawan ng Poong Jesus Nazareno sa pangaral Niyang ito kung ano ang ginawa ng lahat ng mga tunay na mapapalad sa paningin ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Isinabuhay nila sa bawat oras at sandali ng kanilang pansamantalang pamumuhay at paglalakbay sa lupa ang kanilang pasiyang manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso. 

Ang pamumuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos ay ang palagiang pagsasabuhay ng pasiyang manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso hanggang sa huli. Lagi itong ginawa ng lahat ng mga banal sa langit noong namumuhay pa sila sa daigdig na ito nang pansamantala. Sa pamamagitan nito, napaghandaan ng lahat ng mga banal sa langit ang pagtamasa sa buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa Kaniyang kaharian sa langit. 

Kung nais nating makapiling ang Diyos sa langit magpakailanman, isabuhay natin ang ating taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Kaniya hanggang sa huli. Ginawa ito ng mga banal sa langit noong namumuhay at naglalakbay sila nang pansamantala sa lupa. Ito ang dapat nating gawin bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang ang Mahal na Poong Jesus Nazareno mismo ang nagtatag. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento