31 Oktubre 2025
Biyernes ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Roma 9, 1-5/Salmo 147/Lucas 14, 1-6
Isinasalungguhit nang buong linaw sa mga Pagbasa para sa araw na ito ang ugnayan ng kabutihan ng Diyos at ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos ay bunga ng Kaniyang kabutihan.
Sa Ebanghelyo, itinampok at inilahad ang salaysay ng pagpapagaling sa isang taong namamanas. Idinulot ng Poong Jesus Nazareno ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa taong namamanas na lumapit sa Kaniya habang nasa bahay ng isang Pariseong nag-anyaya sa Kaniya na kumain roon sa pamamagitan ng pagpapagaling sa Kaniya. Hindi ipinagkait ng Poong Jesus Nazareno ang biyayang ito mula sa taong namamanas. Bagkus, kusang-loob Niyang ipinasiyang ipakita sa taong lumapit sa Kaniya upang magpagaling ang Kaniyang kabutihan.
Ang tunay na pag-asang bunga ng kabutihan ng Diyos ay ang dahilan kung bakit ang puso ni Apostol San Pablo ay puspos ng kagitingan, gaya ng kaniyang inihayag nang buong linaw sa kaniyang pangaral sa Unang Pagbasa. Handa si Apostol San Pablo na mamatay bilang martir alang-alang sa Diyos dahil sa Kaniyang kabutihan. Nanalig at umasa si Apostol San Pablo sa Diyos na kusang-loob na nagpamalas at nagpadama ng Kaniyang walang maliw na kabutihan sa Kaniyang hirang na lingkod na si Apostol San Pablo, ang apostol at misyonero sa mga Hentil.
Buong linaw na inaanyayahan ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ang lahat ng tao na magpuri at magpasalamat sa Panginoong Diyos sa bawat oras at sandali ng ating pansamantala paglalakbay sa daigdig. Inilarawan niya sa mga taludtod ng kaniyang awit-papuri na itinampok at inilahad sa Salmong Tugunan ang ilan sa napakaraming dahilan kung bakit marapat lamang gawin ito. Walang ibang inilalarawan nang buong linaw sa mga nasabing taludtod kundi ang Kaniyang walang maliw na kabutihan.
Tunay ngang napakabuti ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit mayroong pag-asa para sa ating lahat. Dahil sa Kaniyang walang maliw na kabutihan, mayroong pag-asa. Ang biyayang ito ay bunga ng Kaniyang kabutihan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento