Huwebes, Oktubre 2, 2025

IBAHAGI AT IPALAGANAP ANG TUNAY NA PAG-ASA

12 Oktubre 2025 
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
2 Hari 5, 14-17/Salmo 97/2 Timoteo 2, 8-13/Lucas 17, 11-19 


"Panginoong nagliligtas sa tanang bansa'y nahayag" (Salmo 97, 2b). Sa mga salitang ito ng mang-aawit sa Salmong Tugunan nakatuon ang pagninilay ng Inang Simbahan sa Linggong ito. Buong linaw na isinasalungguhit sa mga salitang ito ang ugnayan ng biyaya ng pagliligtas ng Diyos at ang biyaya ng tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula. Idinudulot ng Diyos sa ating lahat ang biyaya ng tunay ng pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ng pagligtas sa ating lahat na nalugmok sa kasalanan. Nagawa Niya ito sa pamamagitan ni Jesus Nazareno. 

Ang salaysay ng pagpapagaling kay Naaman mula sa kaniyang ketong ay itinampok sa Unang Pagbasa. Idinulot ng Diyos ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya kay Naaman sa pamamagitan ng pagpapagaling sa kaniya. Kahit na pinuno ng mga hukbo sa Siria si Naaman, ipinasiya pa rin ng Diyos na ipagkaloob sa kaniya ang biyaya ng tunay na pag-asa. Buong linaw namang isinentro ng apostol at misyonerong si Apostol San Pablo ang kaniyang pangaral at habilin kay San Timoteo na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa sa walang tigil na pagpapalaganap ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos. Misyon ito ng Inang Simbahan. Sa Ebanghelyo, sampung ketongin ang pinagaling ng Panginoong Jesus Nazareno ngunit isa lamang sa kanila - isang Samaritano - ay bumalik agad sa Kaniya upang Siya, ang bukal ng tunay na pag-asa, ay pasalamatan. 

Dahil sa Diyos, mayroon tayong pag-asa. Tayong lahat na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno ay nananalig at umaaasa nang taos-puso sa Kaniya dahil ipinasiya Niya tayong dulutan ng tunay na pag-asa. Bilang mga nananalig at umaaasa sa Kaniya nang taos-puso, ang dakilang biyayang ito ay dapat nating ipalaganap at ibahagi sa kapwa-tao. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento