Biyernes, Oktubre 24, 2025

KAPILING ANG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

16 Nobyembre 2025 
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Malakias 3, 19-20a/Salmo 97/2 Tesalonica 3, 7-12/Lucas 21, 5-19 


Nakatuon sa pagdating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon ang mga Pagbasa. Habang papalapit ang Simbahan sa wakas ng liturhikal na taon, inaanyayahan tayo na pagnilayan ang mga pangaral ng Mahal na Poong Jesus Nazareno tungkol sa Kaniyang pagdating sa wakas ng panahon. Kahit na hindi natin alam ang eksaktong oras, araw, at petsa nito, kinakailangan pa rin nating ihanda ang ating mga sarili para sa Kaniyang pagdating. 

Buong linaw na inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Malakias sa Unang Pagbasa kung ano ang Kaniyang gagawin sa Kaniyang pagdating. Ang mga tapat sa Kaniya, gaano man kahirap gawin ito, ay Kaniyang ililigtas. Nagawa Niya ito noong una Siyang dumating sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Gagawin Niya ito muli sa Kaniyang ikalawang pagdating bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon. Tutubusin ng Diyos ang mga magpapasiyang manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso hanggang sa huli. Sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng pasiyang ito, inihahayag nila ang kanilang katapatang tunay ngang matatag. 

Inilarawan ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa nang buong linaw kung ano ang kailangan nating gawin upang ang ating mga sarili ay ating maihanda para sa ikalawang pagdating ng Panginoong Jesus Nazareno bilang Hukom at Hari sa wakas ng panahon. Bilang mga bumubuo sa Simbahang Siya mismo ang nagtatag, dapat palagi nating isabuhay ang ating taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Kaniya nang buong katapatan hanggang sa huli. Ito ang laging ipinasiyang gawin ng lahat ng mga banal na tao na kapiling na ng Panginoong Jesus Nazareno sa Kaniyang kaharian sa langit noong namumuhay pa sila sa daigdig. 

Sa Ebanghelyo, nangaral ang Poong Jesus Nazareno tungkol sa Kaniyang pagdating bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon. Buong linaw Niyang ipinahayag na hindi magiging madali ang buhay ng lahat ng mga magpapasiyang manalig at umasa nang taos-puso hanggang sa huli. Marami silang haharapin, pagdadaanan, at titiising mga pagsubok at pag-uusig dahil sa kanilang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Kaniya nang buong katapatan hanggang sa huli. Subalit, ang magiging kapalit nito ay walang iba kundi ang buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa langit. 

Gaya ng inihayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan: "Poong Hukom ay darating, taglay katarungan natin" (Salmo 97, 9). Darating ang Poong Jesus Nazareno upang ang lahat ng mga mananatiling tapat sa kanilang pasiyang manalig at umasa sa Kaniya hanggang sa huli. 

Tunay ngang mapalad ang lahat ng mga magpapasiyang manatiling tapat sa kanilang pasiyang manalig at umasa sa Diyos hanggang sa huli. Sa kabila ng mga hirap, tukso, at pagsubok sa buhay, lagi nilang pinipili ang Diyos. Makakapiling nila ang Diyos na kanilang pinananaligan at inaaasahan nang may taos-pusong katapatan sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit sa wakas ng kanilang paglalakbay sa lupa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento