Huwebes, Abril 25, 2024

ALANG-ALANG SA MGA MINAMAHAL

1 Mayo 2024 
Paggunita kay San Jose, manggagawa 
Genesis 1, 26-2, 3 (o kaya: Colosas 3, 14-15. 17. 23-24)/Salmo 89/Mateo 13, 54-58

This faithful photographic reproduction of the painting (c. From 1610 until 1625) Christ in Joseph's workshop by Matteo Pagano, as well as the actual work of art itself from the Museu Nacional de Belas Artes, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 

"Hindi ba ito ang anak ng karpintero?" (Mateo 13, 55). Sa mga salitang ito na binigkas ng mga kababayan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Nazaret matapos pakinggan ang Kaniyang pangaral sa sinagoga sa nasabing bayan sa Ebanghelyo nakatuon ang pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Ang araw na ito ay inilaan ng Simbahan upang gunitain at parangalan si San Jose bilang isang manggagawa. Ito ang isa sa dalawang Pistang inilaan ng Simbahan sa karangalan ni San Jose. Katunayan, ito ang ikalawang Kapistahang inilaan ng Simbahan sa karangalan ni San Jose. 

Gaya ng mga kababayan ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa araw na ito, alam rin nating isang karpintero si San Jose. Ang hanap-buhay ni San Jose ay ang pagiging isang anluwage o karpintero. Sa pamamagitan ng kaniyang pagiging isang karpintero, kumikita si San Jose para sa kaniyang pamilya. Ito ang kaniyang hanap-buhay. Naghahanap-buhay siya bilang karpintero nang sa gayon ay maitaguyod niya ang kaniyang pamilya na binubuo ng Poong Jesus Nazareno at ng Mahal na Birheng Maria. Upang magkaroon ng magandang buhay ang kaniyang pamilya, si San Jose ay naghanap-buhay nang buong kasipagan at tiyaga bilang isang karpintero. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang paglikha ng Diyos sa tao. Nilikha ng Diyos ang tao ayon sa Kaniyang larawan sa ikaanim na araw. Pagsapit ng ikapitong araw, ipinasiya ng Diyos na magpahinga. Sa Salmong Tugunan, ang Panginoong Diyos ay ipinakilala bilang bukal ng pagpapala. Inilaan ng tampok na mang-aawit ang bawat taludtod ng kaniyang awit ng papuri na inilahad sa Salmong Tugunan sa pagpapatotoo tungkol sa mga gawa ng Panginoong Diyos na tunay ngang kahanga-hanga. Sa Ebanghelyo, ang Diyos na nagkatawang-tao na si Jesus Nazareno ay hindi tinanggap sa Nazaret dahil hindi silang makapaniwalang mayroon Siyang angking talino at husay. Katunayan, si Jesus Nazareno ay hindi rin tinanggap bilang Mesiyas at Manunubos sapagkat kilala lamang nila Siya bilang anak ng karpinterong si San Jose. 

Labis na nasaktan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa hindi pagtanggap ng mga taga-Nazaret sa Kaniya. Subalit, sa kabila ng hindi pagtanggap sa Kaniya ng Kaniyang mga kababayan sa Nazaret, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi tumigil sa pagtupad ng Kaniyang misyon at tungkulin bilang ipinangakong Mesiyas. Katunayan, nasusulat sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo na hindi Siya gumawa ng maraming kababalaghan sa Nazaret (Mateo 13, 54). Gumawa pa rin Siya ng mga himala noong umuwi Siya sa Nazaret. Kaunti nga lamang. 

Bagamat kakaunti ang himalang ginawa ng Panginoong Jesus Nazareno sa Nazaret, ipinasiya pa rin Niyang gawin ito. Gaya ng sabi ni Apostol San Pablo sa alternatibong Unang Pagbasa para sa araw na ito na inilaan ng Simbahan upang pagnilayan at gunitain ang pagiging manggagawa ni San Jose na hinirang ng Diyos upang maging butihing kabiyak ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at ama-amahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno: "Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang magaan sa kalooban na waring hindi sa tao kayo naglilingkod kundi sa Panginoon" (Colosas 3, 23). Ito ang ginawa ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Bagamat hindi Niya kinailangang gumawa ng himala sa Nazaret, gumawa pa rin Siya ng kaunti. Hindi rin ito pilit. Bagkus, kusang-loob pa rin Niya itong ginawa sapagkat ang tangi Niyang pinaglilingkuran ay walang iba kundi ang Amang nasa langit. Isa pa, kahit hindi Siya tinanggap ng Kaniyang mga kababayan sa Nazaret, minamahal pa rin Niya sila. Kaya, kusang-loob pa rin Siyang gumawa ng kaunting himala para sa ikaliligtas ng kanilang mga kaluluwa. Iyon nga lamang, sila na mismo ang magpapasiya kung ang biyayang ito na kaloob sa kanila ng Mahal na Poon ay kanilang tatanggapin. 

Dahil sa pag-ibig ni San Jose para sa Mahal na Inang si Mariang Birhen at sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, tiniis niya ang lahat ng mga hirap at sakit dulot sa kaniya ng kaniyang hanap-buhay bilang isang karpintero. Tiniis niya ang init at pagod alang-alang sa kaniyang pamilya. Dahil naman sa dakilang pag-ibig ng unang manggagawa na walang iba kundi ang Diyos, dumating sa mundong ito ang Salitang nagkatawang-tao na si Jesus Nazareno upang iligtas tayo mula sa kasalanan sa pamamagitan ng maluwalhati Niyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento