21 Abril 2024
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay [B]
Linggo ng Mabuting Pastol
Mga Gawa 4, 8-12/Salmo 117/1 Juan 3, 1-2/Juan 10, 11-18
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1886 and 1894) The Good Shepherd by James Tissot (1836–1902), as well as the actual work of art itself from the European Art Collection of the Brooklyn Museum, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
Ang Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay inilaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Linggo ng Mabuting Pastol. Sa pamamagitan nito, tayong lahat ay binibigyan ng pagkakataong pagnilayan ang titulo ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno bilang Mabuting Pastol. Tayong lahat ay pinaalalanan sa Linggong ito kung sino nga ba ang dapat nating sundin bilang ating Pastol at Hari. Isa lamang ang dapat nating sundan - ang Mabuting Pastol na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na bumuo sa tunay at nag-iisang Simbahan.
Nakasentro sa pag-ibig ng Mabuting Pastol na si Jesus Nazareno ang mga Pagbasa para sa Linggong ito. Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pedro na tinupad ng Muling Nabuhay na si Jesus Nazareno ang ipinangako ng Diyos sa Lumang Tipan. Sa kabila ng pagtatakwil sa Kaniya na naging pangunahing dahilan kung bakit ipinapatay Siya ng Kaniyang mga kaaway, hindi Siya nanatiling patay sa libingan. Katunayan, pati ang kamatayan mismo, hindi Siya kinaya. Bagkus, nang sumapit ang ikatlong araw, bumangon nang matagumpay at lumabas mula sa libingan si Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Matapos mamatay sa Krus na Banal, nabuhay na mag-uli si Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, tinupad ni Jesus Nazareno ang Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Inilarawan naman sa isa sa mga taludtod sa Salmong Tugunan ang dahilan kung bakit - ang Kaniyang dakilang pag-ibig na napakatatag (Salmo 117, 1). Katunayan, sa pag-ibig ng Diyos na nahayag sa lahat sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno nakatuon ang simula ng pangaral ni Apostol San Juan, ang alagad na minamahal, sa Ikalawang Pagbasa. Sa Ebanghelyo, malakas na inihayag ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na Siya mismo ay ang Mabuting Pastol. Inilarawan rin Niyang kusang-loob Niyang ihahandog ang buo Niyang sarili alang-alang sa Kaniyang kawan (Juan 10, 11). Pinatunayan ito ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ng Senor.
Ipinasiya ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na akuin tayo bilang Kaniyang kawan dahil sa Kaniyang pag-ibig. Bilang Diyos ng mga hukbo, hindi naman kailangan ng Poong Jesus Nazareno ng kawan para pangasiwaan ito. Maaabala lamang Siya, sa totoo lamang. Abala lamang tayo sa Kaniya. Walang obligasyon sa atin ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Dahil dito, hindi Niya kailangan tayong iligtas.
Subalit, kahit wala Siyang obligasyon iligtas tayo, ipinasiya pa rin tayong iligtas at palayain ng Mahal na Poong Jesus Nazareno mula sa kasalanan at kamatayan. Ang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagdulot ng kaligtasan sa atin. Pinatunayan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang dakilang pag-ibig para sa atin sa pamamagitan nito. Inako Niya tayo bilang Kaniyang mga tupa sa pamamagitan ng Kaniyang Misteryo Paskwal dahil tunay Niya tayong iniibig at kinahahabagan.
Dahil sa dakilang pag-ibig ng Mabuting Pastol na si Jesus Nazareno para sa bawat isa sa atin, tayong lahat ay ipinasiya Niyang iligtas. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng Kaniyang Misteryo Paskwal, ang Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan nito, bagamat hindi tayo karapat-dapat, pinagindapat Niyang maging bahagi ng Kaniyang kawan ang bawat isa sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento