Sabado, Abril 13, 2024

BAGONG BUHAY NA KALOOB NG TINAPAY MULA SA LANGIT

19 Abril 2024 
Biyernes sa Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay 
Mga Gawa 9, 1-20/Salmo 116/Juan 6, 52-59 

SCREENSHOT: #QuiapoChurch | THE SACRED PASCHAL TRIDUUM | #HolySaturday at The #EasterVigil in the Holy Night (March 30, 2024 - Saturday - Facebook and YouTube)


"Ang kumakain ng Aking laman at umiinom ng Aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli Ko siyang bubuhayin sa huling araw" (Juan 6, 54). Sa mga salitang ito na malakas na binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa mga Hudyo sa sinagoga sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito nakasentro ang pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Habang patuloy nating ipinagdiriwang nang may taos-pusong galak sa ating mga puso at isipan ang maluwalhating tagumpay ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno bilang mga bumubuo ng Kaniyang Simbahan, ang bawat isa sa atin ay inaaanyayahang pagnilayan ang mga biyayang Kaniyang kaloob.

Sa araw na ito, inaanyayahan tayo ng Simbahan na pagnilayan ang biyaya ng bagong buhay na kaloob sa atin ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Katunayan, ito ang ipinagkakaloob sa atin araw-araw sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa. Laging dumarating ang Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno sa anyo ng tinapay at alak sa Banal na Misa upang ipagkaloob sa bawat isa sa atin ang biyaya ng bagong buhay na nagmumula sa Kaniya. Ibinibigay Niya ang Kaniyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inumin sa Banal na Misa upang tayong lahat ay maging banal katulad Niya. Sa pamamagitan nito, binibigyan tayo ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno ng pagkakataong maging Kaniyang mga salamin sa mundong ito upang lalo pang dumami ang bilang ng mga tao dito sa lupa na makakakilala sa Kaniya. Ito ang pinakamabisang paraan ng pagpapatotoo tungkol sa Kaniya. 

Tampok sa salaysay sa Unang Pagbasa ang pagbabagong-buhay ni Saulo na tiyak na mas kilala ng marami bilang si Apostol San Pablo sa daan patungong Damasco. Bago nakatagpo ni Apostol San Pablo ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa daan patungong Damasco, si Saulo na kilala rin ng nakararami bilang si Apostol San Pablo ay isang masigasig na taga-usig ng mga sinaunang Kristiyano. Katunayan, ito ang pangunahing layunin ng pagtungo ni Saulo sa Damasco. Subalit, ang lahat ng iyon ay nagbago nang kaniyang makatagpo sa daan patungong Damasco ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay nagpasiyang magpakita kay Saulo na kilala rin bilang si Apostol San Pablo upang ipagkaloob sa kaniya ang biyaya ng bagong buhay na nagmumula sa Kaniya. 

Inilarawan naman sa Salmong Tugunan ang bagong buhay na ipinagkakaloob sa lahat ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Katunayan, ang mga salita sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ay ang mga mismong salitang namutawi mula sa mga labi ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno bago Siya umakyat sa langit. Ang mga salitang ito ay ang bilin ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa mga apostol. Inutusan Niya silang ipalaganap ang Mabuting Balita ng kaligtasan. 

Lagi tayong pinagkakalooban ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ng pagkakataong tanggapin ang biyaya ng bagong buhay na nagmumula sa Kaniya. Ang bagong buhay na ito ay isang buhay bilang Kaniyang mga salamin sa mundo. Kapag ito ang ipinasiya nating tanggapin nang bukal sa ating mga puso, tinatanggap natin ang ating misyon at tungkulin bilang mga Kristiyanong bumubuo sa Simbahang Siya mismo ang nagtatag.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento