Biyernes, Abril 19, 2024

SIYA ANG GUMAWA NG PARAAN PARA SA ATIN

26 Abril 2024 
Biyernes sa Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay 
Mga Gawa 13, 26-33/Salmo 2/Juan 14, 1-6 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1805) The Resurrection by Benjamin West (1738–1820), as well as the actual work of art itself from the Cantor Art Center, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 


"Ako ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan Ko" (Juan 14, 6). Sa mga salitang ito na binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga apostol sa Ebanghelyo para sa araw na ito nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na makakapunta lamang ang lahat sa Ama sa pamamagitan lamang Niya. Walang ibang daan, landas, o paraan kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno lamang. Bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan, biniyayaan tayo ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ng daan at landas patungo sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit. Ang daang ito ay walang iba kundi Siya mismo na Siya ring katotohanan at buhay ng lahat. 

Habang patuloy nating ipinagdiriwang nang buong galak bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahan ang maluwalhating tagumpay ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ang nagtatag ng Simbahang kinabibilangan natin, sa panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, ipinapaalala sa atin ng Simbahan kung sino nga ba ang Mahal na Poon. Ang Panginoong Jesus Nazareno ay hindi isang karaniwang tao lamang. Oo, tunay Siyang tao. Subalit, hindi lamang Siya tunay na tao. Bagkus, tunay Siyang Diyos. Alam naman natin iyon bilang mga bumubuo ng Kaniyang Simbahang mahal dito sa lupa. Si Jesus Nazareno ay tunay na Diyos at tunay na tao. 

Nakasentro sa katotohanang ito ng pagkakilanlan ng Panginoong Jesus Nazareno ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Unang Pagbasa. Inihayag ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral sa sinagoga sa Unang Pagbasa na tinupad sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Jesus Nazareno ang pangakong binitiwan ng Diyos sa Matandang Tipan. Hindi kinalimutan ng Panginoong Diyos ang Kaniyang pangako. Tinupad Niya ito nang sumapit ang panahong Kaniyang itinakda sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak na Diyos rin katulad Niya na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Ang katotohanang ito tungkol sa pagkakilanlan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ay ang paksa o tema ng pagpapatotoo ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Ang Poong Jesus Nazareno mismo ay ang katuparan ng pangako ng Diyos. 

Paulit-ulit na ipinangako ng Diyos sa Lumang Tipan na isusugo Niya sa mundong ito ang Mesiyas na magliligtas sa lahat. Ang pangakong ito ay tinupad Niya sa panahong Kaniyang itinakda sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng pagligtas ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa atin, tayong lahat ay nagkaroon ng daan patungo sa langit na walang iba kundi Siya mismo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento