Huwebes, Abril 11, 2024

SA LANGIT NAGMULA

12 Abril 2024 
Biyernes sa Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay 
Mga Gawa 5, 34-42/Salmo 26/Juan 6, 1-15 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1737-1739) Polski: Cudowne rozmnożenie chleba by Szymon Czechowicz (1689–1775), as well as the actual work of art itself from the Kościół parafialny pw. Trójcy Przenajświętszej, Ciechanowiec, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. It is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.

Malakas na binigkas ni Gamaliel sa Sanedrin ang mga salitang ito tungkol sa mga apostol at sa kanilang ministeryo sa Unang Pagbasa: "Kung ang kanilang panukala o pagpupunyaging ito'y mula sa tao, ito'y mabibigo. Ngunit kung mula sa Diyos, hindi ninyo ito masasansala at lilitaw pang lumalaban kayo sa Diyos!" (Mga Gawa 5, 38-39). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ipinagtanggol ni Gamaliel ang mga apostol at ang iba pang mga bumubuo sa sinaunang Simbahan. Ang mga salitang binigkas ni Gamaliel nang buong linaw at lakas ay isang mahigpit na babala laban sa pag-uusig sa Simbahan. Binabalaan ni Gamaliel ang Sanedrin na maaari sila mapahamak kung itutuloy nila ang pag-uusig sa sinaunang Simbahan. Mas mainam para sa Sanedrin na itigil ang pag-uusig sa Simbahan upang hindi sila mapahamak.

Inilarawan sa wakas ng salaysay sa Unang Pagbasa kung ano ang ginawa ng mga apostol matapos silang palayain ng Sanedrin. Hindi sila tumigil sa pagsaksi sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Patuloy silang nagpatotoo tungkol sa Kaniya sa lahat ng mga tao. Sinikap nila Siyang ipakilala sa lahat saan man sila nagtungo. Ang mga apostol ay hindi natakot mangaral at magpatotoo tungkol sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang nagkatawang-taong Bugtong na Anak ng Diyos na gumawa ng isang kahanga-hangang himala para sa mahigit na limang libong katao sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Pinarami Niya ang limang tinapay at dalawang isda para sa mahigit limang-libong katao. Kung tutuusin, ang kahanga-hangang milagrong ito ay ginawa Niya bago Siya nagtungo sa Herusalem upang tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kaniyang Misteryo Paskwal na binubuo ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. 

Ang mga salita sa Salmong Tugunan ay isinabuhay ng mga apostol. Buong lakas at pananalig na inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa araw na ito: "Ang tanging aking mithii'y Panginoo'y makapiling" (Salmo 26, 4ab). Ang mga salitang ito ay ipinasiyang isabuhay ng mga apostol sa pamamagitan ng pagiging mga tapat at masigasig na saksi ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Hindi lamang nais ng mga apostol na sila lamang ang makasama ng Muling Nabuhay na si Jesus Nazareno sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit. Bagkus, nais rin nilang makasama roon ang lahat ng mga tao mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit hindi sila tumigil sa pagpapatotoo tungkol sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno kahit kailan. Sa kabila ng mga matitinding pag-uusig, hirap, at pagsubok, hindi sila tumigil sa pagpapatotoo kay Jesus Nazareno. Hanggang ngayon, patuloy pa rin itong ginagawa ng Simbahan. 

Nais ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno na makapiling Niya tayo sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit. Ito rin ang nais ng Inang Simbahan para sa lahat. Ito rin ba ang hangarin natin? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento