Sabado, Abril 27, 2024

PINAKAMABISANG PAMAMARAAN NG PAGSAKSI

5 Mayo 2024 
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay [B] 
Mga Gawa 10, 25-26. 34-35. 44-48/Salmo 97/1 Juan 4, 7-10/Juan 15, 9-17 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1510) Risen Christ by Andrea Previtali  (–1528) from the Rhode Island School of Design Museum, is made available under the Creative Commons CC0 1.0 Universal Public Domain Dedication



"Kung paanong iniibig Ako ng Ama, gayon din naman, iniibig Ko kayo; manatili kayo sa Aking pag-ibig" (Juan 15, 9). Sa mga salitang ito mula sa pangaral ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno na inilahad sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito nakasentro ang pagdiriwang ng Simbahan sa Linggong ito. Ang bawat isa sa atin ay inaanyayahan ng Simbahan sa Linggong ito na pagnilayan ang dakilang pag-ibig ng Panginoong Diyos habang patuloy nating ipinagdiriwang bilang Simbahan ang maluwalhating tagumpay ng dakilang pag-ibig ng Diyos na inihayag sa lahat sa pamamagitan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ang Misteryo Paskwal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang pinakadakilang larawan ng pag-ibig ng Diyos.

Isa lamang ang nais isalungguhit ng mga Pagbasa para sa Linggong ito sa panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, tayong lahat ay Kaniyang iniligtas mula sa mga puwersa ng kasalanan at kamatayang umaalipin sa atin sa loob ng napakahabang panahon sa pamamagitan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Pinatunayan ng Diyos ang Kaniyang dakilang pag-ibig para sa atin sa pamamagitan nito. 

Sa Unang Pagbasa, ipinagkaloob ng Espiritu Santo sa mga nakikinig sa pangaral ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro sa bahay ng Romanong si Cornelio ang Kaniyang mga biyaya. Pumunta roon si Apostol San Pedro bilang saksi ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno. Bilang saksi ni Jesus Nazareno, ipinalaganap ni Apostol San Pedro ang Kaniyang dakilang pag-ibig para sa lahat sa pamamagitan ng pangangaral tungkol sa Kaniya. Sa Ikalawang Pagbasa, ipinasiya ni Apostol San Juan na isentro ang kaniyang pangaral sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Isa lamang ang layunin ni Apostol San Juan - isalungguhit kung ano ang dapat nating gawin bilang mga bumubuo ng tunay na Simbahang itinatag ni Kristo. Dapat tayong mag-ibigan dahil ang Diyos ay pag-ibig (1 Juan 4, 7-8).

Ang mga salitang inihayag ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito ay isang paalala para sa ating lahat na bumubuo sa Simbahang tatag mismo ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno: "Panginoong nagliligtas sa tanang bansa'y nahayag" (Salmo 97, 2b). Ito ang dapat nating gawin sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa. Maging mga tapat na saksi ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Bilang mga saksi ng Nazareno, dapat nating ipalaganap ang Kaniyang dakilang pag-ibig. 

Tunay nga ba nating iniibig ang Mahal na Poong Jesus Nazareno? Mag-ibigan tayo katulad Niya na nagpasiyang ibigin tayo. Sa pamamagitan nito, pinapatunayan natin ang ating taos-pusong pagtanggap sa Kaniyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat na ipinasiya Niyang iligtas sa pamamagitan ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. Ito ang pinakamabisang pamamaraan ng pagsaksi sa Kaniya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento