Linggo, Abril 7, 2024

BUNGA NG KANIYANG "OO"

8 Abril 2024 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon 
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 1, 26-38 

This faithful photographic of the painting (c. 1600) Zwiastowanie Marii (Polski) by Jakub Mertens (–1609), as well as the actual work of art itself from the Bazylika Wniebowzięcia Najświętszej Marii Panny w Krakowie, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.

Kapag tumapat sa mga Mahal na Araw o sa isa sa mga araw sa loob ng Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ang ika-25 ng Marso, inililipat ng Simbahan ang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon sa Lunes sa Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay. Ang nasabing pagdiriwang ay nakasentro sa pagbabalita ng Arkanghel na si San Gabriel sa Mahal na Birheng Maria tungkol sa paghirang ng Diyos sa kaniya upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Jesus Nazareno, ang Mahal na Poong nagpakasakit at namatay sa Krus na Banal at nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw. 

Tiyak na maraming ulit nating napakinggan ang salaysay ng mahalagang kaganapang ito. Alam natin kung paano nagtapos ang salaysay ng kaganapang ito dahil tiyak na maraming ulit natin napakinggan ito, lalung-lalo na tuwing sasapit ang panahon ng Adbiyento. Subalit, dahil tiyak na ilang ulit nating narinig ang salaysay ng mahalagang kaganapang ito, tiyak na mayroong mga pagkakataong hindi natin itong binibigyan ng halaga. Hindi tayo naglalaan ng panahon upang muling sariwain ang halaga nito dahil sa sobrang pamilyar ng kaganapang ito. 

Ang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahang ito ay inilaan ng Simbahan upang bigyan tayo ng pagkakataong mamulat sa kahagalahan ng kaganapang ito sa kasaysayan ng pagligtas ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Diyos sa lahat. Katunayan, habang buong kataimtiman nating sinasaliksik at pinagninilayan bilang Simbahan ang halaga ng kaganapang ito na inilahad sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo, inaanyayahan tayo ng Simbahan na saliksikin at pagnilayan rin ang mga nasusulat sa Unang Pagbasa, sa Salmong Tugunan, at sa Ikalawang Pagbasa para sa Dakilang Kapistahang ito. Makakatulong ito sa ating pagsasaliksik at pagninilay sa halaga ng kaganapang itinatampok sa araw na ito. 

Sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay nagbitiw ng isang pangako sa Kaniyang bayan. Ipagkakaloob ng Diyos sa lahat ang biyaya ng Kaniyang pagliligtas na darating pagsapit ng takdang panahon sa pamamagitan ng sanggol na lalaking isisilang ng isang dalaga na kikilalanin sa tawag na Emmanuel (Isaias 8, 10). Ang mga salita ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ay nakasentro rin sa pangako binitiwan ng Diyos sa Unang Pagbasa. Katunayan, ang prespektibo ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay ipinasilip ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Nakasentro rin sa prespektibo ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi si Jesus Nazareno ang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Bilang ipinangakong Mesiyas na kaloob ng Diyos, ibinigay ni Jesus Nazareno ang Kaniyang "Oo" sa Ama. 

Itinampok sa araw na ito ang "Oo" ng Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos para sa kaniya. Ang bunga ng "Oo" ng Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos ay ang kaligtasan ng sangkatauhan sa pamamagitan ng ipinangakong Manunubos at Mesiyas na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng kaniyang "Oo" sa kalooban ng Diyos, pinahintulutan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang Diyos na isakatuparan ang Kaniyang loobin. Tinanggap ni Maria nang may taos-pusong kababaang-loob at pananalig ang papel na ibinigay sa kaniya ng Diyos. Dahil dito, itinuloy ng Diyos ang pagsasakatuparan ng Kaniyang pangako sa lahat na sumasalamin sa Kaniyang plano, naisin, at loobin. 

Noon pa man, niloob ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Katunayan, Siya mismo ang unang nagbigay ng "Oo" sa planong iligtas at palayain ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan. Ang patunay nito ay walang iba kundi ang Kaniyang mga binitiwang pangako sa Lumang Tipan gaya na lamang ng itinampok sa propesiya sa Unang Pagbasa. Hindi Siya nagdalawang-isip na iligtas tayo. Ito ang bukod-tanging dahilan kung bakit dumating bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ang Poong Jesus Nazareno na Kaniyang Bugtong na Anak. 

Dahil sa "Oo" ng Mahal na Birheng Maria, itinuloy ng Diyos ang Kaniyang planong iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kaya, natuwa nang labis ang Diyos nang ibigay ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang kaniyang matamis na "Oo" bilang pagtanggap sa papel at misyong ibinigay sa kaniya - ang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Ito ang bunga ng "Oo" ng Mahal na Birheng Maria. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento