Biyernes, Abril 5, 2024

KAHIT ANONG MANGYARI

6 Abril 2024 
Sabado sa Walong Araw na Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 4, 13-21/Salmo 117/Marcos 16, 9-15 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1886 and 1894) The Appearance of Christ at the Cenacle by James Tissot (1836–1902), as well as the actual work of art itself from the European art collection of the Brooklyn Museum, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

"Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita't narinig" (Mga Gawa 4, 20). Sa mga salitang ito na binigkas nina Apostol San Pedro at San Juan sa Sanedrin bago sila tuluyang palayain sa Unang Pagbasa nakatuon ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Ito ang patuloy na ginagawa ng Simbahan sa kasalukuyang panahon, lalung-lalo na sa panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno. Buong galak na ipinapahayag at pinatotohanan ng Simbahan na nabuhay na mag-uli ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Nagtagumpay ang Diyos laban sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Ito ang dahilan kung bakit ang Simbahan ay nagdiriwang nang buong galak. Katunayan, ito rin ang dahilan kung bakit nananalig at sumasampalataya pa rin ang Simbahan kay Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Bagamat sinubukan ng Sanedrin na patahimikin ang dalawang apostol na ito na sina Apostol San Pedro, ang unang Santo Papa ng Simbahan, at Apostol San Juan, ang minamahal na alagad ng Panginoong Jesus Nazareno, at pati na rin ang iba pang mga bumubuo sa sinaunang Simbahan sa pangangaral at pagpapatotoo tungkol sa Mahal na Poon, hindi sila nagtagumpay. Naging malinaw para sa Sanedrin na hindi takot sa kamatayan ang mga apostol at ang iba pang mga bumubuo sa sinaunang Simbahan alang-alang sa Poong Nazareno. Handa silang panindigan ang kanilang pananalig at pananampalataya sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno kahit na sarili nilang buhay sa mundong ito ang magiging kapalit nito. Paninindigan nila nang buong galak, katapatan, at kagitingan ang kanilang pananalig at pananampalataya sa Nazarenong si Kristo Hesus na Muling Nabuhay hanggang kamatayan. 

Isinalamin ng mga salitang binigkas nina Apostol San Pedro at San Juan sa Sanedrin sa Unang Pagbasa ang galak at pananalig ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Kung paanong pinanindigan ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang kaniyang taos-pusong pagpupuri, pasasalamat, at pagsamba sa Diyos nang buong pananalig at galak, gayon din naman, buong pananalig at galak na handang ibuwis nina Apostol San Pedro at San Juan at pati ang iba pang mga bumubuo sa Simbahan ang kanilang buhay dito sa mundo alang-alang sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na nanggaling sa Diyos. Mananatili pa rin silang tapat sa Mahal na Poong Jesus Nazareno hanggang sa huli, anuman ang mangyari. 

Ang pasiya ng mga apostol gaya ng dalawang apostol na sina Apostol San Pedro at San Juan sa Unang Pagbasa at maging ng iba pang mga bumubuo sa Simbahan na tuparin ang bilin ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay ang kanilang paraan ng paghahandog ng taos-pusong papuri, pasasalamat, at pagsamba nang buong galak, pananalig, at pananampalataya sa Kaniya. Kahit na hindi nila ito pinaniwalaan noong una itong ibalita sa kanila nina Santa Maria Magdalena at pati na rin ng dalawa sa kanilang kasamahang naglalakbay patungo sa bukid na nakakita sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ipinasiya pa rin ng Muling Nabuhay na si Jesus Nazareno na hirangin sila bilang maging Kaniyang mga saksi. Tinanggap nang buong puso ang misyong ito na bigay ng Poon. Isang patunay nito ay ang ipinasiyang gawin ng dalawang apostol sa kabila ng pag-uusig sa kanila. 

Sa kabila ng pag-uusig, nanatili pa ring tapat sa misyong ibinigay ng Mahal na Poon ang mga apostol gaya nina Apostol San Pedro at San Juan sa Unang Pagbasa at ang buong Simbahan. Anuman ang nangyari sa kanila, hindi sila tumigil sa paghahatid at pagpapalaganap ng Mabuting Balita, pagpapatotoo tungkol sa Muling Nabuhay na si Jesus Nazareno, at pagbabahagi ng biyayang Kaniyang kaloob. Kahit kailan, hindi sila tumigil. Hanggang ngayon, patuloy itong ginagawa ng Simbahan. 

Pinatunayan ng mga apostol at ng mga sumunod sa kanila sa Simbahan ang kanilang taos-pusong pananalig at katapatan sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Hanggang ngayon, patuloy pa rin itong isinasagawa ng Simbahan. Maging tapat rin nawa tayo sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Ibahagi at ipalaganap natin ang mga biyayang dulot ng Kaniyang maluwalhating tagumpay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento