Sabado, Abril 6, 2024

TAOS-PUSONG PANANALIG SA MABATHALANG AWA

7 Abril 2024 
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay [B] 
Kapistahan ng Mabathalang Awa
Mga Gawa 4, 32-35/Salmo 117/1 Juan 5, 1-6/Juan 20, 19-30 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1620) Incrédulo Tomás by Bernardo Strozzi (1581–1644), as well as the actual work of art itself from the Museo de Arte de Ponce, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 


Nagsimula sa pamamagitan ng mga salitang ito ang Unang Pagbasa: "Nagkaisa ang damdami't isipan ng lahat ng sumasampalataya at itinuring ninuman na sarili niya ang kaniyang mga ari-arian, kundi para sa lahat" (Mga Gawa 4, 32). Marahil may mga magtataka kung ano ang ugnayan ng mga salitang ito sa simula ng Unang Pagbasa para sa araw na ito, ang Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay na inilaan rin para sa Kapistahan ng Mabathalang Awa. Ano ang kinalaman ng mga salitang ito sa pagpapatuloy ng masayang pagdiriwang at paggunita sa dakilang tagumpay ni Jesus Nazareno na inihayag ng Kaniyang Muling Pagkabuhay? 

Inilarawan rin sa Unang Pagbasa kung bakit nila ito ginawa. Nasasaad rin sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito: "Ang mga apostol ay patuloy na gumagawa ng kababalaghan at nagpapatotoo sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus" (Mga Gawa 4, 33). Ang mga kababalaghang ginawa ng mga apostol sa Ngalan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno at ang kanilang patuloy na pagsaksi sa Kaniya na nagligtas sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Kaniyang Krus na Banal at ang maluwalhati Niyang Muling Pagkabuhay ang pumukaw sa lahat ng mga bumuo sa sinaunang Simbahan, mga sinaunang Kristiyano, na mag-ibigan at ituring ang isa't isa bilang mga kapatid at kapamilya kay Kristo. Dahil naakit sila sa dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na nagligtas sa tanan sa pamamagitan ng Kaniyang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay, ipinasiya ng mga sinaunang Kristiyano na magkaisa. Ipinasiya nilang iugnay ang kanilang mga puso at diwa sa isa't isa bilang paghahayag ng kanilang pagpanig sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Ang Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay inilaan para sa taunang pagdiriwang ng Kapistahan ng Mabathalang Awa. Malaki ang ugnayan ng Banal na Krus at Muling Pagkabuhay sa misteryo ng Mabathalang Awa. Katunayan, ang bukod tanging dahilan kung bakit ang Diyos ay nagpasiyang tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay walang iba kundi ang Kaniyang Mabathalang Awa. Ito ang dahilan kung bakit ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ilang ulit na nagsalita tungkol sa Kaniyang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus na Banal sa mga pagkakataong magpapakita Siya kay Santa Faustina upang ipakilala sa lingkod Niyang ito ang debosyon sa Kaniyang Mabathalang Awa. 

Sa dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno nakasentro ang pangaral ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa. Inilarawan ni Apostol San Juan sa kaniyang pangaral tungkol sa nasabing paksa na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa kung paano mapapatunayan ang ating taos-pusong pananalig sa Mabathalang Awa ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Ang lahat ng mga utos at loobin ng Panginoong Diyos ay dapat nating tanggapin, tuparin, at isabuhay nang buong puso at nang buong sarili. Kapag ito ang ating ipinasiyang gawin, pinatutunayan nating isinasabuhay natin ang mga salitang nakaukit sa mga larawan ng Mabathalang Awa: "Hesus, ako ay nananalig sa Iyo!" Ang pagsunod sa kalooban ng Panginoon ay ang pinakamabisang patunay tunay nga tayong nananalig nang buong katapatan sa Mabathalang Awa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito ang dalawang pagpapakita ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno sa mga apostol. Sa Kaniyang unang pagpapakita sa mga alagad, wala si Apostol Santo Tomas. Kung tutuusin, hindi kinailangan ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno na magpakita uli sa mga apostol, lalung-lalo na kay Apostol Santo Tomas. Maaari Siyang magpakita sa mga apostol isang beses lamang. Tapos noon, hindi na Niya ulitin. Kawawa ang mga wala sa kaisa-isang pagkakataong nagpakita Siya sa mga alagad. Subalit, ipinasiya pa rin ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno na pagbigyan ang hiling at samo ni Apostol Santo Tomas. Ang mga salitang binigkas ni Apostol Santo Tomas nang makita niya si Jesus Nazareno na Muling Nabuhay ay isang pagpapahayag ng kaniyang taos-pusong pananalig at tiwala: "Panginoon ko at Diyos ko!" (Juan 20, 28). Ipinahayag ni Apostol Santo Tomas sa pamamagitan ng mga salitang ito na kaniyang binigkas ang kaniyang pagka-akit sa Mabathalang Awa ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Lagi tayong binibigyan ng pagkakataong ipahayag ang ating taos-pusong pananalig sa Mabathalang Awa ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno. Araw-araw tayong inaakit ng Mabathalang Awa ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na manalig sa Kaniya nang bukal sa ating kalooban. Mapapatunayan natin ang taos-puso nating pananalig sa Kaniya sa pamamagitan ng pagtupad at pagtalima sa lahat ng Kaniyang mga utos, atas, at loobin nang buong katapatan. 

Pinananaligan nga ba natin ang Panginoon at Hari ng Mabathalang Awa na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno? Tuparin natin ang Kaniyang mga utos, atas, at loobin. Isabuhay natin ang ating pananalig sa Kaniya. 

"Hesus, ako ay nananalig sa Iyo!" 

Divine Mercy (Robert Skemp image), 1982, Fair Use.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento