Biyernes, Abril 12, 2024

MAGING KANIYANG MGA SAKSI

14 Abril 2024 
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay [B] 
Mga Gawa 3, 13-15. 17-19/Salmo 4/1 Juan 2, 1-5a/Lucas 24, 35-48

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between circa 1625 and circa 1626) The Appearance of Christ to his Disciples by Anthony van Dyck (1599–1641), as well as the actual work of art itself from the Hermitage Museum in Saint Petersburg, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 

Ang Ebanghelyo para sa Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay tungkol sa isa sa mga pagpapakita ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno sa mga apostol. Nang magpakita Siya sa mga apostol, ibinahagi ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang biyaya ng Kaniyang kapayapaan sa kanila. Bukod pa rito, ipinaliwanag rin ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ang dahilan kung bakit Siya namatay sa Banal na Krus at Muling Pagkabuhay. Ito ang tanging dahilan kung bakit ang Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno ay kusang-loob na nagpasiyang tumungo sa Herusalem upang tuparin ang misyon at tungkulin bigay ng Diyos sa Kaniya bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Layunin ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na bigyan ng paglilinaw ang mga nangyari sa Kaniya sa Herusalem. Ang Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno ay naglaan ng kaunting panahon upang ipaliwanag sa mga apostol kung bakit kinailangan Niyang harapin, tiisin, at batain ang mapait na pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus na Banal. Isa itong bahagi ng Kaniyang pangunahing misyon at tungkulin bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Kung ang Banal na Krus ay hindi hinarap at tiniis ng Poong Jesus Nazareno,, wala ring Muling Pagkabuhay. 

Gaya ng Kaniyang ginawa para sa mga apostol sa Ebanghelyo, ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay naglalaan rin ng panahon upang linawin ang ating mga puso at isipan at mamangha sa ganda ng Misteryo Paskwal. Sa pamamagitan nito, tinupad ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang hiling ng mga may pusong katulad na lamang ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Nakasentro sa liwanag na kaloob ng Diyos ang mga salitang inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito. 

Itinuturo sa atin sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito na hindi dapat sarilinin ang liwanag na kaloob ni Kristo. Bagkus, ang liwanag na ito ay nararapat lamang ibahagi at ipalaganap sa lahat. Sa Unang Pagbasa, buong lakas, sigasig, at pananalig na pinatotohanan ng unang Santo Papa ng Inang Simbahan na walang iba kundi si Apostol San Pedro kung paanong dumating ang biyaya ng tunay na kaligtasan, kalayaan, at liwanag sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Dumating Siya bilang pinakadakilang kaloob ng Diyos. Ito rin ang ipinasiyang gawin ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa. Sa pangaral na ito, ipinasiya ni Apostol San Juan na isalungguhit ang halaga ng paghahandog ng sarili ng Poong Jesus Nazareno para sa buong sangkatauhan.

Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa Simbahang itinatag mismo ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, hindi natin dapat sarilinin ang biyaya ng tunay na liwanag, kaligtasan, at kalayaang Kaniyang kaloob. Ito ang dapat nating ibahagi at ipalaganap sa lahat. Sa pamamagitan nito, ang Panginoong Diyos ay makikilala ng marami bilang Diyos na mahabagin at mapagmahal. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento