Huwebes, Pebrero 22, 2018

PANGUNAHING MENSAHE NG MABUTING BALITA

11 Marso 2018 
Ikaapat na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
2 Cronica 36, 14-16. 19-23/Salmo 136/Efeso 2, 4-10/Juan 3, 14-21 


Sa Ebanghelyo, itinampok ang pinakapopular na talata sa Banal na Bibliya. Sa talatang ito nilagom ang Mabuting Balita. Matatagpuan sa talatang ito ang pangunahing mensahe ng Mabuting Balita. Sa talatang ito inilarawan kung bakit ang Diyos ay nagpasiyang tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristong Panginoon at Tagapagligtas. Sa talatang ito'y inihayag na pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo Hesus. At iyan ang pangunahing mensahe ng Mabuting Balita. Iyan ang pinakamaikling bersyon ng Mabuting Balita. 

Ang pag-ibig ng Diyos ang paksa ng patotoo ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso (2, 4-10). Katulad ng kanyang mga kapwa-apostol at misyonero, itinuro ni Apostol San Pablo sa lahat ng tao mula sa iba't ibang dako ang Magandang Balita tungkol sa dakilang pag-ibig ng Diyos na inihayag sa pamamagitan ni Hesus. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, ipinasiya ng Diyos na bumaba mula sa Kanyang maluwalhating kaharian sa kalangitan at magkatawang-tao sa pamamagitan ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo upang tubusin ang sangkatauhan. Ito ang pinakadakilang gawa ng Diyos na naghayag ng Kanyang dakilang pag-ibig na walang kapantay. 

Kahit na hindi tayo karapat-dapat maranasan ang dakilang pag-ibig ng Diyos dahil sa ating mga pagkakasala laban sa Kanya, ipinamalas at ibinahagi pa rin Niya ito sa atin. Sa kabila ng ating mga pagkakasala, hindi nauubusan ng pagmamahal ang Diyos para sa ating lahat. Patuloy pa rin tayong iniibig at kinakalinga ng Panginoon sa kabila ng ating mga kasalanan laban sa Kanya. Nagagalit Siya kapag tayo'y nagkakasala, subalit hindi iyon nangangahuluga'y hindi na Niya tayo iniibig. Ang kasalanan ay Kanyang kinasusuklaman, hindi ang nagkasala. Kahit pagsama-samahin ang mga kasalanan ng sangkatauhan, hindi mapapantayan ng mga ito ang dakilang pag-ibig ng Diyos na walang kapantay. Ang dakilang pag-ibig ng Diyos ay higit na makapangyarihan kaysa sa kapangyarihan ng kasalanan. 

Buhat pa sa pagsimula ng panahon, walang ibang ipinakita ng Diyos sa sangkatauhan kundi ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob. Kahit nalugmok ang sangkatauhan sa kasalanan dahil sa pagsuway nina Eba't Adan sa utos ng Diyos, patuloy pa rin Niyang ipinapakita't ipinapadama ang Kanyang dakilang pag-ibig sa sangkatauhan. Tulad ng salaysay sa Unang Pagbasa. Isinalaysay sa Unang Pagbasa kung paanong ipinakita ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang kapantay sa Kanyang bayang natapon sa Babilonia. Ang mga Israelita'y itinapon sa Babilonia dahil sa kabigatan ng kanilang mga pagkakasala laban sa Diyos. Subalit, kahit na ginalit nila ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga pagkakasala laban sa Kanya, hindi naglaho ang pag-ibig ng Diyos. Ipinangako Niya sa pamamagitan ni propeta Jeremias na pagkatapos ng pitumpung taon, makakabalik muli nang malaya ang mga Israelita sa kanilang bayan. 

Subalit, sa lahat ng mga ginawa ng Diyos na naghahayag ng Kanyang dakilang pag-ibig, walang makahihigit pa sa Kanyang kusang pagbibigay ng sarili para sa kaligtasan ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. Si Hesus ay bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin (maliban sa kasalanan) upang ihayag ang Magandang Balita tungkol sa dakilang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang misyon bilang Mesiyas at Manunubos ng lahat ng tao. Bilang Mesiyas at Manunubos, inalay ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus para sa ating kaligtasan. Sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, tinubos ng Panginoong Hesus ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagtubos sa sangkatauhan, inihayag ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan para sa sangkatauhan. At iyan ang pangunahing mensahe ng Mabuting Balita na ipinapangaral at pinatotohanan ng Simbahan magpahanggang ngayon. 

ANG NARARAPAT IBIGAY SA DIYOS

4 Marso 2018
Ikatlong Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B)
Exodo 20, 1-17 (o kaya: 20, 1-3. 7-8. 12-17)/Salmo 18/1 Corinto 1, 22-25/Juan 2, 13-25 


"Hindi na kailangang may magsalita pa [kay Hesus] tungkol sa kaninuman, sapagkat talastas Niya ang kalooban ng lahat ng tao." (2, 25) Sa pamamagitan ng mga salitang ito'y nagwakas ang salaysay ng Ebanghelyo ngayong Ikatlong Linggo ng Kuwaresma. Binigyang-diin ng Manunulat ng Mabuting Balitang si Apostol San Juan sa mga salitang ito ang pagka-Diyos ng Panginoong Hesus. Walang maililihim ang bawat tao sa Panginoong Hesus. Tunay na nababatid ni Hesus ang lahat tungkol sa bawat tao. Batid ni Hesus ang mga tunay na nilalaman ng puso't isipan ng bawat tao. Alam ni Hesus kung tunay ngang sinsero at totoo ang isang tao o kung nanlilinlang at nanamantala lamang siya. 

Isang halimbawa ng pagiging maalam ni Hesus tungkol sa tunay na nilalaman ng puso ng bawat tao ay ibinigay ng Ebanghelistang si Apostol San Juan sa unang bahagi ng Ebanghelyo. Nang makita ni Hesus ang mga nagtitinda at namimili sa loob ng Templo, nakita Niya ang kanilang mga tunay na intensyon. Nakita ni Hesus na hinahangad ng bawat mangangalakal sa Templo ang makakuha ng malaking kita mula sa kanilang mga paninda. Nakita ni Hesus na hinahangad ng mga namimili sa Templo na gampanan ang mga iniuutos sa kanila para lamang matapos iyon agad-agad at makabalik sa kanilang karaniwang pamumuhay. Nakita ni Hesus ang kawalan ng pagmamahal at paggalang sa Diyos sa kanilang mga puso't isipan. 

Labis na ikinagalit at ikinalungkot ng Panginoong Hesus ang kawalan ng pagmamahal, paggalang, at pananalig sa Diyos sa puso ng mga taong naroroon sa Templo na kanila namang isinasagawa. Ang Diyos ay hindi na nila sinasamba't minamahal. Hindi na ang Diyos ang nasa sentro ng kanilang buhay. Hindi na totoo, sinsero, ang kanilang pagsamba't pagmamahal sa Diyos. Ang mga ritwal na hinihingi ng Kautusan na gawin ay ginagawa nga nila subalit hindi nila ito ginagawa nang taos-puso. Kaya, nawawalan ng saysay ang kanilang pagtupad at pagsunod sa mga ritwal na iniatasan ng Kautusan dahil hindi sinsero ang kanilang mga intensyon sa pagtupad sa mga ito. Hindi bukal sa kanilang kalooban ang kanilang pagtupad sa Kautusan, ang kanilang pagmamahal at pagsamba sa Panginoong Diyos, dahil iba na ang diyos na kanilang sinasamba't minamahal. Iba na ang nasa sentro ng kanilang buhay. Wala na ang Diyos sa sentro ng kanilang buhay. 

Tumatalima nga sila sa mga utos ng Diyos, lalung-lalo na sa Sampung Utos ng Diyos na nakasaad sa Unang Pagbasa mula sa aklat ng Exodo (20, 1-17). Subalit, ang kanilang pagtalima't pagtupad sa mga ito ay sapilitan na lamang. Nakalimot sila sa tunay na layunin at diwa ng mga utos ng Diyos, lalung-lalo na ang Sampung Utos. Nakalimutan nila ang tunay na dahilan kung bakit ang Diyos ay nagbigay ng mga utos. Dahil diyan, ang kanilang pagsunod at pagtupad sa mga hinihingi ng Kautusan ay naging mga ritwal at gawaing hungkag. 

Walang ibang ipinakita't ipinadama ng Diyos kundi ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob. Ang pinakadakilang gawa ng Diyos na nagpakita ng Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ay ang Kanyang kusang pagbaba mula sa langit at pagkakatawang-tao sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus para sa kaligtasan ng lahat ng tao. Matapos gawin ng Diyos ang lahat para sa kaligtasan ng sangkatauhan, susuklian Siya sa ganitong pamamaraan?

Nakakalungkot isipin na patuloy itong nangyayari magpahanggang ngayon. Tinubos tayo ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob sa atin. Inalay ni Kristo ang Kanyang buhay sa krus para sa ating kaligtasan upang ihayag sa lahat kung gaano tayo kahalaga sa paningin ng Diyos. Sabi nga ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang krus ni Kristo ay kanyang ipinangangaral, tulad ng iba pang mga apostol at mga misyonero  (1, 23). Sapagkat sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus, inihayag ang tagumpay ng dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus, iniligtas ang sangkatauhan. Subalit, bakit ganoon? Matapos Niya tayong tubusin sa pamamagitan ni Kristo dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, bakit mayroong mga pagkakataong ipinagpapalit natin ang Diyos bilang sentro ng ating buhay? Bakit nating hinahayaang maagawan ng puwesto ang Panginoong Diyos sa ating buhay, sa sentro ng ating buhay? Bakit hinahayaan nating maghari ang ibang mga bagay sa sentro ng ating buhay kaysa ang Diyos? 

Marapat lamang na ang Diyos ay ating ibigin at sambahin nang buong puso't kaluluwa. Nararapat lamang na Siya ang maging sentro ng ating buhay. Siya lang ang dapat maghari sa ating puso't kalooban. Matapos ipakita ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob sa pamamagitan ni Kristo Hesus, nararapat lamang ibigay sa Kanya ang ating pagmamahal at pagsamba. Nararapat lamang na taos-pusong tayong tumalima't tumupad sa Kanyang mga utos. Sapagkat sa pamamagitan ng buong puso't kaluluwang pagtalima sa Kanyang mga utos, inihahayag natin ang ating pananalig, pagmamahal, at pagsamba sa Kanya. 

Lunes, Pebrero 19, 2018

PAGSULYAP SA TAGUMPAY NG DAKILANG PAG-IBIG NG DIYOS

25 Pebrero 2018 
Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Genesis 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18/Salmo 115/Roma 8, 31b-34/Marcos 9, 2-10


Kung paanong isinasalaysay sa Ebanghelyo tuwing Unang Linggo ng Kuwaresma ang Pagtukso sa Panginoong Hesukristo sa disyerto, gayon din naman, ang Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesukristo ay isinalaysay sa Ebanghelyo tuwing Ikalawang Linggo ng Kuwaresma. Sa napakahalagang sandaling ito ng buhay ni Kristo, ipinasulyap kung ano ang mga dadanasin Niya sa Herusalem. Si Hesus ay magbabata ng matinding hirap at sakit sa kamay ng Kanyang mga kaaway. Siya'y papatayin ng Kanyang mga kaaway ngunit muli Siyang mabubuhay sa ikatlong araw. Hindi magiging katapusan ni Hesus ang Kanyang pagdurusa't kamatayan sa krus sapagkat Siya'y muling mabubuhay pagsapit ng ikatlong araw. Kapag hindi hinarap ni Hesus ang Kanyang pagdurusa't kamatayan sa krus sa Kalbaryo, hindi Niya makakamit ang kaluwalhatian at tagumpay sa Kanyang Muling Pagkabuhay. 

Isang napakaimportanteng misyon ang kinailangang tuparin ng Panginoong Hesus noong Siya'y pumarito sa daigdig bilang Mesiyas at Manunubos. Ang misyon Niya bilang Mesiyas at Manunubos ay tubusin ang sangkatauhan mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang Misteryo Paskwal. Tulad ng sinasambit tuwing dinarasal ang Daan ng Krus at sa Misteryo ng Pananampalataya sa Banal na Misa, tinubos ni Hesus ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakasakit, pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. Siya, ang Bugtong na Anak ng Diyos at Siya ring Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, ay bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao upang tuparin ang pangakong Kanyang binitiwan. Binitiwan ng Diyos ang pangakong ito sa sangkatauhan dahil sa pag-ibig. 

Hindi na mabilang ang mga sandaling inihayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa sangkatauhan. Sa patuloy na paglipas ng panahon, paulit-ulit na inihahayag at ipinapamalas ng Diyos sa sangkatauhan ang Kanyang kahanga-hangang pag-ibig at kagandahang-loob. Tulad na lamang ng isinalaysay sa Unang Pagbasa mula sa aklat ng Genesis kung saan isang lalaking tupa ang ipinagkaloob ng Diyos kay Abraham bilang kapalit ng kanyang anak na si Isaac upang ihandog sa Kanya. Sinubukan ng Diyos ang Kanyang lingkod na si Abraham. Inutos ng Diyos kay Abraham na ihandog ang kanyang kaisa-isang anak na si Isaac. At nang makita ng Diyos ang pananampalataya ni Abraham noong ipinasiya niyang patayin ang kanyang anak bilang handog sa Kanya, isinugo Niya ang isang anghel upang pigilin si Abraham. At isang lalaking tupa ay ipinagkaloob ng Diyos kay Abraham bilang kapalit ng kanyang kaisa-isang anak na si Isaac bilang gantimpala. 

Subalit, walang makahihigit pa sa ginawang pagkakaloob ng Diyos sa Kanyang Bugtong na Anak sa sangkatauhan bilang handog para sa kaligtasan ng sangkatauhan at kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Ito ang binigyang-diin ni Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma sa Ikalawang Pagbasa. Wika ni Apostol San Pablo na hindi ipinagkait ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Kahit alam ng Diyos na magiging masakit para sa Kanya ang masilayan ang pagtatakwil, pagdurusa, at kamatayan ng Kanyang Bugtong na Anak, ipinasiya pa rin Niyang gawin ito dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa sangkatauhan. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na bumaba mula sa langit at yakapin ang ating pagkatao sa pamamagitan ng Bugtong na Anak Niyang si Kristo Hesus na ating Panginoon at Tagapagligtas. 

Maaari naman Niyang gawin ito sa ibang pamamaraan. Maaari namang ihayag at ipamalas ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa sangkatauhan nang hindi nagbabata ng matinding hirap at pagdurusa sa Kalbaryo. Subalit, pinili ng Diyos na tiisin ang maraming hirap at sakit upang ipakita kung gaano kadakila't kawagas ang Kanyang kahanga-hangang pag-ibig para sa sangkatauhan. Nais Niyang ipaalam sa sangkatauhan na tunay ang Kanyang pagmamahal para sa Kanya. Ito ang Kanyang ginawa noong ipinasiya Niyang tiisin ang maraming hirap at sakit sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, ang Mesiyas at Tagapagligtas.  

Ang Pagbabagong-Anyo ni Hesus ay isang pagsulyap sa tagumpay ng dakilang pag-ibig ng Diyos. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, ipinasiya Niyang bumaba mula sa lupa at magkatawang-tao sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus. Ipinamalas ng Diyos ang tagumpay ng Kanyang dakilang pag-ibig sa pamamagitan ni Hesus. Si Hesus ay bumaba mula sa langit at naging tao upang gampanan ang Kanyang misyon bilang Mesiyas at Tagapagligtas. At bilang Mesiyas at Tagapagligtas ng sangkatauhan, hinarap ni Hesus ang Kanyang misyon. Hinarap at tiniis ni Hesus ang bawat yugto ng Kanyang Misteryo Paskwal para tubusin ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, ipinamalas ni Hesus ang tagumpay ng dakilang pag-ibig ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa sangkatauhan. 

Sabado, Pebrero 17, 2018

PAGTAWAG NG TUNAY NA NAGMAMAHAL

18 Pebrero 2018 
Unang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Genesis 9, 8-15/Salmo 24/1 Pedro 3, 18-22/Marcos 1, 12-15 



Mayroong dalawang bahagi ang salaysay ng Ebanghelyo ngayon. Ang unang bahagi ay ang pagtukso kay Hesus sa ilang (1, 12-13). Isang maikling buod lamang ng pagtukso kay Hesus ang ibinigay ni San Marcos sa kanyang salaysay. Para kay San Marcos, hindi na mahalaga kung ano ang mga tukso ni Satanas kay Hesus. Ang tagumpay si Hesus laban sa mga tukso ni Satanas ang pinakaimportante sa lahat. Si Hesus ay nanalangin at nag-ayuno nang buong kataimtiman sa ilang sa loob ng apatnapung araw bago Niya sinimulan ang Kanyang pangangaral. Sa halip na magpadaig at magpatalo kay Satanas, pinili ni Hesus na manatiling masunurin at tapat sa kalooban ng Ama. Pinili Niyang tuparin ang misyong ibinigay sa Kanya. 

Ang ikalawang bahagi ng salaysay ng Ebanghelyo ngayon ay ang pagsisimula ng ministeryo ng Panginoong Hesus (1, 14-15). Si Hesus ay nangaral tungkol sa pagsisisi't pagtalikod sa mga kasalanan at pagsampalataya sa Mabuting Balita. Nanawagan Siya sa lahat na dapat magbalik-loob ang lahat ng tao sa Diyos at sumampalataya sa Mabuting Balita ng kaligtasan. Bakit iyan ang unang ipinangaral ni Hesus? Bakit Siya nangaral tungkol sa pagsisisi't pagbabalik-loob sa Diyos? Dahil ito ang Kanyang misyon. Ang Panginoong Hesukristo ay pumarito sa sanlibutan upang ihatid sa lahat ng tao ang Kanyang dakilang pag-ibig na Siyang pangunahing dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na tubusin ang lahat ng tao. 

Noong kapanahunan ng Lumang Tipan, ang Diyos ay pumili't humirang ng mga propeta upang maging Kanyang mga tagapagsalita sa Kanyang bayan. Ihahatid nila ang mga nais iparating ng Diyos sa Kanyang bayan. Subalit, hindi nagtagal at dumating ang panahon noong ang Diyos na mismo ang naghatid ng Kanyang mensahe ng pag-ibig sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng Salitang nagkatawang-tao na si Kristo Hesus sa kapanahunan ng Bagong Tipan. Ipinasiya Niya itong gawin upang ihayag at ihatid ang Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ni Kristo na nag-alay ng Kanyang buhay sa krus para sa kaligtasan ng sangkatauhan. 

Ito ang pinatotohanan ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa. Si Kristo'y pumanaog sa daigdig upang magbata ng maraming hirap at sakit alang-alang sa sangkatauhan. Siya'y nagpakasakit at nag-alay ng buo Niyang sarili sa krus para sa kaligtasan ng sangkatauhan at kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Maaari naman Niyang iligtas ang sangkatauhan nang hindi nagbabata ng matinding hirap at sakit. Subalit, ipinasiya pa rin Niyang gawin ito upang imulat ang sangkatauhan sa katotohanang ang Diyos ay puspos ng pag-ibig at kagandahang-loob. Pag-ibig at kagandahang-loob na hindi lilipol o pupuksa sa sangkatauhan, tulad ng ipinangako ng Diyos kay Noe sa Unang Pagbasa (Genesis 9, 8-15), kundi nagdudulot ng kaligtasan at kalayaan sa pamamagitan ni Hesukristo. 

Layunin ng demonyong si Satanas sa pamamagitan ng pagtukso kay Hesus ang pigilin Siya sa pagpapalaganap at pagdudulot ng pag-ibig sa sangkatauhan. Nais ipagkait ng demonyo sa sangkatauhan ang pagkakataong maranasan ang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos. Nais niyang panatilihin ang sangkatauhan sa kanyang mga tanikala. Nais niyang manatiling mga alipin ng kanyang mga pwersa, ang pwersa ng kadiliman, ang sangkatauhan. Subalit, ang mga tukso ni Satanas ay nilabanan at pinagtagumpayan ni Kristo. Pinili ni Hesus na tuparin ang Kanyang misyon, ang Kanyang planong pagtubos at pagpapalaya sa sangkatauhan mula sa mga tanikala ni Satanas, dahil sa Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. Ipinamalas at ipinadama ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kusang pag-aalay ng Kanyang sarili sa krus para sa kaligtasan ng lahat. 

Ang panawagan ng Salitang nagkatawang-tao na si Hesus ay ipinapaabot at ipinaparating ng Simbahan ngayong panahon ng Kuwaresma. Tinatawag tayo ng Panginoong Hesus na pagsisihan at talikdan ang ating mga kasalanan. Tinatawag tayong itakwil ang pang-aakit ng demonyo na suwayin ang Diyos. Tinatawag tayong magbalik-loob sa Poong mahabagin at mapagmahal upang tayo'y makapakinabang at makibahagi sa Kanyang dakilang pag-ibig. Huwag nating salungatin ang panawagang ito mula sa Panginoong tunay na nagmamahal at kumakalinga sa atin na ipinaparating sa atin ng Simbahan ngayong panahon ng Kuwaresma.

Lunes, Pebrero 12, 2018

PANAHON NG PAG-IBIG

14 Pebrero 2018 
Miyerkules ng Abo 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18 


Tuwing sasapit ang panahon ng Kuwaresma na nagsisimula sa pamamagitan ng Miyerkules ng Abo, inaanyayahan ng Simbahan ang bawat isa na palalimin ang pagninilay sa misteryo ng pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos na tumatawag sa bawat isa na magbalik-loob sa Kanya nang buong puso. Ang pag-ibig ng Diyos na nagdulot ng kaligtasan sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. 

Ang misteryo ng pag-ibig ng Diyos ang paksang nais pagtuunan ng pansin ng Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa ngayong Miyerkules ng Abo, ang unang araw ng Apatnapung Araw na Paghahanda. Sa Unang Pagbasa, inihayag ni propeta Joel sa lahat ng tao ang panawagan ng Diyos. Ang Diyos ay nanawagan sa lahat ng tao na magsisi sa kanilang makasalanang pamumuhay at manumbalik sa Kanya nang taos-puso. Sa Ikalawang Pagbasa, hinihimok ni Apostol San Pablo ang lahat ng mga Kristiyano na manumbalik at makipagkasundo sa Diyos habang may panahon pa. 

Bakit ito ginagawa ng Diyos? Bakit Niya tinatawag ang lahat ng tao na pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya? Tayong lahat ay pawang mga makasalanang hamak. Siya ang dakila't makapangyarihan sa lahat. Nasa Kanya naman ang lahat ng kadakilaan at kapangyarihan. Bakit mahalaga pa rin sa paningin ng Diyos ang sangkatauhan? Anong meron sa ating mga tao, mga abang makasalanan, at tayong lahat ay mahalaga pa rin sa mga mata ng Panginoon? Kung tutuusin, hindi naman Niya kailangang gawin iyon. Maaari naman Siyang magpakasarap sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit. Bakit Niya ito ginawa? Ano bang meron sa atin? 

Ginagawa ito ng Diyos magpahanggang ngayon hindi dahil sa kung anong meron tayo bilang mga tao. Ito ay dahil sa kung anong meron Siya. At iyon ay pag-ibig. Ang dakilang pag-ibig at habag ng Diyos ang dahilan kung bakit Niya tayong pinahahalagahan sa kabila ng ating pagiging mga makasalanan. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na likhain tayo ayon sa Kanyang larawan (Genesis 1, 26). Ito ang dahilan kung bakit Siya'y nagkatawang-tao upang tayo'y iligtas sa pamamagitan ng Mesiyas at Manunubos na si Kristo Hesus. 

Kaya naman, nararapat lamang na pagmamahal rin ang ibigay at ialay natin sa Diyos. Nararapat lamang na ibigin ang Diyos dahil Siya ang unang nagmahal sa atin. Sa kabila ng ating mga pagkakasala, na bahagi ng ating likas bilang mga taong namumuhay dito sa mundong ibabaw, pinili ng Diyos na mahalin at kahabagan tayo. Ito'y pinatunayan Niya sa pamamagitan ng pagkakaloob Niya kay Kristo Hesus sa ating lahat upang maging ating Mesiyas at Tagapagligtas. 

Paano naman nating maihahayag ang ating pag-ibig sa Diyos? Sa pamamagitan ng taos-pusong pagbibigay ng papuri't pagsamba sa Kanya. Ang ating pagbibigay ng papuri't pagsamba sa Diyos ay ating inihahayag sa pamamagitan ng ating mga salita't gawa. Iyan ang diwa ng pamamanata sa Diyos. Iyan ang ating ginagawa natin sa ating pamamanata sa Panginoon. Sa pamamagitan ng pamamanata sa Diyos, inihahayag natin ang ating pagmamahal sa Kanya. Binibigyan natin ng karangalan at kaluwalhatian ang Diyos sa pamamagitan ng ating pamamanata, ang ating paghahayag ng ating pag-ibig sa Kanya. 

Nagbigay ng paalala ang Panginoong Hesus sa Ebanghelyo tungkol sa pamamanata sa Diyos. Ipinapaalala ni Hesus na ang layunin ng pamamanata ay hindi upang gumawa ng palabas kundi upang ihayag ang pag-ibig, pagpuri, at pagsamba sa Diyos. Kung ginagamit lamang ang pamamanata sa paggawa ng palabas, hindi ito magiging sinsero o totoo. Namemeke lamang tayo't gumagawa ng kalokohan kapag ang ating pamamanata sa Diyos ay ginagawa lamang natin upang gumawa ng palabas. Hindi dapat maging pakitang-tao ang pamamanata sa Diyos. Bagkus, ito ay dapat seryosohin at totohanin. Kapag taos-puso at sinsero ang ating pamamanata sa Diyos, tayo ay Kanyang kalulugdan at gagantimpalaan. Ang pamamanata sa Diyos ay dapat maging taos-puso, tulad ng Kanyang taos-pusong pagkakatawang-tao at pag-aalay ng buhay para sa ating kaligtasan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. 

Ang panahon ng Kuwaresma ay panahon ng pag-ibig. Tayong lahat ay inaanyayahan ng Simbahan ngayong panahong ito upang palalimin ang ating relasyon sa Diyos. Inaanyayahan ng Simbahan ang lahat na damhin ang dakilang pag-ibig at habag ng Diyos at hayaang liwanagan ng Diyos ang ating mga puso't isipan tungkol sa misteryo ng Kanyang dakilang pag-ibig at habag na siyang dahilan ng ating kaligtasan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Palalimin natin ang ating debosyon at pananampalataya sa Diyos na Siyang unang nagmahal sa atin nang tunay at tapat. Ipakita rin natin sa Diyos ang taos-puso nating pagmamahal at pagsamba sa Kanya sa pamamagitan ng ating taos-pusong pamamanata. Nararapat lamang na ibigin ang Diyos nang higit sa lahat sapagkat tayong lahat ay Kanyang inibig sa kabila ng ating mga kasalanan laban sa Kanya. 

Sabado, Pebrero 10, 2018

DAKILA ANG KANYANG HABAG AT KAGANDAHANG-LOOB

11 Pebrero 2018 
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Levitico 13, 1-2. 44-46/Salmo 31/1 Corinto 10, 31-11, 1/Marcos 1, 40-45 


Ang konteksto ng salaysay sa Ebanghelyo ngayon ay ibinigay ng Unang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, ibinigay ng Diyos kina Moises at Aaron ang batas hinggil sa mga taong may ketong. Kung saka-sakaling magkaroon ng ketong ang isang tao noong kapanahunang yaon, tutungo muna siya sa isa sa mga saserdote para magpatingin sa kanila. Sila lamang ang mga tanging makakapagpapatunay kung mayroon ba silang ketong o hindi. Kapag napatunayang may ketong nga ang taong iyon, ihihiwalay siya sa lipunan, lalung-lalo na sa kanilang mga mahal sa buhay. Sila'y mamumuhay nang mag-isa sa isang napakalayong lugar. Kapag may dumaan sa kanilang kinaroroonan, sisigaw sila ng "Marumi! Marumi!" bilang babala. 

Isang nakakahawang sakit ang ketong. Dahil nakakahawa ang sakit na ito, inilalayo ang mga taong may ketong sa lipunan. Tinataboy sila mula sa kanilang lipunan. Natatakot ang mga taong mahawa sa kanilang sakit. Ayaw nilang mahawa sa kanilang sakit. Kaya naman, upang hindi mahawa ang ibang tao, isinasantabi ang mga ketongin mula sa lipunang kanilang kinabibilangan kapag napatunayan ng isang saserdote na mayroon nga silang ketong. 

Masakit para sa mga ketongin ang maisantabi ng kanilang lipunan. Inihihiwalay sila mula sa kanilang mga mahal sa buhay. Nais nilang makapiling ang kanilang mga kapamilya, kaibigan, kapatid, kapanalig. Hindi nila iyon magagawa dahil sa sakit sa kanilang mga balat. Sa bawat araw ng kanilang pag-iisa, hinahangad nila na darating na rin sa wakas ang araw kung kailan sila tuluyang gagaling mula sa kanilang ketong. Iyan ang tangi nilang hinihiling sa Diyos sa kanilang pananalangin - malinis ang kanilang mga balat mula sa kanilang ketong upang makapiling na rin nila sa wakas ang kanilang mga mahal sa buhay matapos ang napakahabang panahon ng pagkakahiwalay at kalungkutan dahil sa kanilang pag-iisa. 

Noong pinagaling ng Panginoong Hesus ang ketongin sa Ebanghelyo, nakita Niya sa mga mata ng ketongin ang tanging ninanais niya. Nais ng ketonging na buong puso't pananalig na nanikluhod at nagmakaawa kay Hesus na makapiling ang kanyang mga minamahal sa buhay, mga malalapit sa kanyang puso. Maraming sandali sa kanyang buhay ang nasayang, ninakaw, dahil sa sakit sa kanyang balat na nakakahawa. Ang puso niya'y labis na nasugatan dahil sa mga ninakaw na sandali sa kanyang buhay. Kung hindi dahil sa sakit na ito, kasama niya ngayon nang buong tuwa't saya ang kanyang mga mahal sa buhay. 

Kaya naman, noong makita ng ketonging ito si Hesus, nakita ng ketonging ito ang makakapagpapalaya sa kanya mula sa kanyang pagdurusa. Nakita ng ketonging ito kay Hesus ang tanging makapagtutupad sa kanyang kahilingan. Nakita niya kay Hesus ang pag-asang kanyang inaasam. Kaya nga, sumamo ng ganito kay Hesus ang ketongin, "Panginoon, kung iniibig po Ninyo'y mapapagaling Ninyo ako." (1, 40) Nanalig ang ketongin sa kapangyarihan ni Hesus. Kaya naman, buong puso't pananalig niyang hiniling kay Hesus na tuparin ang kanyang hinahangad. Dahil sa habag ni Hesus, gumaling ang ketongin mula sa kanyang sakit. Pagkatapos ng mahabang panahon, naging malinis at makutis muli ang balat ng ketongin dahil sa Panginoong Diyos mahabagin at nagmamagandang-loob na si Kristo Hesus. 

Ang hamon ni Apostol San Pablo sa huling bahagi ng Ikalawang Pagbasa ay hindi lamang para sa mga taga-Corinto; ito ay para sa lahat ng mga Kristiyano - tularan si Kristo. Ano ang halimbawang ipinakita ni Kristo na dapat tularan? Maging mahabagin sa kapwa, lalung-lalo na sa mga kapus-palad at mga itinataboy ng lipunan. Kahit na hindi ito madali para sa atin dahil tayo'y mga makasalanan, dapat natin itong sikapin at gawin. Kung paanong si Kristo ay nagpakita ng habag at kagandahang-loob sa ating lahat, gayon din naman, dapat tayong magpakita ng habag at kagandahang-loob sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga maralita. Sa pamamagitan nito'y ibinabahagi natin sa lahat ang habag at kagandahang-loob ng Panginoon. Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Kanyang habag at kagandahang-loob, binibigyan natin Siya ng karangalan. 

Bilang mga Kristiyano, mayroon tayong misyon. Ibahagi natin sa pamamagitan ng ating mga salita't gawa ang habag at kagandahang-loob ng Panginoon sa lahat ng tao, lalung-lalo na sa mga kapus-palad. Ang Panginoon ang unang nagpakita ng habag at kagandahang-loob sa ating lahat, lalung-lalo na sa mga kapatid nating kapus-palad at mga isinasantabi ng lipunan. Kaya naman, kung tunay ngang tayo'y nasa panig ng Panginoon, tutularan natinang halimbawang Kanyang ipinakita. Ihayag sa pamamagitan ng ating mga salita't gawa ang ating pananampalataya kay Kristo. Sa pamamagitan ng pagtulad sa Kanyang halimbawa, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng habag at kagandahang-loob ng Diyos sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga maralita at mga tinataboy ng lipunan, tayo'y nagbibigay ng papuri at karangalan sa Diyos. Ang gawaing iyan, ang ating pagsisikap sa pagtutulad sa halimbawang Kanyang ipinakita, ay tunay na kalugud-lugod sa Kanyang panigin. 

Sabado, Pebrero 3, 2018

ANO ANG KANYANG PAKAY?

4 Pebrero 2018
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Job 7, 1-4. 6-7/Salmo 146/1 Corinto 9, 16-19. 22-23/Marcos 1, 29-39 


Inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto ang kanyang tungkulin bilang apostol at misyonero sa mga Hentil. Iniatasan siya ng Panginoon na ipangaral ang Kanyang Mabuting Balita sa lahat ng mga Hentil. Kahit na dati-rati'y inuusig niya ang mga tagasunod ni Kristo, ipinagkatiwala pa rin sa kanya ng Panginoon ang pananagutan ng pangangaral tungkol sa Ebanghelyo sa lahat ng dako. Kaya nga Siyang nagpakita kay Apostol San Pablo sa daang patungong Damasco upang baguhin ang kanyang buhay. Mula sa kanyang madilim na nakaraan bilang tagausig ng mga Kristiyano, si Apostol San Pablo ay naging misyonero ni Kristo sa mga Hentil. 

Tungkol saan naman ang Ebanghelyong pinapatotohanan ni Apostol San Pablo at ng iba pang mga apostoles? Ang Ebanghelyo o Mabuting Balitang ipinapangaral at pinatotohanan ni Apostol San Pablo at ng iba pang mga apostol sa lahat ay tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Salitang nagkatawang-tao na si Hesukristo. Ang Panginoong Hesukristo ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ni Kristo, ang pagpapala ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan ay inihayag at ibinahagi sa lahat ng tao, lalung-lalo na sa mga kapus-palad. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang isang bahagi ng buhay ng Panginoong Hesus - ang Kanyang ministeryo. Ang ministeryo ni Hesus ay binubuo ng Kanyang pangangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at ng mga himalang Kanyang ginawa tulad ng pagpapagaling sa mga may karamdaman. Maraming pinagaling si Hesus sa kabuuan ng Kanyang ministeryo, tulad ng biyenan ni Apostol San Pedro sa unang bahagi ng Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng Kanyang mga kilos at salita, ibinunyag ni Hesus ang dahilan kung bakit Siya pumarito sa sanlibutan. Si Hesus ay bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao upang ihayag sa lahat ang pagpapala't kagiliwan ng Diyos sa sangkatauhan na nagdudulot ng kaligtasan at kalayaan sa lahat ng tao. Ginawa ito ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang mga kilos at salita. Ito'y nasaksihan ng lahat sa Kanyang ministeryo at sa Kanyang Misteryo Paskwal. 

Hindi kinailangan ni Hesus na pumanaog sa lupa upang tayo'y iligtas. Maaari naman Niyang pabayaan tayong magdusa. Maaari naman Niyang pabayaan tayong alipinin ng mga pwersa ng kasamaan at kadiliman. Subalit, dahil sa Kanyang pag-ibig at habag para sa ating lahat, ipinasiya Niyang hubarin ang Kanyang pagka-Diyos at yakapin ang ating pagkatao upang ialay Niya ang Kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Ipinasiya Niyang ilantad ang Kanyang sarili sa mga pagtitiis at kahirapan ng buhay dito sa lupa, tulad ng inilarawan ni Job sa Unang Pagbasa, para tubusin at palayin tayo mula sa pang-aalipin ng mga pwersa ng kasamaan, kadiliman, at kamatayan. Sa pamamagitan nito, pinatunayan Niya na Siya'y hindi nalalayo sa atin. Bagkus, pinatunayan ni Hesus na Siya, ang ating Panginoon at Diyos na tumutubos, ay tunay na mapagmahal at mapagkalinga sa ating lahat. 

Ang Panginoong Hesus ay dumating sa lupa upang ihayag ang mapagpalang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na nagliligtas sa pamamagitan ng Kanyang mga kilos at salita. Noong Siya'y nagmiministeryo, Siya'y nangaral at gumawa ng maraming himala. Nangaral Siya tungkol sa kaharian ng Diyos sa lahat. Gumawa rin Siya ng maraming milagro tulad ng pagpapagaling ng mga maysakit at pagpapalayas ng mga demonyong sumasapi sa bawat tao upang ipakita ang kapangyarihan ng pag-ibig at habag ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan. Nang dumating ang takdang panahon, inialay Niya ang pinakadakilang sakripisyo. Inialay Niya ang Kanyang sarili sa krus para sa kapatawaran ng mga kasalanan at kaligtasan ng bawat isa. Sa pamamagitan ng mga winika't ginawa ni Hesus na nasaksihan sa Kanyang pagmiministeryo at sa Kanyang Misteryo Paskwal, ipinarating at ipinalaganap Niya ang liwanag ng mapagpalang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan.