Sabado, Abril 12, 2014

ANO ANG KAPALARAN NATIN?

Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (A)
Sa Prusisyo ng mga Palaspas: Mateo 21, 1-11 
Sa Banal na Misa: Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Mateo 26, 14-27, 66 (o kaya: 27, 11-54)



Sinisimulan po natin sa araw na ito ang mga Mahal na Araw. Ang mga araw na ito ay tinatawag na "Mahal" hindi dahil sa tumataas ang presyo ng gasolina, mga bilihin, pamasahe, at iba pa. Bagkus, "Mahal" ang mga araw na ito dahil sa mga araw na ito, ginugunita natin ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Walang hihigit pa sa pagmamahal ng Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos ay wagas at hindi kayang pantayan ng sinumang tao dito sa lupa. Ipinapamalas sa atin ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa Krus ni Hesukristo. Dahil sa pag-ibig ng Diyos sa atin, pinayagan Niyang mamatay sa Krus ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo upang palayain at iligtas tayong lahat mula sa kasalanan at kamatayan, pisikal at espiritwal. 

Ang salaysay ng Mahal na Pasyon ng Panginoong Hesukristo ngayong taon ay hango mula sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo. Sa mahabang salaysay ng Pasyon, makikita natin na dalawa sa mga alagad ni Hesus ang may malaking papel sa pagpapakasakit ng Panginoon. Sila po ay sina Hudas Iskariote at San Pedro Apostol. Si Hudas ay binayaran ng mga Pariseo at ng mga saserdote ng tatlumpung pirasong pilak upang ipagkanulo niya si Hesus. Si San Pedro Apostol naman ay nagtatwa kay Hesus nang tatlong ulit bago tumilaok ang manok. 

Sa Huling Hapunan, ipinahayag ni Hesus kung sino sa Kanyang mga alagad ang magkakanulo sa Kanya. Noong tinanong ni Hudas Iskariote si Hesus kung siya nga ba ang magkakanulo kay Hesus, sinabi ni Hesus na si Hudas nga ang magkakanulo sa Kanya. Ipinahayag rin ni Hesus na iiwanan Siya ng lahat ng mga alagad. Si San Pedro'y tumutol at sinabi pa niya sa Panginoon na handa siyang mamatay kasama ang Panginoon. Pero, ano ang sinabi ng Panginoon? Itatatwa ni Pedro nang tatlong beses ang Panginoon bago tumilaok ang manok. 

Alam ni Hesus ang lahat ng mangyayari sa Kanya. Ang lahat ng mga ipinahayag Niya sa Huling Hapunan ay nagkatotoo. Ipinagkanulo ni Hudas si Hesus sa pamamagitan ng isang halik upang makilala ng mga bantay kung sino nga ba si Hesus. Ang halik ni Hudas ang nagpakilala kay Hesus sa mga dadakip sa Kanya. Samantala, tatlong beses itinatwa ni Pedro si Hesus upang hindi siya mapahamak. Natatakot si Pedro na mamatay. Ayaw pa niyang mamatay. Kaya, itinatwa niya ni Pedro si Hesus upang ipagtanggol ang kanyang sarili. Sa pamamagitan ng ginawa ng dalawang ito, malaki ang kasalanang ginawa nilang dalawa kay Hesus.

Halos magkaparehas ang kanilang kasalanan, pero magkaiba ang kapalaran nina Pedro at Hudas. Unahin muna natin ang nangyari kay Hudas. Naramdaman niya ang bigat ng kanyang kasalanan. Nagsisi ba siya? Hindi. Kahit na sinabi ni San Mateo na nagsisi si Hudas, hindi taos sa puso ang kanyang pagsisisi niya. Nagsisi nga si Hudas na nagkasala siya laban sa Panginoon, pero, bakit siya nagpakamatay? Pagmamataas ang dahilan. Hindi kayang humingi ng kapatawaran si Hudas kay Hesus. Nawalan na siya ng pag-asa. Akala niya, tapos na ang lahat. Ang kabayaran na lamang sa kanyang kasalanan ay ang kanyang buhay. Kahit na sinabi ni San Mateo na nagsisi si Hudas, hindi buo ang pagsisi niya dahil hindi siya lumapit kay Hesus upang patawarin siya. 

Si Pedro naman ay nagtatwa kay Hesus nang tatlong beses. Nakakahiya po para kay Pedro ang ginawa niya nang marinig niya ang pagtilaok ng manok. Si Pedro ang nagpahayag na si Hesus ang Mesiyas noong tinanong ni Hesus sa Kanyang mga alagad kung sino siya. Ibinigay pa naman ni Hesus kay Pedro ang susi ng kaharian ng langit. Ito ay nakakahiya. Pagkatapos ibigay ni Hesus kay Pedro, saka itatatwa ni Pedro na kilala niya si Hesus. Ano naman ang ginawa ni Pedro pagkatapos ng kanyang pagtatwa kay Hesus? Bumalik at nagtago kasama ng iba pang mga alagad, maliban na lamang kay San Juan Apostol na sumama sa Mahal na Birheng Maria papunta sa krus ni Hesus. Pagkatapos muling mabuhay si Hesus, tinanong si Pedro ni Hesus ng tatlong ulit si Pedro kung minamahal niya si Hesus bilang pagbawi sa tatlong ulit na pagtatwa ni Pedro kay Hesus. 

Kung gaano kakahiya ang mga kasalanang ginawa nina Hudas at Pedro, mas nakakahiya rin ang mga kasalanang ginagawa natin. Hindi lang sina Pedro at Hudas ang nagkanulo kay Hesus. Ipinagkanulo rin natin ang Panginoon. Sa pamamagitan ng ating mga kasalanan, tumatalikod tayo at ipinagkakanulo si Kristo. Ang pagkasala ay isang paraan ng pagtalikod at pagkanulo kay Kristo. Nilalabag natin ang utos ng Diyos. Ang pagkakasala natin ang tumutulong sa atin upang talikuran si Kristo. Hindi lang sina Hudas at Pedro, hindi lang ang mga alagad, hindi lamang ang mga taong sumalubong sa Panginoon ang nagkanulo sa Kanya, kundi tayong lahat ay nagkanulo sa Kanya. 

Ano naman ang magiging kapalaran natin? Tayo ba ay tutulad kay Hudas? Mawawalan ba tayo ng pag-asa sa Panginoon? Huwag nating tutularan si Hudas. Si Hudas ay nawalan ng pag-asa dahil ipinagkanulo niya ang Panginoon. Masyado na itong mabigat para kay Hudas. Nagpakamatay siya dahil akala niya iyon ang kabayaran sa kanyang kasalanan. Hindi niya pinansin ang awa ng Diyos. Para kay Hudas, masyadong mabigat ang kasalanang ginawa niya laban sa Panginoon upang patawarin. Nawalan ng pag-asa si Hudas sa pagpapatawad ng Panginoon. Hindi niya alam na ang Panginoon ay handang magbigay ng ikalawang pagkakataon upang magsisi at magbagong-buhay. 

Walang makasalanang nagsisisi at humihingi ng kapatawaran ang itatakwil ng Panginoon. Walang hahadlang sa awa ng Diyos. Nagagalak ang Panginoon sa mga makasalanang nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kanya. Gaano mang kabigat ang kasalanan ng isang tao, kahit napakabigat ang kasalanan ng isang tao, handang-handa ang Diyos na patawarin ang sinumang nagkasala laban sa Kanya. Huwag nating sayangin ang pagkakataong makapagsisi at magbagong-buhay. Walang kasalanang na masyadong mabigat para patawarin ng Panginoon. 

Linggo, Abril 6, 2014

PAGSULYAP SA MULING PAGKABUHAY

Ika-5 Linggo ng Kuwaresma (A) 
Ezekiel 37, 12-14/Salmo 129/Roma 8, 8-11/Juan 11, 1-45 (o kaya: 11, 3-7. 17. 20-27. 33b-45) 



Ang Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa pagbuhay ni Hesus kay Lazaro. Masyadong mahaba po muli ang Mabuting Balita, katulad ng Ebanghelyo noong Ikatlong Linggo ng Kuwaresma at Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma. Si Hesus ay dumating sa Betania apat na araw makalipas ang pagkamatay ni Lazaro. Nakalibing na si Lazaro noong dumating si Hesus. Pero, muling binuhay ni Hesus si Lazaro. Inutusan ni Hesus si Lazaro na lumabas mula sa libingan at si Lazaro ay lumabas ng buhay sa libingan.

Isang resuscitation ang naganap sa kaso ni Lazaro. Namatay siya, muling nabuhay, at mamamatay uli. Pansamantala lamang siya mabubuhay, katulad ng sinumang tao dito sa lupa. Hindi iyon resurrection, resuscitation iyon. Kahit na muling binuhay ni Kristo si Lazaro, ang buhay niya dito sa lupa ay hindi magtatagal. Mamamatay siya muli. Ang resurrection naman ay ang muling pagkabuhay na hindi na mamamatay. Noong si Kristo'y muling nabuhay, hindi na Siya namatay. Kaya ang resurrection o ang muling pagkabuhay ng Panginoon ang Kanyang pinakadakilang himala sa lahat ng mga himalang ginawa Niya. 

Bago lumabas si Lazaro mula sa kanyang libingan, pinagsabihan si Hesus ng mga kapatid nina Marta at Maria na si Lazaro ay may sakit. Pero, hindi naman pumunta si Hesus sa bahay nila upang pagalingin ni Hesus si Lazaro. Hinintay ni Hesus ang pagkamatay ni Lazaro. Kung kailan mamatay si Lazaro, saka pa lang pupunta ang Panginoon. May galit ba si Hesus kay Lazaro at sa kanyang mga kapatid? Hindi. Hinintay ni Hesus ang tamang pagkakataon upang masaksihan nila ang kadakilaan at kapangyarihan ng Diyos. Kahit mamatay si Lazaro, bubuhayin ng Diyos si Lazaro.

Wika ng Panginoon sa Juan 5, 21, "Kung paanong binubuhay ng Ama ang mga patay, gayon din naman, bubuhayin ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin." Ang Diyos ay may kapangyarihang bumuhay sa mga patay. Walang imposible sa Diyos. Kahit ang mga patay ay kaya Niyang buhayin. Walang humahadlang sa kapangyarihan ng Diyos. Hindi kayang pantayan ng kamatayan ang kapangyarihan ng Diyos. Walang makakapantay sa kapangyarihan ng Diyos. Walang imposible. 

May ugnayan ang Ebanghelyo ngayon sa Ebanghelyo noong nakaraang Linggo. Kadiliman. Walang nakita ang lalaking ipinanganak na bulag kundi kadiliman. Si Lazaro na nakalibing ay nasa kadiliman. Inutusan sila ni Hesus na pumunta sa liwanag. Ang lalaking ipinanganak na bulag ay inutusan na maghilamos sa deposito ng tubig sa Siloe pagkatapos nilagyan ni Hesus ng putik sa mga mata niya. Si Lazaro naman ay inutusan ni Hesus na lumabas mula sa libingan. Lahat sila ay tumawid mula sa kadiliman patungo sa kaliwanagan. 

Kung tayo ay inuutusan ni Hesus, ano ang magiging sagot natin? Ano ang magiging tugon natin sa utos ni Hesus na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag? Si Lazaro ay sumunod sa utos ni Hesus na lumabas mula sa kanyang libingan. Iyan ang papel niya sa himala ni Hesus. Siya ay nakinig sa utos ni Hesus at muli siyang nabuhay. Ang lalaking bulag mula sa kanyang pagsilang ay naghilamos sa deposito ng tubig sa Siloe. Kung hindi nila sinunod ang utos ni Hesus sa kanila, ang lalaking bulag ay hindi makakakita at hindi muling mabubuhay si Lazaro. Nawa ay sumunod rin tayo sa utos ni Hesus sa atin. 

May ugnayan rin ang Ebanghelyo ngayon sa Ebanghelyo noong Ikalawang Linggo ng Kuwaresma. Si Hesus ay nagbagong-anyo bilang sulyap sa Kanyang kadakilaan na makakamit Niya pagkatapos ng Kanyang kamatayan sa Krus. Ang Panginoong Hesus rin ay nagsalita tungkol sa kamatayan at buhay sa Ebanghelyo ngayon. Sabi Niya, "Hindi magwawakas sa kamatayan ang sakit na ito. Nangyari ito upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos." (Juan 11, 4) Hindi rin nagtapos ang lahat noong ang Panginoong Hesus ay namatay sa Krus. Sa ikatlong araw, muli Siyang nabuhay. Napagtagumpayan ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang muling pagkabuhay ang kapangyarihan ng kamatayan. Hindi makakapantay ang kamatayan sa kapangyarihan ng Diyos. 

Ang pagbuhay ni Kristo kay Lazaro ay isang sulyap lamang ng Kanyang muling pagkabuhay. Ipinapakita sa atin na ang kamatayan ay hindi magtatagumpay kailanman sa kapangyarihan ng Diyos. Walang imposible sa Diyos at walang makakatalo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Hindi nagtapos ang lahat sa kamatayan ni Hesus. Muli Siyang nabuhay sa ikatlong araw. Hindi na namatay ang Panginoong Hesukristo pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay. Sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Hesukristo, nagtagumpay Siya laban sa kamatayan. Hindi Siya kinaya ng kapangyarihan ng kamatayan. Walang makakatalo sa kapangyarihan ng Panginoon. 

Martes, Abril 1, 2014

SAN PEDRO CALUNGSOD: NAGING MATAPANG HANGGANG KAMATAYAN

Paggunita kay San Pedro Calungsod, ang Ikalawang Santong Pilipino
Isaias 49, 8-15/Salmo 144/Juan 5, 17-30 


Ang Pilipinas po ay mayroong dalawang Pilipinong Santo - sina San Lorenzo Ruiz de Manila at si San Pedro Calungsod. Ginugunita natin sa araw na ito ang Ikalawang Pilipinong Santo, si San Pedro Calungsod. Siya po ay nagmula sa Kabisyaan. Siya ay isinama ni Padre Diego Luis de San Vitores sa kanyang misyon sa Marianas Islands sa Guam. 

Napakasakit siguro ang iwanan natin ang mga mahal natin sa buhay kapag tayo ay aalis. Naramdaman rin ito siguro ni San Pedro Calungsod. Bilang tao, may mga damdamin din siya. Mahirap siguro para sa binatang ito na iwanan ang kanyang pamilya at mga mahal sa buhay sa kanyang bayan. Napakahirap ang iwanan ang pamilya.

Kahit na mahirap iwanan ang pamilya sa Kabisayaan, hindi nawalan ng pananalig sa Diyos. Araw-araw siyang nagdasal sa Panginoon upang gabayan siya at si Padre Diego Luis de San Vitores sa pagpapahayag ng Mabuting Balita. Si San Pedro Calungsod ay nagturo ng katesismo sa mga batang Chamorro bilang pagtulong sa misyon ni Padre Diego Luis de San Vitores. 

Matagumpay ang misyon nina Padre Diego Luis de San Vitores at ni San Pedro Calungsod sa Guam. Marami silang nabinyagan, lalung-lalo na ang papatay sa kanila na si Matapang. Pero, nagbago ang lahat nang magkalat ng mga tsismis ni Choco, isang Intsik na nakatira sa islang iyon. Nagkalat siya ng mga tsismis tungkol sa tubig na ginagamit ni Padre Diego Luis de San Vitores. Ang tubig na iyon ay may kamandag. Nakakalason ang tubig na iyon, kaya nakakamatay ang tubig na iyon. Marami ang naniwala sa pinagkakalat ni Choco, kaya ang lahat ng mga tagaroon ay natakot magpabinyag. Wala nang nagpabinyag. 

Napakalaking pagsubok ito para kina Padre Diego Luis de San Vitores at kay San Pedro Calungsod. Biruin niyo, naniwala ang mga tao sa mga tsismis tungkol sa kanila. Hindi naman totoo ang mga tsismis na iyon. Napakahirap na iyon para sa dalawang misyonerong ito. Pero, ang sabi ni Kristo na mapalad ang mga taong pinag-uusig at pinagwiwikaan ng masama nang dahil kay Kristo. Kahit na hindi totoo ang sinasabi ni Choco, hindi nila isinuko ang kanilang pananampalataya sa Panginoon. Nanatili silang tapat sa Panginoon at patuloy nilang ginawa ang kanilang misyon sa kabila ng kanilang reputasyon. 

Isang araw, gusto nilang binyagan ang anak ni Matapang. Ngunit dahil na-impluwensiya ni Choco si Matapang, hindi niya pinayagang mabinyagan ang kanyang anak. Kahit ano pa ang mga ginawa at sinabi nina Padre Diego Luis de San Vitores at San Pedro Calungsod, hindi pumayag si Matapang. Hinintay nila hanggang sa umalis si Matapang. Noong umalis si Matapang, bininyagan ang kanyang anak na may pahintulot ng asawa ni Matapang. 

Nang nabalitaan ni Matapang na bininyagan ang kanyang anak, lalo siyang nagalit kina Padre Diego Luis de San Vitores at Pedro Calungsod. Binalak na niyang patayin siya. Kinailangan niya ang tulong ni Hirao upang patayin ang dalawang misyonero. Si Hirao ay nagtaka noong una sapagkat mababait na tao sina Diego Luis de San Vitores at Pedro Calungsod. Pero, sinabihan siya ni Matapang na duwag siya kapag hindi siya sumama kay Matapang. Upang patunayan na hindi siya duwag, sumama si Hirao kay Matapang,

Pinaligiran nina Matapang at Hirao sina San Pedro Calungsod at Padre Diego Luis de San Vitores. Galit na galit na sa mga misyonero sina Matapang at Hirao. Tinarget muna nila si San Pedro Calungsod. Si Pedro Calungsod ay nakailag sa una at pangalawang sibat. Nagkaroon sana ng pagkakataon si Pedro Calungsod na tumakbo at makatakas upang maligtas niya ang kanyang sarili, pero hindi niya ginawa iyon. Bagkus, ipinagtanggol pa rin niya si Padre Diego kahit nagkaroon siya ng pagkakataong makatakas. Tinamaan siya ng pangatlong sibat, at namatay. Naging matapang si San Pedro Calungsod hanggang sa kamatayan.

Tunay na matapang si San Pedro Calungsod. Hindi niya iniwan si Padre Diego Luis de San Vitores. Hindi siya nawalan ng pananalig sa Diyos. Hindi siya natakot sa kamatayan. Kahit nagkaroon siya ng pagkakataong makatakas at iligtas ang sarili, inalay niya ang kanyang buhay para sa Diyos. Pinagpala nga si San Pedro Calungsod, dahil kahit gaano mang kahirap ang buhay-misyonero, pinili niyang maging matapang at ipahayag ang Salita ng Diyos sa mga katutubo ng Guam. 

Linggo, Marso 30, 2014

WALANG PINIPILING ARAW ANG PAGGAWA NG MABUTI

Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma (A) 
1 Samuel 16, 1b. 6-7. 10-13a/Salmo 22/Efeso 5, 8-14/Juan 9, 1-41 (o kaya: 9, 1. 6-9. 13-17. 34-38)


Isa pong mahabang Ebanghelyo ang mapapakinggan natin ngayong Linggo. Ang ating Ebanghelyo ay tungkol sa pagpapagaling ng Panginoong Hesus sa isang lalaking ipinanganak na bulag. Kakaiba ang proseso ng pagpapagaling ni Hesus sa lalaking ito. Maaaring pagalingin ni Hesus kaagad, pero may proseso sa pagpapagaling Niya sa lalaking ipinanganak na bulag. 

Ayon sa mga Hudyo, kapag bulag ang isang tao, ibig sabihin noon ay isa siyang makasalanan. Ang pagkabulag ng isang tao ay parusa ng Diyos bilang kabayaran sa kasalanang ginawa niya. Kapag ang isang tao ay bulag mula sa kanyang kapanganakan, hindi lang siya ang nagkasala. Ang kanyang mga magulang pa ang nagkasala. Ito ang ginanti ng Diyos sa mga magulang ng bata dahil sa kanilang kasalanan - ang kanyang pagkabulag. 

Para kay Kristo, hindi naging sanhi ang kanyang kasalanan o ng kanyang mga magulang ang kanyang pagkabulag mula sa pagkabata. Naging bulag ang lalaking ito upang maisalarawan sa pamamagitan niya ang kapangyarihan ng Diyos. May dahilan ang pagkabulag ang lalaking ito. Naging bulag siya dahil siya'y magiging instrumento ng Diyos upang makita natin sa pamamagitan ng kanyang pagpapagaling ang kapangyarihan ng Diyos. 

Kakaiba ang paraan ng pagpapagaling ng Panginoon sa lalaking ito. Hindi kaagad na pinagaling ng Panginoong Hesus ang lalaking ipinanganak na bulag, katulad ng pagpapagaling Niya kay Bartimeo (Marcos 10, 46-52). Kahit na kayang pagalingin ng Panginoon kaagad ang lalaking bulag sa pamamagitan ng Kanyang salita, hindi ito makikita sa ating Ebanghelyo. May proseso ang pagpapagaling sa lalaking bulag mula pa sa kanyang pagkabata. 

Una, nilagyan ni Hesus ng putik ang mga mata ng lalaking bulag. Pangalawa, inutusan ni Hesus ang lalaking bulag na maghilamos sa deposito ng tubig sa Siloe. Ang kahulugan ng Siloe ay sinugo. Masasabi natin na hindi lang inutusan ni Hesus ang lalaki na maghilamos sa Siloe, kundi sinugo Niya. Sapagkat pagkahilamos ng lalaki, makakakita na ang lalaki. At pangatlo, sinunod ng bulag ang utos ni Hesus at dahil sinunod niya ang utos ni Hesus, nakakita na siya.

Ipinapakita ng proseso ng pagpapagaling sa lalaking bulag na kailangang natin manalig at sumunod sa utos ng Panginoong Hesukristo. Kung hindi nanalig at sumunod ang lalaking bulag, hindi siya papagalingin ng Panginoon. Kahit gaanong mapagpala ang Panginoon, iginagalang Niya ang ating desisyon. Hindi tayo pipilitin ng Panginoon na tanggapin ang Kanyang alok sa atin. Inalok ni Hesus sa lalaking bulag na makakita kung susunduin Niya ang Kanyang utos. Sumunod ang lalaki sa utos ni Hesus at ginantimpalaan siya ni Hesus ng paningin. 

Ano naman ang naging reaksyon ng mga tao nang makita nila nakakakita na ang lalaking bulag? Nakakalungkot, hindi sila naging masaya para sa kanya, lalung-lalo na ang mga Pariseo, na naging mga katalo ng lalaking bulag. Pinagdududahan nila kung bakit si Hesus ay nagpapagaling sa Araw ng Pamamahinga. Labag sa batas ng mga Hudyo ang magtrabaho sa Araw ng Pamamahinga. Hindi lang ito ang unang pagkakataon ng pagpapagaling ni Hesus sa Araw ng Pamamahinga. Sa deposito ng tubig sa Betseda, pinagaling ni Hesus ang isang lalaking tatlumpu't walong taon nang may sakit. Araw ng Pamamahinga nang pinagaling ni Hesus ang lalaking iyon. Bakit mukhang nilalabag ni Hesus ang utos tungkol sa Araw ng Pamamahinga? 

Ipinapakita ng mga himalang ginawa ni Kristo sa Araw ng Pamamahinga na walang pinipiling araw ang pagpapagawa ng mabuti. Kahit araw ng Linggo, maaari pa rin tayong gumawa ng mabuti. Isa sa mga Sampung Utos ng Diyos ay ang pagbibigay-galang sa Araw ng Panginoon. Pero, kahit anong araw, maaari tayong gumawa ng mabuti sa kapwa. Hindi pinagbabawalan ng Diyos na gumawa ng mabuti sa araw ng Linggo. Dahil ang mga gawa ng kabutihan ay nakalulugod sa paningin ng Diyos. 

Ang mga himala ni Kristo ay hindi mga palabas lamang. Bagkus, ito'y mga gawa ng kabutihan. Hindi Niya ipinagyayabang sa mga tao na kaya Niyang magpagaling ng mga maysakit, mga bulag, mga pipi, at marami pang ibang mga sakit at kapansanan. Si Kristo ay nagpapagaling bilang paggawa ng kabutihan sa sangkatauhan. Ipinapakita ni Kristo ang kapangyarihan at kabutihan ng Diyos sa lahat ng mga tao sa mundo sa pamamagitan ng Kanyang mga gawain. 

Kung walang pinipiling araw ng paggawa ng mabuti ang Diyos, dapat wala rin tayong pinipiling araw upang gumawa ng mabuti sa kapwa. Sinasabi nga ng Panginoon, "Anuman ang ginawa ninyo sa mga pinakahamak na kapatid Kong ito, ito ay sa Akin ninyo ginawa." (Mateo 25, 40) Nawa ay tularan natin ang kabutihang ginawa ni Kristo para sa ating lahat. Hindi naging hadlang ang Araw ng Pamamahinga upang gumawa ng mabuti ang Panginoon. Nawa ay walang humadlang sa atin upang gumawa ng kabutihan sa kapwa-tao, tulad ng ginawa ni Hesus. 

Lunes, Marso 24, 2014

ANG KATAPANGAN AT PAGIGING MASUNURIN NI MARIA

Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon 
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 1, 26-38 


Sa araw na ito ay ipinagdiriwang natin ang pagtalima ng Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos. Ang anghel Gabriel ay nagpakita kay Ginoong Santa Maria at ipinahayag sa kanya na pinili siya ng Diyos upang maging ina ng Panginoong Hesukristo, ang Mesiyas at Tagapagligtas ng sangkatauhan. Kahit hindi niya lubos na maintindihan kung bakit siya pinili ng Diyos, naging matapang si Maria na magsabi ng "oo" sa kalooban ng Diyos. 

Ano naman ang kinalaman ng Solemnidad na ito sa panahon ng Kuwaresma? Tuwing panahon ng Kuwaresma, tayo ay naghahanda ng apatnapung araw para sa Pagdiriwang ng Misteryo Paskwal - ang Pagpapakasakit, Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Hesukristo - na siyang hudyat ng ating pananampalataya. Kung hindi dahil sa "oo" ni Maria sa kalooban ng Diyos, hindi tayo maliligtas mula sa ating mga kasalanan. Ang "oo" ni Maria sa kalooban ng Panginoon ay isang malaking bahagi ng plano ng Diyos. 

Kasabay ng Dakilang Kapistahan natin ngayon ay ipinagdiriwang din natin ang Araw ng mga Sanggol na hindi pa isinilang (Day of the Unborn). Ipinapanalangin natin sa araw na ito ang mga sanggol sa sinapupunan ng kanilang mga ina. Ang Simbahan ay pro-life. Naniniwala tayo na ang buhay ay nagsisimula sa sinapupunan ng isang ina. Isang biyaya mula sa Diyos ang magkaroon ng buhay ng isang tao. Ang buhay natin dito sa lupa ay hiram lamang sa Diyos. Dahil dito, sagrado ang buhay. Hindi natin pag-aaari ang buhay natin dito sa lupa. Galing ito sa Diyos. Kaya, mahalaga ang buhay at dapat nating igalang at gamitin sa mabuti. 

Ang aborsyon o pagpapalaglag ay labag sa kalooban ng Diyos. Nilalabag nito ang batas ng Diyos. Isa sa mga Sampung Utos ng Diyos ay "Huwag pumatay," at "Huwag magnakaw." Ang pagpapalaglag ay uri ng pagpatay. Ang pagpatay ay isang uri ng pagnanakaw. Kung inaakala natin na pisikal at materyal na bagay lamang ang ninanakaw, nagkakamali tayo. Pati buhay, maaaring nakawin ng sinuman sa pamamagitan ng pagpatay. Inaabuso nito ang biyaya ng Diyos. 

Siyam na buwan na dinala ni Maria si Hesus sa kanyang sinapupunan. Nagreklamo ba siya kung bakit kinakailangan niyang magdala ng sanggol sa kanyang sinapupunan? Hindi! Sapagkat alam ng Birheng Maria na may mahalagang papel ang Panginoong Hesus sa mundo. Naparito ang Poong Hesus upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kanilang mga kasalanan. Ang Panginoong Hesus ang ipinangakong Mesiyas, ang magliligtas sa lahat ng tao. Hindi nagreklamo si Maria kung bakit isang birheng katulad niya ang kailangang maging buntis, bagkus tinanggap niya at ginampanan ang papel bilang ina ni Hesus. 

Tatanungin siguro ng mga babae, "Paano kung ayaw kong magkaanak?" Huwag makipagtalik sa lalaki. Self-control. Kung ayaw magkaanak o hindi pa handa na magkaroon ng anak, self-control. Kailangan nating ikontrol ang ating mga sarili. Ang ating katawan at buhay ay galing sa Diyos. Hindi dapat abusuhin ang isang biyaya ng Diyos sa ating lahat. Self-control lang ang kailangan kung hindi pa handa. Huwag ipilit ang sarili. 

Ang ating katawan ay isang Templo ng Espiritu Santo. Hindi dapat sabihin ng sinuman na "Katawan ko 'to! Pwede kong piliin kung anuman ang gusto kong gawin." Kapag gumawa tayo ng masama o abusuhin natin ang ating mga katawan, nilalapastangan natin ang biyaya ng Panginoon. Hindi tayo ang may-ari ng ating katawan at buhay. Ang ating katawan at buhay ay galing sa Diyos at ang Diyos ang tunay na may-ari sa ating mga katawan at buhay. 

Idineklara ng CBCP ang taong ito bilang Taon ng mga Layko (Year of the Laity). Ang tema ng Taon ng mga Layko ay "Called to be Saints, sent forth as Heroes." Ang panawagan ang CBCP sa Taon ng mga Layko ay, "Choose to be Brave." Tinatawag tayo ng CBCP na maging matapang at panindigan kung ano ang tama. Halimbawa lamang dito ay ang isyu tungkol sa pagpapalaglag o aborsyon. Ang dapat gawin ay igalang ang buhay ng tao, lalung-lalo na sa sinapupunan ng isang babae. Hindi kung ano-ano ang nasa loob ng sinapupunan ng babae, bagkus, ito ay isang tao. 

Ang Mahal na Birheng Maria ay naging matapang sa pagtanggap sa kalooban ng Diyos. Ipinapakita niya na sa kabila ng lahat, ang plano ng Diyos ay palaging tama at dapat sundin. Nawa'y tularan natin ang katapangan ng Mahal na Ina na nanindigan para sa Diyos at sumunod sa kalooban ng Diyos. Kung sakaling naging buntis ang isang babae, hindi dapat ipalaglag ang sanggol sa kanyang tiyan. Bagkus, ito ay dapat mabuhay at igalang ang kanyang buhay. 

Sabi ni Hesus sa Juan 10, 10: "Naparito ako upang ang mga tupa'y nagkaroon ng buhay - isang buhay na ganap at kasiya-siya." Naparito si Hesus upang tayo ay magkaroon ng buhay. Paano? Sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang buhay alang-alang sa atin. Inihain ni Hesus ang Kanyang buhay sa Krus upang tayo ay mabuhay. Ang Kanyang kamatayan ay nagbibigay sa atin ng panibagong buhay. Ganon tayo kamahal ng Panginoon. Namatay Siya sa Krus upang tayo ay mabuhay. 

Ang ating katawan at buhay ay sagrado at galing sa Diyos. Igalang natin ito dahil ito ay napakahalaga. Hindi tayo ang may-ari ng ating mga katawan at buhay, hiniram lamang ito mula sa Diyos. Kaya dapat igalang natin ang buhay sapagkat mahalaga ito sa mata ng Diyos. Huwag nating aabusuhin ang biyaya ng Diyos. Kung hindi dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, hindi tayo mabubuhay ngayon. 

Linggo, Marso 23, 2014

TUBIG NG BUHAY

Ikatlong Linggo ng Kuwaresma (A) 
Exodo 17, 3-7/Salmo 94/Roma 5, 1-2. 5-8/Juan 4, 5-42 (o kaya: 4, 5-15. 19b-26. 39a. 40-42)


Bilang tao, lahat tayo ay nagugutom at nauuhaw. Ano ang ating hinihingi kapag tayo ay nagugutom at nauuhaw? Pagkain at inumin, lalung-lalo na ang tubig. Napakaraming inumin sa panahon ngayon. Meron ring gatas, mga soft drinks katulad ng Coke, Royal, Sarsi at marami pang iba. Pero, dapat uminom rin tayo ng tubig. Napakaimportante ang tubig para sa ating kalusugan dahil kung hindi tayo uminom ng tubig, hindi na tayo malusog at masama na iyan para sa ating kalusugan. Kaya, napakaimportante ang tubig para sa ating katawan at kalusugan. Ang tubig ay nakakapawi sa ating pagkauhaw. Ang tubig ay mabuti rin para sa ating kalusugan.

Dalawa sa ating mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa tubig. Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin ang pagrereklamo ng mga Israelita kay Moises. Uhaw na uhaw sila at wala silang mainom sa disyerto. Dahil sa uhaw nila, nagalit sila kay Moises at ibig pa nila siyang batuhin. Dahil dito, si Moises ay inutusan ng Diyos na hampasan ang isang malaking bato sa Horeb upang makainom ang mga Israelita. 

Ang ating Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa pag-uusap ni Hesus at ng babaeng Samaritana. Tatlo ang naging reaksyon at pagkakilala ng Samaritana sa pakikipag-usap niya sa Panginoon. Una, bilang isang Hudyo, pangalawa, bilang isang propeta, at pangatlo, bilang Mesiyas. Naniwala ang babaeng ito na darating ang Mesiyas upang ipakilala ang lahat. Hindi niya inakala na ang kausap niya ay ang Mesiyas. Nakita at nakausap ng babaeng Samaritana ang Mesiyas, si Hesus. 

Noong sinabi ni Kristo na may tubig na walang hanggan, hindi ito naintindihan ng Samaritana sa unang dinig. Akala ng Samaritana na ang tubig na tinutukoy ng Panginoon ay ang literal na tubig, katulad ng tubig na sinasalok niya mula sa balon ni Jacob. Pero, hindi literal na tubig ang tinutukoy ni Kristo. Malalim ang mga sinabi ng Panginoon na sa unang dinig ay hindi maintindihan. 

Kadalasan, nakikita natin ang iba pang mga pagkakataon katulad nito sa Ebanghelyo ayon kay San Juan. Isang halimbawa po ay noong sinabi ni Hesus sa mga Hudyo na itatayo Niya ang templo sa loob ng tatlong araw at inakala ng mga Hudyo na ang templong ibig sabihin ng Panginoon ay ang literal na templo. Bagkus, ang ibig sabihin ng Panginoon ay ang templo ng Kanyang katawan. Maraming pang ibang katulad noon ang nangyayari sa Ebanghelyo ayon kay San Juan.

Ang tubig na tinutukoy ni Kristo ay ang tubig na nakakapawi sa uhaw ng ating kaluluwa. Kung ang ating mga pisikal na katawan ay nauuhaw para sa pisikal na tubig, ang ating kaluluwa rin ay nauuhaw para sa Panginoon. Ang tubig sa mundo ay nakakapawi sa ating pagkauhaw, pero bumabalik pa tayo uli at sumasalok ng tubig dahil nauuhaw tayo uli. Palagi tayong nauuhaw at paulit-ulit ito nangyayari. Pinapangako sa atin ni Hesus na kapag lumapit tayo sa Kanya, hindi na tayo muling mauuhaw. Kaya, ang tubig ni Hesus ay ang tubig ng buhay. 

Kung ang hinahanap natin ang tubig ng buhay dito sa mundo, mapapagod lang tayo. Hindi matatagpuan dito sa mundo ang tubig ng buhay. Kahit gaanong kahirap nating hinahanap ang tubig ng buhay na ipinapangako sa atin ni Hesus, hindi natin mahahanap ang tubig ng buhay dito sa mundo. Ang Diyos lamang ang nakakapawi sa ating pagkauhaw. Huwag nating ilito ang tubig ng buhay sa tubig na nakikita natin dito sa mundo. Ang tubig ng buhay ay matatagpuan natin sa Diyos. 

Maraming iba pang mga uri ng pagkauhaw dito sa mundo. Pagkauhaw sa yaman, pag-ibig at marami pang iba. Kung mahanap natin dito sa mundo, malamang mauuhaw tayo muli. Walang bagay dito sa mundo ang papawi sa uhaw ng ating kaluluwa. May mas malalim pa tayong kinauuhawan. Paano natin mapapawi ang pagkauhaw ng ating kaluluwa? Ang Diyos lamang ang makakapawi sa pagkauhaw natin. 

Anuman ang ating kinauuhawan sa buhay, lumapit tayo sa Panginoon at ibibigay Niya sa atin ang tubig ng buhay. Tanungin natin ang ating sarili, "Ano ang aking kinauuhawan?" May papawi sa ating pagkauhaw - ang Diyos. Ibibigay sa atin ng Diyos ang tubig ng buhay na magpapawi sa ating pagkauhaw at hinding-hindi tayo mabibitin ng tubig na iyon. 

Martes, Marso 18, 2014

SAN JOSE: HUWARAN NG MGA LAYKONG AMA

Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen 
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a)


Dalawa po ang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa karangalan ni Señor San Jose. Ang una po ay bilang Esposo ng Mahal na Birheng Maria at Ama-amahan ng Panginoong Hesukristo. Ang pangalawa naman ay bilang Manggagawa. Pero, ang kapistahan natin ngayon ay higit pa sa karaniwang kapistahan. Sapagkat sa kalendaryo ng Simbahan, ang pagdiriwang natin ngayon ay ang Solemnidad o Dakilang Kapistahan ni San Jose bilang Esposo ng Mahal na Ina at Ama-amahan ni Kristo. 

Ang Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa relasyon ni San Jose kay Maria bago pa isinilang si Hesus. Mag-nobyo sina Jose at Maria at dahil sa pagmamahalan nila ay inisip nilang magpakasal. Nakatakda na silang magpakasal, ngunit may dumating na isang problema sa buhay at relasyon ng mag-nobyo. Natuklasang buntis ang Mahal na Ina at para bang isang iskandalo na ito sa mata ng tao. Bago pa mang magpakasal ang Mahal na Birhen kay San Jose, natagpuan siyang buntis. 

Dahil dito, inisip ni San Jose na hiwalayan si Maria alang-alang sa kapananan nila. Kung nagsama pa rin sila, mapapahiya sila ng mga taong makakausap nila. Siguro, ang mga katrabaho ni Jose ay iiwas sa kanya dahil sa reputasyon ng pagiging ama ng isang anak sa labas. Halos lahat ng mga tao ay iiwas sa kanila dahil sa iskandalong iyon. Magkakaroon sila ng reputasyon dahil sa iskandalong iyon at mga masasamang pangalan ang tatawagin nila sa mag-nobyo. Alang-alang sa kanilang reputasyon, hiniwalay ni Jose si Maria upang walang mapahiya. Pero, ang balak ni Jose na maghiwalay kay Maria ay tahimik, upang hindi mapahiya si Maria. 

Pero, nagpakita ang isang anghel kay Jose sa panaginip. Dala ng anghel ang isang utos ng Diyos - pakasalan si Maria. Ipinaliwanag ng anghel kung bakit. Hindi nakipagtalik si Maria sa sinumang tao. Naglihi si Maria sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Hindi siya ipinagkanulo ni Maria. Hindi rin pangkaraniwan ang batang dinadala ni Maria sa sinapupunan niya. Kahit na may pagdududa si Jose tungkol kay Maria at sa kanyang katapatan kay Jose, kung inuutos ng Diyos na magpakasal kay Maria, sinunod niya ito. Hindi siya nagsalita o nagtanong, sumunod siya sa katahimikan. 

Mapapansin natin na si San Jose ay hindi nagsalita sa Bibliya. Tahimik si Jose, walang salitang namutawi mula sa bibig niya sa Bagong Tipan. Kapag binabanggit o nasa eksena siya sa Bibliya, hindi siya nagsasalita. Bagkus, siya'y gumagawa. Ang mga gawa ni Jose ang nagsasalita para sa kanya. Noong inutusan ng Diyos sa pamamagitan ng anghel na pakasalan si Maria, hindi siya nagsalita. Sinunod niya talaga ang utos ng Diyos at ang ginawa niyang iyon ang nagsalita para sa kanya.

May isang kasabihan sa wikang Ingles, "Actions speak louder than words." Ang mga ginawa ni San Jose na nakasulat sa Bibliya ay patunay na siya'y masunurin sa kalooban ng Diyos. Kahit sa panahon ng pagsubok, hindi nagsasalita si Jose, ginagawa niya ang iniuutos sa kanya ng Diyos. Noong nagpakita ang anghel ng Panginoon at nagbalita tungkol sa balak ni Herodes, walang itinanong si Jose, bagkus, dinala niya ang mag-inang Maria at Hesus papunta sa Ehipto hanggang sa pagpanaw ni Herodes. Noong namatay si Herodes, doon lamang sila bumalik. 

Isa pa pong halimbawa ng mahalagang ginawa ni San Jose ay ang pagsama niya sa Mahal na Birhen noong nawala ang Panginoon nang tatlong araw. Tatlong araw hinanap nina Jose at Maria ang batang Hesus na nawawala sa Jerusalem. Isinama ni Jose si Maria habang nawawala si Hesus nang tatlong araw. Noong mahanap nila si Hesus sa templo, walang sinabi si Jose. Bagkus, siya'y nanatiling tahimik at iniuwi niya sina Maria at Hesus kung saan sila'y nabuhay bilang pamilya na tunay na nagmamahalan. 

Tahimik na sinunod at ginampanan ni San Jose ang kanyang pananagutan sa Diyos bilang amain ni Kristo sa lupa. Hindi madali ang gumanap bilang ama-amahan ng Anak ng Diyos, ngunit ginampanan niya ito nang mabuti. Sinundan rin ni Jose ang bawat utos ng Diyos tungkol sa kapakanan ng Kanyang Anak. Masipag na nagtrabaho si San Jose para sa mag-inang sina Maria at Hesus. Binuhay at tunay na minahal ni Jose si Maria bilang esposo at si Hesus bilang anak hanggang sa araw ng kanyang kamatayan kung saan ay ginantimpalaan siya ng Diyos para sa kanyang pagiging masunurin sa kalooban Niya at pagiging ama-amahan ng Mesiyas.