15 Setyembre 2024
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon [B]
Isaias 50, 5-9a/Salmo 114/Santiago 2, 14-18/Marcos 8, 27-35
"Mga kapatid, ano ang mapapala ng isang tao kung sabihin man niyang siya'y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya [ito] pinatutunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng gayong pananampalataya?" (Santiago 2, 14). Sa mga salitang ito ni Apostol Santo Santiago na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa nakatuon ang taimtim na pagninilay ng Simbahan sa Linggong ito. Isinasalungguhit sa mga salitang ito ang ugnayan ng pananamapalataya at gawa. Bilang mga bumubuo sa Simbahan tatag ni Kristo mismo, dapat nating isabuhay ang ating pananampalataya.
Inilahad sa unang dalawang taludtod ng Salmong Tugunan ang isang maikling buod ng kasaysayan ng pagligtas at pagpapalaya ng Panginoon sa mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Ang kahanga-hangang gawang ito ng Diyos ay nagpatunay ng Kaniyang pag-ibig, habag, at awa para sa Kaniyang bayan. Hindi lamang inihayag sa mga ang Kaniyang pag-ibig, habag, at awa sa pamamagitan ng Kaniyang mga salita sa Kaniyang lingkod na si Moises. Pinatunayan pa Niya ito.
Ang Unang Pagbasa at Ebanghelyo ay tungkol sa misyon ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo, ang Nazareno. Inihayag sa Unang Pagbasa na si Jesus Nazareno ay magbabata ng maraming hirap, sakit, at pagdurusa bilang Mesiyas at Manunubos na bigay ng Diyos. Sa Ebanghelyo, matapos ihayag ng unang Santo Papa ng Simbahan na walang iba kundi si Apostol San Pedro na si Jesus Nazareno ay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Diyos para sa ikaliligtas ng sangkatauhan, inilarawan naman ng Poong Jesus Nazareno ang kailangan Niyang gawin bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ang pag-ibig, habag, at awa ng Diyos ay patutunayan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa buong sangkatauhan lahat sa pamamagitan ng Kaniyang Misteryo Paskwal.
Pati ang Diyos, pinatutunayan ang Kaniyang mga salita. Ang mga kahanga-hangang himala ng Diyos na ginawa Niya noon, sa kasalukuyan, at maging sa kinabukasan ay mga patunay ng Kaniyang dakilang pag-ibig, habag, at awa para sa lahat. Katunayan, ang Krus at Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak na ipinagkaloob Niya sa tanan bilang ipinangakong Mesiyas, ay ang pinakadakilang patunay ng Kaniyang dakilang pag-ibig, habag, at awa para sa lahat. Hindi lamang Niya inihayag ang Kaniyang mga salita sa pamamagitan ng mga salita lamang. Bagkus, pinatunayan Niya ito sa pamamagitan ng Kaniyang mga gawa.
Kaya naman, ang sabi ng Poong Jesus Nazareno sa huling bahagi ng Ebanghelyo na ang mga naghahangad na maging Kaniyang mga tagasunod ay dapat kalimutan ang sarili, pasanin ang kani-kanilang mga krus, at sumunod sa Kaniya (Marcos 8, 34). Sa pamamagitan nito, mapapatunayan ang taos-pusong pananalig at pananampalataya ng bawat isa. Ito ang dapat nating gawin bilang Simbahan.
Hindi lamang sa pamamagitan ng mga salita nahahayag ang ating pananampalataya bilang Simbahan. Bagkus, ito ay dapat nating isabuhay araw-araw. Kung paanong inihayag ng Panginoong Diyos ang Kaniyang pag-ibig, habag, at awa sa pamamagitan ng Kaniyang mga salita at gawa, dapat rin nating ihayag ang ating taos-pusong pag-ibig, pananalig, katapatan, debosyon, pamamanata, pananampalataya, at pagsamba sa Kaniya na Siyang umiibig sa atin nang buong katapatan.