Martes, Pebrero 17, 2015

PANALANGIN, PAG-AAYUNO, PAGKAKAWANGGAWA

Pebrero 18, 2015
Miyerkules ng Abo 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18 



Tuwing Miyerkules ng Abo, ang Ebanghelyong mapapakinggan natin ay hango sa ika-6 na kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo. Ito po ay bahagi ng pangangaral ni Hesus sa bundok. Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin na tinuturuan tayo ni Hesus ng tatlong bagay - panalangin, pag-aayuno, at pagkakawanggawa. Ang tatlong gawaing ito ay napakahalaga at napaka-importante para sa ating mga Kristiyano. 

Una, PANALANGIN. Ang panalangin ay napakahalaga. Napakaimportante ang panalangin para sa ating mga Kristiyano. Sa pamamagitan ng pananalangin, naaalala natin at binibigyan natin ng panahon ang Diyos. Lumalalim din ang ating pananampalataya sa Diyos sa tuwing tayo ay nananalangin. Kapag hindi tayo nananalangin, hindi lalalim ang ating pananampalataya sa Diyos. Makakalimutan natin ang Diyos kapag hindi tayo nagdasal. 

Sa pamamagitan ng panalangin, nakikipag-usap tayo sa Diyos. Bagamat hindi maririnig ng ating mga tainga ang sagot ng Diyos, kinakausap tayo ng Diyos sa katahimikan. Ang katahimikan ang wika ng Diyos sa atin. Laging handa at laging nandiyan ang Diyos upang kausapin tayo. Binibigyan tayo ng kapayapaan, kalakasan at inspirasyon ng Diyos sa ating pakikipag-usap sa Kanya. 

Pangalawa, PAG-AAYUNO. Isang paraan ng pagsasakripisyo ang pag-aayuno. Ang pag-aayuno ay isang pamamaraan ng penitensya. Kapag tayo ay nagpepenitensya, nagtitiis tayo katulad ni Kristo. Tinutularan natin kahit sa mga munting paraan ang pagsasakripisyo ng Panginoong Hesukristo. Tiniis ng Panginoon ang apatnapung araw sa ilang na walang pagkain at tiniis din Niya ang sakit dulot ng Kanyang pagpapaksakit para sa ating lahat. 

Bakit nagsakripisyo si Hesus? Dahil sa pagmamahal. Pagmamahal ang dahilan kaya't inialay ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus. Ang dakilang pag-ibig ni Hesus ang dahilan kaya't ibinuwis Niya ang Kanyang buhay para sa atin. Ito rin ang tunay na dahilan ng pag-aayuno at pagpepenitensya. Hindi tayo nag-aayuno at nagpepenitensya dahil sa tradisyon lamang ito. Ang tunay na dahilan ng pag-aayuno at pagpepenitensya natin ay dahil mahal natin ang Panginoon, at nakikiisa tayo sa Kanyang pagtitiis, kahit sa pinakamunting paraan. 

Ang pagsasakripisyo ay ginagawa alang-alang sa pag-ibig. Hindi ba, handa tayong magtiis at magsakripisyo para sa mga mahal natin sa buhay? Ganun din ang ginawa ni Hesus sa Kalbaryo. Inihain ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus upang tayo ay mabuhay. Ganyan tayo kamahal ni Hesus. Iyan ang tunay na pag-ibig. Ang tunay na pag-ibig, handang magsakripisyo. 

Ikatlo, PAGKAKAWANGGAWA. Ang mga Korporal at Espirituwal na Gawa ng Awa ay mga halimbawa ng pagkakawanggawa. Tinutulungan natin ang mga kapwa nating maralita sa pamamagitan ng pagkakawanggawa. Ipinapakita natin sa mga maralita sa pamamagitan ng pagkakawanggawa ang ating pagdamay sa kanila. Ipinapaalala natin sa mga kapatid nating mahihirap na may karamay sila sa kanilang paghihirap. Hindi sila nag-iisa. 

Tandaan po natin ang sinasabi ng Panginoong Hesus sa ika-25 kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo, "Anuman ang ginawa ninyo para sa pinakahamak na kapatid Kong ito, ginawa ninyo ito para sa Akin." (Mateo 25, 40) Hindi lamang ginagawa natin ito para sa isang taong dukha. Ginagawa natin iyon para sa Panginoon. Kung paano tayo kinahabagan at dinamayan ng Panginoon, gayon din naman, kahabagan at damayan din natin ang ating kapwang nangangailangan. 

Hinihikayat tayo ng Simbahan ngayong panahon ng Kuwaresma na gawin at sanayin ang tatlong ito - pananalangin, pag-aayuno, at pagkakawanggawa. Ang tatlong pagsasanay na ito ay napakahalaga para sa ating espirituwal na pamumuhay. Sa ating pagbabalik-loob sa Diyos, lalung-lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma, ating pagsanayin ang tatlong ito. Kung paanong kinaawaan at dinamayan tayo ng Diyos, ganun din naman, dapat nating kaawaan at damayan ang ating kapwa, lalung-lalo na ang mga kapatid at kapanalig nating dukha. 

Ang panahon ng Kuwaresma ay panahon ng pagsisisi at pagbabalik-loob. Ang panahon ng Kuwaresma ay panahon ng pananalangin, pag-aayuno at pagkakawanggawa. Ang panahon ng Kuwaresma ay panahon ng pag-ibig. Nawa'y maging makabuluhan ang ating paggunita sa panahon ng Kuwaresma at Mahal na Araw. Gamitin natin nang mabuti ang mga araw sa banal na panahon ng Kuwaresma para sa panalangin, pag-aayuno, pagkakawanggawa, pagsisisi at pagbabalik-loob sa ating Panginoong Diyos na puno ng awa at habag. 

Lunes, Pebrero 16, 2015

ANO ANG MIYERKULES NG ABO?

Katesismo para sa Panahon ng Kuwaresma 


Ang Miyerkules ng Abo ang hudyat ng pagsisimula sa panahon ng Kuwaresma o ang Apatnapung Araw ng Paghahanda para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay. Sa pagdiriwang ng Banal na Misa sa araw na ito, binabasbasan at pinapahiran ang abo sa mga noo ng mga tao. Ang wika ng pari sa bawat isang pinapahiran niya ng abo sa ulo, "Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya," o kaya, "Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas ang iyong babalikan." 

Matutunghayan natin sa Matandang Tipan na ang abo ay tanda ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Noong ipinahayag ni Propeta Jonas sa mga taga-Ninive na gugunawin ang Ninive pagkatapos ng apatnapung araw, ang lahat ng mga taga-Ninive; kahit ang hari ng Ninive, ay nagdamit ng sako, naupo sa abo at nag-ayuno, bilang tanda ng kanilang pagsisisi sa kanilang mga kasalanan. Dahil sa ginawang pagsisisi at pagbabalik-loob ng mga taga-Ninive, hindi itinuloy ng Diyos ang Kanyang plano na gunawin ang bayan ng Ninive. 

Sa pasimula ng Kuwaresma, hinihikayat tayo ng Santa Iglesia na magsisi at magbalik-loob. Katulad ng mga wika ng pari sa atin sa pagpapahid ng abo sa ating mga noo, "Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya." Tinatawag tayo ng Panginoon na magbagong-buhay. Kinakailangang talikuran natin ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Ang Diyos ay punung-puno ng awa at habag sa ating lahat. Hinhintay Niya ang ating pagbabalik-loob sa Kanya, katulad ng paghihintay ng ama sa pagbalik ng alibugang anak (Lucas 15, 11-32). 

Pinapaalala din sa atin ng Simbahan na pansamantala lamang ang ating buhay dito sa lupa. Sinasabi rin ng pari sa atin sa pagpapahid ng abo sa ating mga noo, "Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas ang iyong babalikan." Ipinapaalala sa atin na hindi tayo mabubuhay magpakailanman dito sa lupa. Sa mga simpleng salita, ang ibig sabihin noon ay mamamatay din tayong lahat balang araw. Ang buhay natin sa mundo ay isang paglalakbay. Darating din ang araw ng pagtatapos ng ating paglalakbay dito sa lupa. 

May ugnayan ang dalawang ito. Tayong lahat ay pinapaalalahanan ng Simbahan na pansamantala lamang ang ating buhay dito sa sanlibutan. Tinatawagan din tayo ng Simbahan na magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Habang may panahon pa, pagsisihan natin ang ating mga kasalanan at magbalik-loob tayo sa Diyos. Ang panahon ng Kuwaresma ay banal sapagkat ito ay isang panahon ng pagbabalik-loob. Ngayong panahon ng Kuwaresma, lalung-lalo na sa Miyerkules ng Abo, talikuran natin ang kasamaan at manumbalik tayo sa Diyos. Ang Kuwaresma ay ang panahon ng pagtitika at pagbabalik-loob sa Diyos. 

Sabado, Pebrero 14, 2015

MANALIG SA HABAG AT MALASAKIT NG PANGINOON

Pebrero 15, 2015 
Ika-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Levitico 13, 1-2. 44-46/Salmo 31/1 Corinto 10, 31-11, 1/Marcos 1, 40-45 



Natunghayan natin ang makasaysayang pagdalaw ng Santo Papa Francisco sa Pilipinas noong nakaraang buwan. Ang tema ng apostolikong pagdalaw ng Santo Papa Francisco sa Pilipinas ay, "Habag at Malasakit." Mula sa una at huling araw ng pananatili ng Santo Papa sa ating bansa ay ipinadama niya sa ating lahat ang awa at habag ng Panginoong Diyos, lalung-lalo na sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyong Yolanda sa Leyte noong 2013. 

Awa at malasakit din ang naging dahilan ng pagparito ng Panginoong Hesukristo sa sanlibutan. Sa Miyerkules (Pebrero 18) ay sisimulan natin ang banal na panahon ng Kuwaresma. Sa pamamagitan ng panahon ng Kuwaresma, pinagninilayan natin ang awa at habag ng Panginoon sa sangkatauhan. Iisa lamang ang dahilan ng pagparito ni Hesukristo - awa at habag sa sangkatauhan. 

Bago pumasok sa banal na panahon ng Kuwaresma, matutunghayan natin sa Mabuting Balita ngayong araw ng Linggo ang habag at malasakit ni Hesus. Sa Ebanghelyo, natunghayan natin kung paanong naawa si Hesus sa isang ketongin. Ang ketonging ito ay hindi makaranas ng kausap o karamay. Nag-iisa lamang ang ketongin sa kanyang pagdurusa. Wala siyang karamay o kaisa. 

Mahirap ang buhay para sa isang ketongin. Noong kapanahunan ni Hesus, ang mga ketongin ay hinihiwalay mula sa lipunan. Hindi sila kabilang sa lipunan ng mga Hudyo sapagkat sila'y marumi. Ang mga ketong ay nahiwalay sa kanilang mga mahal sa buhay, mga kaibigan, etc. Bawal lumapit sa kanila ang mga tao. Kapag may mga taong papalapit sa kanila, sisigaw sila ng, "Marumi! Marumi!" upang hindi mahawaan ng ketong ang ibang tao. 

Noong mabalitaan ng ketongin sa Ebanghelyo ang lahat tungkol kay Hesus, lumapit siya kay Hesus at hiniling na pagalingin siya mula sa kanyang ketong. Buong pananalig siyang naniwala na si Hesus lamang ang may kakayahang magpagaling sa kanya. Nagmakaawa siya at nagpaalam kay Hesus na pagalingin siya. Humihingi siya ng awa at habag mula kay Kristo upang mapagaling siya ni Kristo.  

Ang awa at malasakit ni Kristo ang nag-udyok sa Kanya na pagalingin ang ketongin mula sa kanyang sakit. Naaawa si Kristo sa ketongin. Alam ng Panginoon na nagdurusa ang ketongin dahil hindi niya makakasama ang kanyang pamilya at kaibigan. Hiniwalay at hindi tinanggap ng lipunan ang ketongin dahil sa kanyang karamdaman. Tagalabas ang ketonging ito. Matagal nang nagdurusa ang ketongin dahil sa pagtingin sa kanya ng lipunan. 

Dahil sa habag at malasakit ng Panginoon, nawala ang ketong ng ketongin sa Ebanghelyo. Bumalik sa dati ang kanyang balat. Makutis na ang kanyang balat. Wala nang ketong. Makakapiling niya muli ang kanyang mga pamilya at kaibigan. Ang himalang ginawa ni Hesus sa ketongin ay nagdulot ng malaking kagalakan sa kanya. Pinalaya ang ketongin ni Hesus mula sa kanyang ketong, at ito'y nagdulot ng malaking tuwa sa lalaking may ketong noon. 

Katulad ng ketongin sa Ebanghelyo, manalig tayo sa habag at malasakit ng ating Panginoon. Ang Diyos ay isang diyos na maawain at mahabagin. Walang makakatumbas sa awa at malasakit ng Diyos sa atin. Humingi tayo sa Diyos ng Kanyang awa at habag. Manalig lamang tayo na tayo'y kahahabagan at kaaawaan ng Diyos. Laging nakahanda ang Diyos na ipadama sa lahat ang Kanyang habag at malasakit. Ang habag at malasakit ng Diyos ay napakalaki at napakadakila. Hindi ito mapapantayan. Magtiwala lang tayo sa awa at habag ng Diyos. 

O Diyos, kaawaan at kahabagin Mo kami, lalung-lalo na sa mga matitinding pagsubok sa aming buhay. Amen. 

Linggo, Pebrero 8, 2015

KAY HESUS SA PAMAMAGITAN NI MARIA

Pebrero 11, 2015 - Miyerkules
Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes 
Isaias 66, 10-14k/Judith 13/Juan 2, 1-11



Ang Ebanghelyo ngayong Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes ay tungkol sa Kasalan sa Cana. Napakahalaga sa buhay ng Panginoong Hesukristo at ng Mahal na Birheng Maria ang pangyayari sa Kasalan sa Cana. Sa Kasalan sa Cana, ginawang alak ang tubig. Nangyari ito dahil sa kapangyarihan ni Hesus. Ipinamalas ni Hesus sa unang pagkakataon ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos sa pamamagitan ng himalang ito. Pero, napakalaki at napakahalaga ng papel ng Mahal na Inang Maria sa unang himala ng Panginoong Hesus. 

Bakit tayong mga Katoliko ay nananalangin sa Mahal na Birheng Maria? Ito ang madalas tanungin ng mga Protestante at ng taga-ibang sekta. Para sa kanila, dapat idiretsyo natin ang ating mga panalangin sa Panginoon. Hindi na kailangang manalangin sa Mahal na Inang Maria o sa mga santo. Bakit? Ang Panginoong Hesukristo ang nag-iisang Tagapamagitan sa pagitan ng Diyos Ama at ng buong sangkatauhan. Bakit nga ba tayo nananalangin sa Mahal na Ina? 

Sa Mabuting Balita ngayon, natunghayan natin ang dahilan kung bakit nanalangin tayo sa Mahal na Birheng Maria. Noong naubusan ang alak sa kasalan, hindi lumapit ang mga katulong sa Panginoong Hesus. Sino ang nilapitan ng mga katulong? Si Maria ang unang nilapitan ng mga katulong. At si Maria ang lumapit kay Hesus upang sabihin sa Kanya na naubusan sila ng alak. 

At ano ang tugon ni Hesus? Ginawa ni Hesus ang hiningi ni Maria. Bagamat sinabi ni Hesus kay Maria na hindi pa dumating ang Kanyang oras, tinupad ni Hesus ang kahilingan ni Maria. Inutusan pa nga ni Maria ang mga katulong, "Gawin ninyo ang anumang sinasabi Niya sa inyo." (Juan 2, 5) Nananalig siya kay Hesus. Nananalig si Maria na tutuparin ni Hesus ang hinihiling niya. Ang kahilingan ni Maria ay hindi para sa kanyang sarili; ito ay para sa mga nasa kasalan. Si Maria ang humiling kay Hesus para sa mga taong nasa kasalan. 

Itinuturo ng Simbahan na ang Panginoong Hesus ang nag-iisang Tagapamagitan sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan. Subalit, tinutulungan din tayo ng Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng kanyang mga panalangin sa kanyang Anak, ang Panginoong Hesukristo. Ang Mahal na Birheng Maria, kasama ng mga banal sa langit, ay nananalangin para sa ating lahat dito sa lupa kay Hesukristo. Hinding-hindi sila nakakalimot na ipagdasal tayo sa Panginoon, lalung-lalo na ang Mahal na Ina, ang Inang Maria. 

Hindi lamang iyan, tayong lahat, humihingi tayo ng mga panalangin mula sa ating kapwa. Bilang mga Kristiyano, hinihiling natin sa ating kapwa na tayo'y ipagdasal. Halimbawa, kapag may pagsusulit, hindi ba sinasabi natin sa ating mga kakilala, "Ipagdasal mo ako na sana'y makapasa ako." Ganun din po ang ginagawa natin kapag tayo ay nananalangin sa Mahal na Inang Maria at sa lahat ng mga banal na nasa langit. Hinihiling natin sa Mahal na Ina at sa lahat ng mga banal na ipanalangin tayo kay Hesus, ang Tagapamagitan ng Diyos at ng sangkatauhan. 

"Kay Hesus sa pamamagitan ni Maria." (Ad Jesum Per Mariam) Ang layunin ng ating mga debosyon, lalung-lalo na sa Panginoong Hesukristo at sa Mahal na Birheng Maria, ay lapitan tayo sa Panginoong Hesus. Halimbawa, ang ating debosyon sa Mahal na Birhen ng Lourdes. Sa pamamagitan ng ating debosyon sa Mahal na Ina sa ilalim ng anumang titulo (Inmaculada Concepcion, Birhen ng Lourdes, Ina ng Laging Saklolo, etc.), tayo ay pinapalapit ng Mahal na Ina kay Hesus. 

Ngayon po ay ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes. Idalangin nawa natin sa Mahal na Birhen ng Lourdes na tayo ay akayin niya patungo sa kanyang Anak, ang Panginoong Hesus. Ang Mahal na Birheng Maria, ang Mahal na Birhen ng Lourdes, ay ang atin ding ina. Hindi lamang siya ang ina ng Panginoong Hesukristo. Ang Mahal na Inang Maria ay ina din natin. 

Ang Mahal na Birheng Maria, bilang ina ng Panginoong Hesukristo at ating ina, ay hindi nagpapabaya. Patuloy tayong idadalangin ng Mahal na Inang Maria kay Hesus na nawa'y hindi tayo maligaw ng landas. Bilang ina natin, hinding-hindi tayo kakalimutan ni pababayaan ng Mahal na Birheng Maria. Lagi niya tayong gagabayan at aakayin patungo kay Hesus, kahit ilang ulit maligaw tayo ng landas. 

HANDANG MAGLINGKOD KAHIT SAAN, KAHIT KAILAN

Pebrero 8, 2015
Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Job 7, 1-4. 6-7/Salmo 146/1 Corinto 9, 16-19; 22-23/Marcos 1, 29-39 


Nagsimula ang Mabuting Balita ngayong Linggo sa pamamagitan ng pagpapagaling ni Hesus sa biyenan ni San Pedro Apostol. Pinaglingkuran ni Hesus ang biyenan ni San Pedro Apostol sa pamamagitan ng pagpapagaling sa kanya mula sa kanyang lagnat. Kahit galing si Hesus sa sinagoga, naglingkod pa rin si Hesus. Pinili pa rin ni Hesus ang maglingkod. Si Hesus ang unang naglingkod, at pinaglingkuran din naman Siya ng biyenan ni San Pedro pagkagaling niya. 

Pagtatakipsilim, muli na namang nagpagaling si Hesus. Nagpagaling Siya ng maraming maysakit at nagpalayas ng mga demonyo mula sa mga inaalihan nito. Siguro, masasabi natin na pagod na si Hesus sa mga oras na iyon. Subalit, sa kabila ng kapaguran, si Hesus ay naglingkod sa mga tao. Kahit gaanong karami ang mga taong pumupunta sa Kanya, pinaglingkuran pa rin sila ni Hesus. 

Sa pagtatapos, matutunghayan natin na madaling-araw pa lang, handa na si Hesus. Inihahanda ni Hesus ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng panalangin. Si Hesus ay nananalangin sa Ama upang magkaroon ng lakas sa Kanyang paglilingkod sa mga tao sa araw na iyon. Sinabihan pa nga Niya si San Pedro Apostol na kailangang pumunta sila sa ibang kalapit-bayan upang maglingkod. 

Hindi nagsasawa si Hesus sa paglilingkod. Kahit nakakapagod ang ginagawa ni Hesus, hindi titigil si Hesus sa paglilingkod. Sinabi pa nga ni Hesus, "Naparito ang Anak ng Tao upang maglingkod, hindi upang paglingkuran." (Marcos 10, 45) Ito ang dahilan ng pagparito ng Panginoong Hesus sa lupa. Ang Panginoong Hesus ay buong pagpapakumbaba naparito upang paglingkuran ang sangkatauhan.  Mula sa simula hanggang sa katapusan ng Kanyang misyon sa lupa, hindi tinigilan o nasawa si Hesus sa paglilingkod sa mga tao. 

Dalawang linggo ang nakalipas mula noong ordenahan ang tatlong diyakano na nagsilbi sa mga Misa ng Santo Papa sa Maynila at sa mga Misa ni Luis Antonio Cardinal Tagle sa tuwing may misa siya sa Arkidiyosesis ng Maynila. Noong Enero 31 (Paggunita kay San Juan Bosco), inordenahan ang tatlong diyakono sa hanay ng kaparian sa Manila Cathedral. Sinabi ni Cardinal Tagle sa ordenasyon ng tatlong diyako sa pagkapari sa Manila Cathedral, "Kayo ay hinirang upang pagbayaran. Kayo ay hinirang upang asikasuhin ang mga tao." 

Ang mga pari ay naglilingkod na walang kabayarang hinahanap. Hindi isang trabaho ang pagiging pari. Ang pagkapari ay isang bokasyon. Tinatawag at hinihirang ng Diyos ang Kanyang mga pari upang paglingkuran ang Kanyang bayan. Kahit halos wala o kaunti lang ang kinikita ng pari, hindi iyon ang dahilan kung bakit sila pari. Ang pari ay isang pari upang maglingkod na walang hinihintay na kabayaran. 

Tayong lahat bilang tao ay hinirang ng Diyos upang maglingkod. Tinatawag tayong lahat ng Diyos upang paglingkuran ang isa't isa. Si Hesus ay handang maglingkod kahit saan, kahit kailan. Dapat tayo rin. Tayo rin nawa ay maging handa upang maglingkod kahit saan, kahit kailan, na walang hinihinging kabayaran. 

O Diyos, tulungan Mo kaming maging handang maglingkod na walang kabayarang hinahanap, kahit saan, kahit kailan. Amen. 

REFLECTIVE SONG: "Panalangin sa Pagiging Bukas Palad" 


Linggo, Pebrero 1, 2015

PANANALIG, PAGTALIMA, AT PAGSUNOD

Pebrero 2, 2015
Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo (ABK) 
Malakias 3, 1-4/Salmo 23/Hebreo 2, 14-18/Lucas 2, 22-40 (o kaya: 2, 22-32) 



Kasabay ng pagdiriwang ng Taon ng mga Dukha na idineklara ng CBCP dito sa Pilipinas, idineklara ng Santo Papa ang taong 2015 bilang Taon ng mga Relihiyoso't Relihiyosa (Year of Consecrated Life). Itinalaga ng mga relihiyoso't relihiyosa ang kanilang buhay sa paglilingkod sa Diyos. Katulad ng mga pari at mga madre, hindi sila nag-aasawa, bagamat hindi sila mga pari o madre. Ang kanilang buong buhay at pagkatao at itinatalaga at inilalaan sa Diyos. Isinusuko nila ang lahat ng mga bagay na ukol sa mundong ito bilang pagsunod sa Panginoon. 

Sa salaysay ng Mabuting Balita ngayon, napakinggan natin na dinala ng Mahal na Birheng Maria at ni San Jose ang Sanggol na Hesus upang dalhin sa Diyos. Ayon sa batas ni Moises, kinakailangang dalhin ng mag-asawa ang kanilang anak apatnapung araw matapos ang pagsilang ng kanilang anak. Sa ikaapatnapung araw pagkatapos isilang ang sanggol, kinakailangang dumaan sa paglilinis ang ina ng sanggol at kinakailangan ding italaga ang sanggol upang iligtas. 

Bagamat hindi kinailangang pagdaanan ng Sanggol na Hesus at ng Mahal na Inang Maria ang prosesong ito, pinili pa ring sundin ni Maria at Jose ang batas ng mga Hudyo. Sa pagpunta nila sa Jerusalem para sa paghahandog sa Sanggol na Hesus at paglilinis sa Mahal na Birheng Maria, ipinapakita nina San Jose at ng Mahal na Birheng Maria ang kanilang pagtalima at pagsunod sa utos at kalooban ng Diyos. 

Si Simeon naman ay nanalig at tumalima sa kalooban ng Diyos. Ipinangako sa kanya ng Diyos na hindi siya mamamatay hangga't hindi pa niya nakikita ang Mesiyas. Napakatagal ang ginawang paghihintay ni Simeon. Binanggit ni San Lucas Ebanghelista na napakatanda na ni Simeon. Nakakainip para sa atin bilang tao ang paghihintay ng matagal na panahon. Subalit, si Simeon ay nanalig sa pangako ng Panginoon sa kabila ng napakatagal na panahon at paghihintay. 

Balang araw, sa Kanyang pagtanda, si Hesus ay sumunod sa kalooban ng Ama. Sa Kanyang paglaki, tumalima at sumunod si Hesus sa utos ng Ama nang may buong pananalig. Nangaral ang Panginoong Hesus tungkol sa kaharian ng Diyos at pinagaling ang maraming may sakit. Pero, ang pinakamahirap gawin para kay Hesus ay ang mamatay para sa kasalanan ng sangkatauhan. Bago Siya dinakip, nanalangin si Hesus sa halamanan ng Hetsemani. Pero, buong pananalig at buong sigasig nanalig, tumalima at sumunod sa kalooban ng Ama. Ang panalangin ni Hesus sa halamanan, "Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod." (Lucas 22, 42) 

Ipinahayag nga ni Simeon sa Mahal na Inang Maria at kay San Jose na itinalaga ang batang Hesus para sa kaligtasan o ikapapahamak ng marami. Ipinahayag ng Diyos kay Simeon na magiging malaki ang misyon ng sanggol na Hesus sa Kanyang paglaki. Ang batang Hesus ay itinalaga at hinirang upang maging Tagapagligtas ng marami. Ipinahayag din ni Simeon kay Maria na isang balaraw ang tatarak sa kanyang puso. Napakasakit para kay Maria ang marinig ang mga salitang ito. Subalit, sa kabila nito, si Maria ay nanalig, tumalima at sumunod sa kalooban ng Diyos, kahit anong sakit ang idudulot nito sa kanyang puso. 

Hinihirang at itinatalaga tayo ng Diyos na maglingkod sa Kanya. Katulad ng Panginoong Hesukristo at ng Mahal na Birheng Maria, manalig, tumalima, at sumunod tayo sa kalooban ng Diyos. Napakahirap man o masakit man tanggapin ang kalooban ng Diyos, huwag tayong mawalan ng pananalig sa Panginoon. Si Hesus at Maria ay nanalig at tumalima sa kalooban ng Diyos, sa gitna ng mga pagsubok at mga mahihirap na sandali sa kanilang buhay. Hinahamon tayo ngayon na manalig, tumalima, at sumunod sa kalooban ng Diyos. 

Panginoon, tulungan Mo kaming manalig, tumalima at sumunod sa Iyo. Hindi ang kalooban namin ang nais masunod, kundi ang kalooban Mo. Amen. 

Mahal na Inang Maria, ipanalangin mo kami. 
San Jose, ipanalangin mo kami. 

REFLECTIVE SONG PARA SA PAGNINILAY SA MABUTING BALITA NGAYON (Pebrero 1, 2015 - Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon - Taon B)

"Mercy and Compassion" - Aia de Leon ft. Michael Bulaong 
(composed by Noel Miranda)
From the Album: "MERCY AND COMPASSION: SONGS FOR POPE FRANCIS" (Jesuit Music Ministry)

Isa po itong Post-Script sa aking Pagninilay sa Mabuting Balita ngayong araw na ito na pinamagatang, "PAGPAPALAYAS NG DEMONYO: PAGPAPAMALAS AT PAGPAPATUNAY NG HABAG AT MALASAKIT." 



courtesy: YouTube, Jesuit Communications