Biyernes, Enero 16, 2026

NAGPAKITA NG KABABAANG-LOOB SA KABILA NG KANIYANG KADAKILAAN

18 Enero 2026 
Kapistahan ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol (A) 
Isaias 9, 1-6/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 15-18/Mateo 18, 1-5. 10 


"Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa mga pinaghaharian ng Diyos" (Mateo 18, 4). Binigkas ni Jesus Nazareno ang mga salitang ito sa Ebanghelyo bilang tugon sa tanong ng mga apostol tungkol sa pinakadakila sa kaharian ng Diyos sa langit. Isinalungguhit Niya nang buong linaw sa mga salitang ito na binigkas Niya sa mga apostol sa Ebanghelyo ang halaga ng pagiging mababang-loob. Tunay ngang nalulugod ang Diyos sa mga may kababaang-loob. 

Inilaan para sa taunang pagdiriwang ng Kapistahan ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol, na mas kilala sa tawag na Santo Niño, ang ikatlong Linggo ng buwan ng Enero. Tanging sa Simbahan sa Pilipinas lamang ito ipinagdiriwang. Buong linaw na inilarawan ng mga imahen ng Santo Niño ang kababaang-loob ng Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo. Noong sumapit ang takdang panahon, kusang-loob na nagdesisyong bumaba mula sa Kaniyang kaharian sa langit ang Bugtong na Anak ng Diyos na Siya ring Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo at naging isang hamak na sanggol na lalaki na isinilang ng Birheng Maria sa isang sabsaban sa Betlehem noong gabi ng unang Pasko. Kahit na Siya mismo ay ang pinakadakila sa lahat, ipinasiya ng Mesiyas at Manunubos na nagmula sa langit na magpakumbaba. Hindi kayabangan kundi kababaang-loob ang ipinakita ng Panginoong Jesus Nazareno. 

Kaya naman, nasabi ng Poong Jesus Nazareno ang mga salitang Kaniyang binigkas sa mga apostol bilang tugon sa kanilang tanong tungkol sa pinakadakila sa kaharian ng langit sa Ebanghelyo dahil una Niya itong ginawa. Ipinaalala Niya sa kanila kung saan Siya nagmula. Nagmula Siya sa langit. Subalit, sa kabila ng kadakilaang taglay Niya bilang tunay na Diyos at Hari, buong kababaang-loob Niyang ipinasiyang bumaba sa daigdig at pagdaanan ang bawat yugto ng buhay ng bawat tao alang-alang sa bawat isa sa atin. Patunay ito ng Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa.

Dahil sa kababaang-loob ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang propesiyang inilahad sa Unang Pagbasa mula sa ikasiyam na kabanata ng aklat ng propetang si Isaias ay natupad. Nang matupad ang nasabing propesiya na inilahad sa Unang Pagbasa, ang ipinahayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ay tinupad rin Niya. Ang bunga nito ay inilarawan sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa pamamagitan ng kababaang-loob ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, itinalaga tayong lahat bilang mga anak ng Diyos (Efeso 1, 4-5). Ipinasiya ng Diyos na ibilang tayo sa Kaniyang pamilya. Tayong lahat ay naging bahagi ng Kaniyang pamilya. 

Bumaba mula sa langit ang Poong Jesus Nazareno upang tayong lahat ay iligtas sa pamamagitan ng Kaniyang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay. Subalit, bago Niya harapin ang Krus at Muling Pagkabuhay, dumaan muna Siya sa pagiging isang bata. Dinaanan Niya ang yugto ng kabataan dahil ito ay bahagi ng Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ito ang isinasagisag ng mga imahen at larawan ng Santo Niño. 

Huwebes, Enero 15, 2026

INIIBIG SIYA NG MGA DUMARAKILA SA KANIYA

16 Enero 2026 
Biyernes ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
1 Samuel 8, 4-7. 10-22a/Salmo 88/Marcos 2, 1-12 


"Pag-ibig Mong walang maliw ay lagi kong sasambitin" (Salmo 88, 2a). Buong linaw na inilarawan sa mga salitang binigkas ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ang pag-ibig ng Diyos para sa tanan. Ang dakilang pag-ibig ng Diyos ay pinagninilayan nang buong kataimtiman ng Simbahan sa araw na ito. Kahit na sinasariwa ng Simbahan araw-araw ang dakilang pag-ibig ng Diyos na nahayag sa lahat sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na Kaniyang Bugtong na Anak na laging dumarating sa ating piling sa anyo ng tinapay at alak sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya, ang dakilang pag-ibig na ito ng Diyos ay nararapat lamang pagnilayan. Sa gayon, hinding-hindi natin malilimot ang katotohanang ito tungkol sa Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, iniutos ng Diyos ang Kaniyang propetang si Samuel na bigyan ng isang hari ang bayang Israel. Bagamat batid ng Diyos na inaayawan Siya ng bayang Kaniyang hirang, ipinakita pa rin Niya sa kanila ang Kaniyang pag-ibig. Tinanggap at ginalang ng Diyos ang kanilang hangarin at pasiyang magkaroon ng hari. Hindi Niya nilipol ang Kaniyang bayan dahil sa pasiya nilang ito. Pinagbigyan Niya sila, kahit na lubusan Siyang nasaktan. Sa Ebanghelyo, ipinakita ng Bugtong na Anak ng Diyos na dumating sa daigdig na ito bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas noong ang takdang panahon ay sumapit na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno ang Kaniyang pag-ibig na tunay ngang dakila at kahanga-hanga. Ipinagkaloob Niya sa paralitikong dinala sa Kaniya ang biyaya ng kagalingang pisikal at espirituwal. 

Tunay nga tayong iniibig ng Poong Jesus Nazareno. Hindi Siya titigil sa pagpapamalas ng Kaniyang dakilang pag-ibig sa atin. Bilang tugon, dakilain natin nang taos-puso sa bawat sandali ng ating buhay ang Poong Jesus Nazareno. Pagsisihan at talikdan ang makasalanang pamumuhay. Ang landas ng kabanalan ay ating tahakin. Kapag ito ang ating ginagawa, ipinapahayag nating iniibig rin natin Siya nang taos-puso. Dinarakila si Jesus Nazareno ng mga umiibig sa Kaniya nang taos-puso. 

Sabado, Disyembre 13, 2025

SA PAMAMAGITAN NG PINAKADAKILANG BIYAYA, NAHAYAG ANG KANIYANG KADAKILAAN

11 Enero 2026 
Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon (A) 
Isaias 42, 1-4. 6-7/Salmo 28/Mga Gawa 10, 34-38/Mateo 3, 13-17 


Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob sa sangkatauhan. Ito ang katotohanang buong linaw na pinagninilayan ng Simbahan sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon. Dahil sa Kaniyang pag-ibig, habag, at awa, ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ang pinakadakilang biyayang nagmumula lamang sa Kaniya na walang iba kundi ang Kaniyang Bugtong na Anak. Buong linaw na nahayag sa pamamagitan nito ang kadakilaan ng Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, ipinakilala ng Diyos ang Kaniyang dakilang lingkod na hinirang na walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas. Ang pangaral ng unang Santo Papa na si Apostol San Pedro sa bahay ni Cornelio na isang kapitang Romano na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa ay nakasentro sa katuparan ng mga pahayag ng Diyos tungkol sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos sa Lumang Tipan, gaya ng Kaniyang pahayag na ipinaabot ni Propeta Isaias sa Kaniyang bayan sa Unang Pagbasa. Buong linaw na ipinakilala sa Ebanghelyo kung sino ang lingkod na ito - ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ipinakilala Siya ng Ama at ng Espiritu Santo noong binyagan Siya ng dakilang lingkod na hinirang rin ng Diyos na si San Juan Bautista. Pagkaahon Niya mula sa tubig ng Ilog Jordan, ipinakilala Siya ng Ama at ng Espiritu Santo. 

Inaanyayahan tayo ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan na mag-alay ng taos-pusong papuri at pasasalamat sa Diyos na nagpasiyang ipamalas sa ating lahat ang Kaniyang kadakilaan dahil sa Kaniyang dakilang awa, habag, at pag-ibig na tunay ngang dakila. Dapat lamang itong gawin sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa bilang mga debotong misyonero ng Poong Jesus Nazareno. Ang Kaniyang Kabanal-Banalang Ngalan ay dinarakila natin sa pamamagitan nito. 

Hindi ipinagkait sa atin ng Diyos ang pinadakilang biyaya sa atin. Kaya naman, bilang tugon, nararapat lamang na dakilain natin Siya sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Pinatutunayan nating dalisay, taos-puso, at busilak ang ating debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan nito. 

ANG POONG JESUS NAZARENO AY DAPAT ITAAS AT DAKILAIN

09 Enero 2026 
Kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17 

Screenshot: Official Theme and Launching of the NAZARENO 2026 LOGO (Quiapo Church YouTube channel, October 28, 2025). 


"Dapat Siyang itaas at ako nama'y bumaba" (Juan 3, 30). Ito ang mga salitang buong kababaang-loob na ipinahayag ni San Juan Bautista bilang tugon sa balita tungkol sa pagtaas ng bilang ng mga taong lumalapit sa Mahal na Poong Jesus Nazareno upang magpabinyag. Katunayan, sabi nga sa ibang salin ng mga salitang ito na binigkas ni San Juan Bautista: "Dapat Siyang maging dakila at ako nama'y mababa." Puspos ng tuwa, ligaya, galak, at saya ang puso ni San Juan Bautista dahil ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay itinataas at dinarakila. 

Ang mga salitang ito na binigkas ni San Juan Bautista bilang tugon sa balita tungkol sa pagdami ng mga taong lumalapit at nagpapabinyag sa Poong Jesus Nazareno na ipinagkaloob ng Amang nasa langit sa sangkatauhan bilang ipinangakong Mesiyas na magkakaloob ng kaligtasan sa pamamagitan ng Kaniyang Misteryo Paskwal ay ang talata mula sa Banal na Kasulatan na pinili ng pamunuan ng Basilika at Dambana ni Jesus Nazareno sa Quiapo bilang tema ng Kapistahan ng Poong Jesus Nazareno. Isa lamang ang layunin ng pagpili sa mga salitang ito ni San Juan Bautista bilang tema ng Kapistahan ng Poong Jesus Nazareno - ituro ang halaga ng taos-pusong debosyon at pamamanata sa Kaniya. Hindi nasusukat ang pagsamba sa andas sa prusisyon mula Luneta hanggang Quiapo ang taos-pusong debosyon at pamamanata. Bagkus, ang debosyon at pamamanta sa Poong Jesus Nazareno ay nasusukat sa pagbabahagi ng habag at awang Kaniyang kaloob sa atin sa pamamagitan ng mga salita at gawa. 

Sa Unang Pagbasa, ipinakita ng Diyos ang Kaniyang habag at awa sa mga Israelita matapos Niya silang parusahan sa pamamagitan ng mga makamandag na ahas. Ang ahas na tanso na ipinagawa Niya kay Moises ay patunay ng Kaniyang habag at awa. Nakasentro sa kababaang-loob ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang pangaral ng dakilang apostol at misyonerong si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Buong linaw na nahayag ang dakilang habag at awa ng Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na buong kababaang-loob na tumupad sa Kaniyang misyon bilang Mesiyas at Manunubos. Sa Ebanghelyo, buong linaw na inihayag ang bukod-tanging dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na patunayan ang Kaniyang dakilang habag at awa sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno - pag-ibig. 

Bilang mga deboto ng Panginoong Jesus Nazareno, dapat nating ipakita Siya sa lahat sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa Kaniyang mga utos at loobin. Kapag ito ang ating ipinasiyang gawin, ang mga salita ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ay ating isinasabuhay. Pinatutunayan natin sa pamamagitan nito na tunay ngang taos-puso, dalisay, at busilak ang ating debosyon at pamamanata sa Kaniya. 

Hindi sa pamamagitan ng pagsampa sa andas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa tuwing isinasagawa ang maringal na prusisyon ng Traslacion mula Luneta hanggang Quiapo sa araw ng Kaniyang Kapistahan nasusukat ang pagiging dalisay, taos-puso, at busilak ng ating debosyon at pamamanata sa Kaniya. Bagkus, ang sukatan nito ay walang iba kundi ang pamumuhay ayon sa Kaniyang kalooban. Sa pamamagitan nito, ipinapakita natin Siya sa lahat. Ang sinumang nagpapakita sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. 

Biyernes, Disyembre 12, 2025

TAPAT SA MGA PANGAKO ANG ATING DINARAKILA

08 Enero 2026 
Huwebes kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon 
Ikasiyam at Huling Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno 
1 Juan 4, 19-5, 4/Salmo 71/Lucas 4, 14-22a 


Ang mga Pagbasa ay nakatuon sa katapatan ng Diyos. Hindi Siya nakakalimot sa mga pangakong Kaniyang binitiwan. Lagi Niyang tinutupad ang mga ito sa mga panahong itinakda Niya bilang patunay ng Kaniyang katapatan. Nahahayag sa pamamagitan ng Kaniyang katapatan ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. 

Sa Unang Pagbasa, ipinaliwanag ni Apostol San Juan kung bakit dapat tayong mag-ibigan. Bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno dahil una Niya tayong inibig (1 Juan 4, 19). Ang Diyos ay laging naging tapat sa atin. Kahit na mga makasalanan tayo, ipinasiya ng Diyos na mahalin tayo bilang patunay ng Kaniyang katapatang walang maliw. Ito ang tanging dahilan kung bakit naparito Siya sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Buong linaw nga Niyang sinabi sa mga taong nagkatipon sa sinagoga sa Nazaret matapos basahin ang propesiya ni Propeta Isaias tungkol sa ipinangakong Mesiyas na natupad ang propesiyang yaon sa pamamagitan Niya. Kung tayong lahat ay mag-iibigan nang mayroong dalisay na puso at loobin, katulad ng tinagubilinan ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa, isinasabuhay natin ang mga salita sa Salmong Tugunan. 

Bilang mga debotong misyonero ng Poong Jesus Nazareno, ang hindi nakakalimot sa mga pangakong binitiwan, dakilain natin Siya nang taos-puso. Hindi ito ginagawa sa pamamagitan ng pagsampa sa andas sa maringal na prusisyon ng Traslacion mula sa Luneta papunta sa Kaniyang Basilika at Dambana sa distrito ng Quiapo sa araw ng ika-9 ng Enero na araw ng Kaniyang Kapistahan. Bagkus, ang Poong Jesus Nazareno ay ating dinarakila sa pamamagitan ng pamumuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa. 

DINARAKILA SIYA NG MGA NAGLILINGKOD SA KANIYA NANG TAOS-PUSO

07 Enero 2026 
Miyerkules kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon 
Ikawalong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno 
1 Juan 4, 11-18/Salmo 71/Marcos 6, 45-52 


"Huwag kayong matakot, si Hesus ito!" (Marcos 6, 50). Sa mga salitang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Ang mga salitang ito ay binigkas Niya sa mga alagad habang naglalakad Siya sa ibabaw ng tubig sa gitna ng matinding bagyo. Nagdulot Siya ng kanatagan ng loob sa mga alagad sa pamamagitan ng pagpapakilala sa kanila. Ipinamalas Niya sa kanila ang Kaniyang dakilang pag-ibig, habag, at awa sa pamamagitan nito. 

Nakasentro ang pangaral ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa sa pag-iibigan nang taos-puso bilang patunay ng ating taos-pusong pasiyang manalig, sumampalataya, umasa, at sumamba sa Diyos. Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ng Poong Jesus Nazareno, dapat tayong mag-ibigan. Ipinapalaganap natin sa pamamagitan ng ating pasiyang mag-ibigan nang taos-puso ang dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Diyos. Sa pamamagitan rin nito, ang mga salita ng na mang-aawit sa Salmong Tugunan ay atin ring isinasabuhay. 

Bilang mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Kaniyang pag-ibig, habag, at awa na tunay ngang dakila at kahanga-hanga ay dapat nating ipalaganap. Ito ang magpapatunay na taos-puso natin Siyang pinaglilingkuran. Sa pamamagitan ng ating pasiyang paglingkuran Siya nang taos-puso, dinarakila natin Siya nang taos-puso. 

Huwebes, Disyembre 11, 2025

IBAHAGI ANG PAG-IBIG, HABAG, AT AWA NG ATING DINARAKILA

06 Enero 2026 
Martes kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon 
Ikapitong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno 
1 Juan 4, 7-10/Salmo 71/Marcos 6, 34-44 


Nakasentro sa dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang mga Pagbasa. Buong linaw na isinasalungguhit na tunay nga Siyang mahabagin, maawain, at mapagmahal. Sa pamamagitan ng pagpapamalas ng Kaniyang pag-ibig, habag, at awa, ang Kaniyang kadakilaan ay nahahayag sa lahat. Hindi Siya napilitan gawin ito. Kusang-loob Niya itong ipinasiyang gawin. 

Sa Ebanghelyo, ipinakita ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang awa, habag, at pag-ibig sa limanlibo sa pamamagitan ng pagpaparami ng tinapay at isda. Bilang tugon sa pangangailangan ng limanlibo na nagtungo sa ilang na lugar upang makita Siya, ang limang tinapay at dalawang isda na dala ng mga alagad ay Kaniyang pinarami. Hindi hinayaan ng Poong Jesus Nazareno na magutom ang limanlibo na nagtungo sa ilang na lugar na yaon upang makita Siya. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na gawin ang himalang ito na tunay ngang kahanga-hanga. 

Buong linaw na inilarawan ni Apostol San Juan sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa kung ano ang dapat gawin. Dapat tayong umibig gaya ng Diyos. Kinakailangan nating ibahagi ang dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Diyos sa kapwa. Sa pamamagitan nito, isinasabuhay natin ang mga salita ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Pinaglilingkuran natin ang Diyos nang taos-puso. Ang mga taos-pusong naglilingkod sa Diyos ay dumarakila sa Kaniya. 

Handog ng mga taos-pusong naglilingkod sa Diyos ang taos-pusong pagdakila. Ang dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Diyos ay kanilang ibinabahagi sa pamamagitan ng kanilang taos-pusong paglilingkod sa Kaniya. Ito ang dapat nating gawin sa bawat oras at sandali bilang mga debotong misyonero ng Poong Jesus Nazareno.